Isaiah 61
De Heilige Schrift 1917 (nl) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Ang Espiritu ng Makapangyarihang Panginoon ay sumasaakin. Sapagkat hinirang niya ako na mangaral ng magandang balita sa mga dukha. Sinugo niya ako para aliwin ang mga sugatang-puso, at para ipahayag sa mga bihag at mga bilanggo na silaʼy malaya na.
- 2
Sinugo rin niya ako para ipahayag na ngayon na ang panahon na ililigtas ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan at parurusahan ang kanilang mga kaaway.
- 3
Sinugo rin niya ako para aliwin ang mga nalulungkot sa Zion, nang sa ganoon, sa halip na maglagay sila ng abo sa kanilang ulo bilang tanda ng pagdadalamhati, maglalagay sila ng langis o ng koronang bulaklak sa kanilang ulo bilang tanda ng kaligayahan. Silaʼy magiging parang matibay na puno na itinanim ng Panginoon. Kikilalanin silang mga taong matuwid sa ikakaluwalhati ng Panginoon.
- 4
Muli nilang itatayo ang mga lugar na gumuho noong unang panahon, at aayusin ang mga lungsod na nawasak noon. Muli nilang bubuhayin ang mga ito, kahit na napakatagal na nitong gumuho.
- 5
Mga mamamayan ng Diyos, maglilingkod sa inyo ang mga dayuhan. Aalagaan nila ang inyong mga hayop, at magtatrabaho sila sa inyong mga bukid at mga ubasan.
- 6
Tatawagin kayong mga pari ng Panginoon, mga lingkod ng ating Diyos. Makikinabang kayo sa kayamanan ng mga bansa at magagalak kayo na ang mga itoʼy naging inyo.
- 7
Sa halip na kahihiyan, magiging doble ang inyong matatanggap na pagpapala sa inyong lupain at talagang masisiyahan kayo sa matatanggap ninyo. Magiging maligaya kayo magpakailanman.
- 8
“Sapagkat ako, ang Panginoon, ay nagnanais ng katarungan. Galit ako sa mga pagnanakaw at sa iba pang kasamaan. Sa aking katapatan, gagantimpalaan ko ang aking mga mamamayan at gagawa ako ng walang hanggang kasunduan sa kanila.
- 9
Ang lahi nilaʼy magiging tanyag sa mga bansa. Ang lahat ng makakakita sa kanila ay magsasabing silaʼy mga taong pinagpala ng Panginoon.”
- 10
Nalulugod ako sa Panginoon kong Diyos, dahil para niya akong binihisan ng kaligtasan at tagumpay. Para akong lalaking ikakasal na may suot na katulad ng magarang damit ng pari, o babae sa kasal na may mga alahas.
- 11
Sapagkat kung papaanong tiyak na sa lupa tumutubo ang mga binhi, ang tagumpay at katuwiran naman ay tiyak na manggagaling Makapangyarihang Panginoon, at pupurihin siya ng mga bansa.