Jeremiah 6
Hindustani (Urdu in Devanagari), IRV 2019 (ur-Deva) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
“Mga lahi ni Benjamin, tumakas kayo at magtago! Umalis kayo sa Jerusalem! Patunugin nʼyo ang trumpeta sa Tekoa at hudyatan nʼyo ang Bet-hakerem, sapagkat darating na ang kapahamakan mula sa hilaga.
- 2
Wawasakin ko ang magandang lungsod ng Jerusalem.
- 3
Papalibutan ito ng mga pinuno at ng kanilang mga sundalo. Magtatayo sila ng kanilang mga tolda sa paligid nito at doon sila magkakampo.”
- 4
“Humanda kayo! Pagsapit ng tanghali, sasalakayin natin sila. Ngunit pagdating ng hapon, sasabihin ng pinuno, ‘Kahabag-habag tayo, lumulubog na ang araw at medyo dumidilim na.’
- 5
Ngayong gabi na lang tayo sasalakay at wawasakin natin ang mga matitibay na bahagi ng lungsod na ito.”
- 6
Ito ang sinasabi ng Panginoon ng mga Hukbo, “Pumutol kayo ng mga kahoy na pangwasak sa mga pader ng Jerusalem, at magtambak kayo ng lupa sa gilid ng pader at doon kayo dumaan. Nararapat nang parusahan ang lungsod na ito dahil laganap na rito ang mga pang-aapi.
- 7
Katulad ng bukal na patuloy ang pag-agos ng tubig, patuloy ang paggawa nito ng kasamaan. Palaging nababalitaan sa lungsod na ito ang mga karahasan at panggigiba. Palagi kong nakikita ang mga karamdaman at sugat nito.
- 8
Mga taga-Jerusalem, babala ito sa inyo at kung ayaw pa ninyong makinig, lalayo ako sa inyo, at magiging tiwangwang ang lupain nʼyo at wala nang maninirahan dito.”
- 9
Sinabi pa ng Panginoon ng mga Hukbo: “Ang mga matitirang buhay sa Israel ay ipapaubos ko sa mga kaaway, katulad ng huling pamimitas ng mga natitirang ubas. Tinitingnan nilang mabuti ang mga sanga at kukunin ang mga natitirang bunga.”
- 10
Ngunit Panginoon, sino po ang bibigyan ko ng babala? Sino po kaya ang makikinig sa akin? Tinakpan po nila ang kanilang mga tainga upang hindi sila makarinig. Kinasusuklaman po nila ang salita ng Panginoon, kaya ayaw nilang makinig.
- 11
Nararamdaman ko rin ang galit ng Panginoon sa kanila at hindi ko ito mapigilan. Sinabi ng Panginoon, “Ibuhos mo ito sa mga batang naglalaro sa lansangan, sa mga kabataang lalaki na nagkakatipon, sa mga mag-asawa at pati na sa matatanda.
- 12
Ibibigay sa iba ang mga bahay nila, pati ang mga bukid at mga asawa nila. Mangyayari ito kapag pinarusahan ko na ang mga nakatira sa lupaing ito,” sabi ng Panginoon.
- 13
“Mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila, pare-pareho silang sakim sa pera. Kahit ang mga propeta at mga pari ay mga mandaraya rin.
- 14
Binabalewala nila ang sugat ng aking mga mamamayan kahit malala na ito. Sinasabi rin nilang payapa ang lahat, kahit hindi naman.
- 15
Nahihiya ba sila sa ugali nilang kasuklam-suklam? Hindi! Wala na kasi silang kahihiyan! Ni hindi nga namumula ang kanilang mukha sa kahihiyan. Kaya mapapahamak sila katulad ng iba. Ibabagsak sila sa araw na parusahan ko sila,” sabi ng Panginoon.
- 16
Ito pa ang sinabi ng Panginoon: “Tumayo kayo sa mga kanto at magmasid kayo nang mabuti. Magtanong kayo kung alin ang dati at mabuting daan, at doon kayo dumaan. At makakamtan ninyo ang kapayapaan. Ngunit sinabi ninyo, ‘Hindi kami dadaan doon.’
- 17
Naglagay ako ng mga tagapagbantay at sinabi nila sa inyo, ‘Pakinggan ninyo ang tunog ng trumpeta bilang babala.’ Ngunit sinabi ninyo, ‘Hindi namin iyon pakikinggan.’
- 18
Kaya kayong mga bansa, makinig kayo. Masdan ninyong mabuti kung ano ang mangyayari sa kanila.
- 19
Buong mundo, makinig kayo! Magpapadala ako ng kapahamakan sa mga taong ito upang parusahan sila sa kanilang masasamang balak. Sapagkat ayaw nilang pakinggan ang mga salita ko at itinakwil nila ang mga kautusan ko.
- 20
Walang halaga sa akin ang inihahandog nilang insenso kahit na galing pa ito sa Sheba, o ang mga pabangong mula pa sa malayong lugar. Hindi katanggap-tanggap ang kanilang mga handog na sinusunog. Hindi ako natutuwa sa mga handog nila sa akin.”
- 21
Kaya ito ang sinabi ng Panginoon: “Ako ay maglalagay ng katitisuran sa dinadaanan ng mga taong ito. At dahil dito, babagsak ang mga ama at mga batang lalaki, pati ang mga magkaibigan at magkapitbahay.”
- 22
Ito pa ang sinasabi ng Panginoon, “Tingnan ninyo, may mga sundalong dumarating galing sa lupain sa hilaga, isang makapangyarihang bansa na galing sa malayong lupain na handang sumalakay.
- 23
Ang dala nilang sandata ay mga pana at mga sibat. Malulupit sila at walang habag. Ang ingay nila ay parang malalakas na alon habang nakasakay sila sa kanilang mga kabayo. Darating sila para salakayin kayo, mga taga-Zion.”
- 24
Nabalitaan namin ang tungkol sa kanila at kami ay nanlupaypay. Takot at hirap ang naramdaman namin katulad ng paghihirap ng babaeng manganganak na.
- 25
Huwag na kayong lalabas upang pumunta sa mga bukid o lumakad sa mga daan, sapagkat may mga kaaway kahit saan na handang pumatay. Nakakatakot sa ating paligid.
- 26
Mga kababayan, magsuot kayo ng sakong damit at gumulong kayo sa abo upang ipakita ang inyong pagluluksa. Umiyak kayo na parang namatay ang kaisa-isa ninyong anak. Sapagkat ang mangwawasak ay sasalakay nang biglaan.
- 27
“Ginawa kitang ng tagasuri ng mga metal, at ang aking mamamayan ang bato upang masuri mo ang pag-uugali ng aking mga mamamayan.
- 28
Silang lahat ay rebelde at matitigas ang ulo, kasintigas ng tanso at bakal. Nanlalait at nanloloko sila ng kanilang kapwa.
- 29
Ang mga pugon ay patuloy na pinapainit upang sunugin ang tinggang nakahalo sa pilak. Subalit ang pagdalisay ay walang kabuluhan dahil ang masama ay hindi natatanggal nang lubusan.
- 30
Tatawagin silang, ‘Itinakwil na Pilak’ dahil itinakwil sila ng Panginoon.”