Isaiah 62
De Heilige Schrift 1917 (nl) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Dahil sa mahal ko ang Jerusalem, hindi ako tatahimik hanggaʼt hindi dumarating ang kanyang tagumpay at katuwiran na parang nagbubukang-liwayway; at hanggang sa mapasakanya ang kanyang kaligtasan na parang nagniningas na sulo.
- 2
O Jerusalem, makikita ng mga bansa at ng kanilang mga hari ang iyong tagumpay, katuwiran, at ang iyong kapangyarihan. Bibigyan ka ng Panginoon ng bagong pangalan.
- 3
Ikaw ay magiging parang koronang maganda sa kamay ng Panginoon na iyong Diyos.
- 4
Hindi ka na tatawaging, “Itinakwil” o “Pinabayaan”. Ikaw ay tatawaging, “Kaligayahan ng Diyos” o “Ikinasal sa Diyos”, sapagkat ang Panginoon ay nalulugod at para bang ikaw ay ikakasal sa kanya.
- 5
Tulad ng binatang ikakasal sa isang dalaga, pakakasalan ka rin ng iyong Manlilikha. At kung papaanong nagagalak ang lalaking ikakasal sa kanyang kasintahan, ang iyong Diyos ay nagagalak din sa iyo.
- 6
Jerusalem, nagtalaga ako ng mga tagapagbantay sa iyong mga pader. Hindi sila titigil araw-gabi sa pagbibigay ng babala sa mga mamamayan mo. Kayong mga nananalangin sa Panginoon, huwag kayong titigil sa inyong pananalangin.
- 7
Huwag ninyong titigilan ang Panginoon hanggang sa muli niyang itayo ang Jerusalem at gawin itong lugar na kapuri-puri sa buong mundo.
- 8
Nangako ang Panginoon na gagawin niya ito sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Sinabi niya, “Hindi ko na ipapakain ang inyong mga trigo sa inyong mga dayuhang kaaway. Hindi na rin nila maiinom ang mga bagong alak na inyong pinaghirapan.
- 9
Kayo mismong nag-aani ng trigo ang kakain nito, at pupurihin ninyo ang Panginoon. Kayo mismong namimitas ng ubas ang iinom ng katas nito doon sa aking Templo.”
- 10
Lumabas kayo sa pintuan ng inyong lungsod, at ihanda ninyo ang daraanan ng iba pa ninyong mga kababayan. Linisin ninyo ang kanilang daraanan. Alisin ninyo ang mga bato, at magtaas kayo ng bandilang nagpapahiwatig sa mga tao na pinauuwi na ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan.
- 11
Makinig kayo! Ito ang mensahe ng Panginoon na ipinahayag niya hanggang sa dulo ng mundo: “Sabihin ninyo sa lahat ng taga-Zion na ang kanilang Tagapagligtas ay parating na, at may dalang gantimpala.”
- 12
Tatawagin silang “Banal” at “Iniligtas ng Panginoon.” At ang Jerusalem naman ay tatawaging, “Lungsod na Pinananabikan” at “Lungsod na hindi na Pinabayaan.”