Isaiah 63
De Heilige Schrift 1917 (nl) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Sino itong dumarating mula sa Bosra na sakop ng Edom, na ang maganda niyang damit ay namantsahan ng pula? Dumarating siya na taglay ang kapangyarihan. Ako ang Panginoong nagpapahayag ng katarungan at may kapangyarihang magligtas sa inyo.
- 2
Bakit napakapula ng kanyang damit, kasimpula ng damit ng taong nagpipisa ng ubas?
- 3
“Sa aking galit, pinisa ko na parang ubas ang mga bansa. Mag-isa akong nagpisa; wala akong kasama. Ang dugo nila ay tumalsik sa aking damit; kaya namantsahan ang damit ko.
- 4
Ginawa ko ito dahil dumating na ang araw ng aking paghihiganti sa aking mga kaaway at ililigtas ko ang aking mga mamamayan.
- 5
Nagtaka ako dahil nakita ko na wala kahit isa ang tumulong sa akin. Kaya ako lang ang nagligtas sa aking mga mamamayan sa pamamagitan ng aking kapangyarihan. Ang galit ko ang nagtulak sa akin upang parusahan ang aking mga kaaway.
- 6
At sa galit ko, tinapakan ko ang mga bansa at pinasuray-suray sila na parang mga lasing. Ibinuhos ko ang kanilang dugo sa lupa.”
- 7
Ihahayag ko ang pag-ibig ng Panginoon. Pupurihin ko siya sa lahat ng kanyang ginawa sa atin. Napakarami ng ginawa niya sa atin na mga mamamayan ng Israel dahil sa laki ng kanyang awa at pag-ibig.
- 8
Sinabi ng Panginoon, “Totoo ngang sila ang aking mga mamamayan, silaʼy mga anak kong hindi magtataksil sa akin.” Kung kaya, iniligtas niya sila.
- 9
Sa lahat ng kanilang pagdadalamhati, nagdalamhati rin siya, at iniligtas niya sila sa pamamagitan ng anghel na nagpahayag ng kanyang presensya. Dahil sa pag-ibig niyaʼt awa, iniligtas niya sila. Noong una pa man, inalagaan niya sila sa lahat ng araw.
- 10
Ngunit nagrebelde sila at pinalungkot nila ang kanyang Banal na Espiritu. Kung kaya, kinalaban sila ng Panginoon, at silaʼy naging kaaway niya.
- 11
Ngunit sa huli naalala nila ang mga lumipas na panahon, noong pinalabas ni Moises ang mga mamamayan niya sa Ehipto. Nagtanong sila, “Nasaan na ang Panginoon na nagpatawid sa atin sa dagat kasama ng ating pinunong si Moises na parang isang pastol ng mga tupa? Nasaan na ang Panginoon na nagpadala sa atin ng kanyang Espiritu?
- 12
Nasaan na ang Panginoon na nagbigay ng kapangyarihan kay Moises, at naghati ng dagat sa ating harapan, upang siyaʼy maitanyag magpakailanman?
- 13
Nasaan na siya na gumabay sa atin nang tumawid tayo sa dagat? Ni hindi tayo natisod katulad ng mga kabayong dumadaan sa malinis na lugar.
- 14
Binigyan tayo ng Espiritu ng Panginoon ng kapahingahan, katulad ng mga bakang pumupunta sa pastulan sa kapatagan.” Panginoon, pinatnubayan nʼyo po kami na inyong mga mamamayan upang kayoʼy aming maparangalan.
- 15
Masdan po ninyo kami mula sa langit, na siyang iyong banal at dakilang tahanan. Nasaan na ang inyong pagmamalasakit sa amin, at ang inyong kapangyarihang ipinakita noon sa amin? Nasaan na ang inyong pag-ibig at awa sa amin?
- 16
Sapagkat kayo ang aming Ama, kahit na hindi kami kilalanin ni Abraham at ni Jacob na kanilang lahi. Totoo, Panginoon, kayo ang aming Ama, ang aming Tagapagligtas mula pa noon.
- 17
Panginoon, bakit ninyo kami pinahintulutang mapalayo sa inyong mga pamamaraan? Bakit ninyo pinapatigas ang aming mga puso na nagbunga ng hindi namin paggalang sa inyo? Magbalik po kayo sa amin, dahil kami ay mga lingkod ninyo at lahing tanging sa inyo lamang.
- 18
Sa maikling panahon, ang mga mamamayan ninyo ang may-ari ng inyong banal na lugar. At ngayon, giniba na ito ng aming mga kaaway.
- 19
Kami ay inyo mula pa noon, ngunit itinuring nʼyo kaming hindi sa inyo, at parang hindi nʼyo pinamumunuan.