Isaiah 64
De Heilige Schrift 1917 (nl) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Panginoon, punitin ninyo ang kalangitan at kayoʼy bumaba nang mayanig ang lahat ng kabundukan sa inyong harapan.
- 2
Kung papaanong pinapaliyab ng apoy ang mga tuyong sanga at pinapakulo ang tubig, sa inyong pagdating ay manginginig ang mga bansang kaaway ninyo, at malalaman nila kung sino kayo.
- 3
Noong kayoʼy bumaba at gumawa ng mga kahanga-hangang bagay na hindi namin inaasahan, nayanig ang mga bundok sa inyong harapan.
- 4
Mula pa noong unang panahon, wala pang taingang nakarinig, wala pang matang nakakita sa Diyos maliban sa inyo na kumikilos para sa sinumang nagtitiwala sa kanya.
- 5
Tinatanggap ninyo ang mga nagagalak na gumawa ng matuwid at sumusunod sa inyong mga pamamaraan. Ngunit dahil patuloy naming sinusuway ang inyong mga kapamaraanan, nagalit po kayo sa amin. Kaya papaano kami maliligtas?
- 6
Kaming lahat ay naging marumi at madungis, at ang lahat ng aming mabubuting gawa ay parang maruming basahan. Kaming lahat ay parang dahong natutuyo, at ang aming kasamaan ay parang hangin na tumatangay sa amin.
- 7
Wala kahit isa man sa amin ang humihiling at nagsusumikap na kumapit sa inyo. Sapagkat lumayo po kayo sa amin, at pinabayaan ninyo kaming mamatay dahil sa aming mga kasalanan.
- 8
Ngunit, Panginoon, kayo pa rin ang aming Ama. Ang katulad ninyoʼy magpapalayok, at kami naman ay parang putik. Kayo ang lumikha sa aming lahat.
- 9
Panginoon, huwag naman po ninyong lubusin ang inyong galit sa amin o kayaʼy alalahanin ang mga kasalanan namin magpakailanman. Nakikiusap po kami sa inyo na kamiʼy inyong dinggin, dahil kaming lahat ay inyong mamamayan.
- 10
Ang mga banal ninyong lungsod ay naging ilang; maging ang bundok ng Zion ay walang naninirahan, ang Jerusalem ay naiwang nakatiwangwang.
- 11
Nasunog ang aming banal at magandang Templo, kung saan po kayo sinasamba ng aming mga ninuno. Nawasak ang lahat ng bagay na mahalaga sa amin.
- 12
Sa kalagayan naming ito, Panginoon, kami po ba ay ayaw pa rin ninyong tulungan? Kayo po ba ay tatahimik na lamang, at parurusahan kami nang lubusan?