Jeremiah 5
Hindustani (Urdu in Devanagari), IRV 2019 (ur-Deva) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Sinabi ng Panginoon, “Mga taga-Jerusalem, pumunta kayo sa inyong mga lansangan! Tingnan ninyo ang inyong mga plasa! Kung may makikita kayong matuwid at tapat, patatawarin ko ang lungsod ninyo.
- 2
Kahit ginagamit ninyo ang pangalan ng Panginoon sa pagsumpa nʼyo, nagsisinungaling pa rin kayo.”
- 3
Panginoon, naghahanap po kayo ng taong tapat. Sinaktan po ninyo ang inyong mga mamamayan ngunit balewala ito sa kanila. Pinarusahan nʼyo sila ngunit ayaw nilang magpaturo. Pinatigas nila ang kanilang mga puso at ayaw nilang magsisi.
- 4
Akala ko poʼy mga dukha sila at mga walang pinag-aralan, ngunit mga hangal pala sila. Sapagkat hindi nila alam ang pamamaraan na ipinapagawa sa kanila ng Panginoon na kanilang Diyos.
- 5
Kaya pupuntahan ko po ang kanilang mga pinuno at kakausapin ko sila. Tiyak na mauunawaan nila ang pamamaraang ipinapagawa sa kanila ng Panginoon na kanilang Diyos. Ngunit tumanggi rin silang sumunod sa mga ipinapagawa ng Diyos.
- 6
Kaya sasalakayin sila ng mga kaaway nila na parang leon na nanggaling sa kagubatan, o katulad ng isang asong lobo na galing sa ilang, o parang leopardong nagbabantay malapit sa bayan upang lapain ang sinumang lumabas. Mangyayari ito sa kanila dahil naghihimagsik sila sa Diyos at maraming beses nang tumalikod sa kanya.
- 7
“Bakit ko kayo patatawarin? Pati ang mga anak ninyo ay itinakwil ako at sumumpa sa pangalan ng hindi tunay na diyos. Ibinigay ko ang mga pangangailangan nila, pero nagawa pa rin nila akong pagtaksilan at nagsisiksikan pa sila sa bahay ng mga babaeng bayaran.
- 8
Para silang mga lalaking kabayo na alagang-alaga. Ang bawat isa sa kanila ay may matinding pagnanasa sa asawa ng iba.
- 9
Hindi ba nararapat lang na parusahan ko sila dahil dito?” wika ng Panginoon. “Hindi ba nararapat lang na paghigantihan ko ang mga bansang ganito?
- 10
“Kayong mga kaaway ng mga taga-Israel, sirain ninyo ang kanilang mga ubasan, pero huwag ninyong sirain nang lubusan. Tabasin ninyo ang mga sanga, sapagkat ang mga taong ito ay hindi na sa Panginoon.
- 11
Ang mga mamamayan ng Israel at Juda ay hindi na tapat sa akin,” wika ng Panginoon.
- 12
“Hindi sila nagsasalita ng totoo tungkol sa akin; sinabi nila, ‘Hindi tayo sasaktan ng Panginoon! Walang panganib na darating sa atin. Walang digmaan o gutom man na darating.’
- 13
Walang kabuluhan ang mga propeta at hindi galing sa akin ang mga ipinapahayag nila. Mangyari nawa sa kanila ang kapahamakan na kanilang inihula.”
- 14
Kaya ito ang sinabi sa akin ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo, “Dahil ganyan ang sinabi ng mga taong iyon, bibigyan kita ng mensaheng katulad ng apoy na susunog sa kanila at silaʼy masusunog na parang kahoy.”
- 15
Sinabi ng Panginoon, “Mga mamamayan ng Israel, magpapadala ako ng mga tao mula sa malayong bansa para salakayin kayo. Itoʼy isang sinaunang bansa na ang wika ay hindi ninyo nauunawaan.
- 16
Matatapang ang sundalo nila at nakakamatay ang mga gamit nilang pandigma.
- 17
Uubusin nila ang inyong mga ani, pagkain, hayop, ubas, at mga igos ninyo. Papatayin nila ang iyong mga hayop at ang inyong mga anak. Wawasakin nila ang inyong mga napapaderang lungsod, na siyang inaasahan ninyo.
- 18
“Ngunit kahit sa mga araw na iyon,” sabi ng Panginoon. “Hindi ko kayo lilipulin nang lubusan.
- 19
At kung may magtatanong, ‘Bakit ginawa ng Panginoon na ating Diyos ang lahat ng ito sa atin?’ sabihin mo sa kanila, ‘Dahil itinakwil ninyo ang Panginoon at naglingkod kayo sa ibang mga diyos sa sarili ninyong lupain. Kaya ngayon, maglilingkod kayo sa mga dayuhan sa lupaing hindi inyo.’
- 20
Sabihin ninyo ito sa mga mamamayan ng Israel at Juda.
- 21
Pakinggan nʼyo ito, kayong mga hangal at matitigas ang ulo. May mga mata kayo pero hindi makakita, may mga tainga pero hindi makarinig:
- 22
Wala ba kayong takot sa akin?” wika ng Panginoon. “Bakit hindi kayo nanginginig sa aking harapan? Ako ang gumawa ng buhangin sa tabing-dagat upang maging hangganan ng dagat. Itoʼy hangganan na hindi malalagpasan. Hahampasin ito ng mga alon pero hindi nila maaapawan.
- 23
Ngunit matitigas ang ulo at rebelde ang mga taong ito. Kinalimutan at nilayuan nila ako.
- 24
Hindi sila nagsasalita ng mula sa puso na, ‘Parangalan natin ang Panginoon na ating Diyos na nagbibigay ng ulan sa tamang panahon at nagbibigay sa atin ng ani sa panahon ng anihan.’
- 25
Ang kasamaan nʼyo ang naglayo ng mga bagay na iyon sa inyo. Ang mga kasalanan ninyo ang naging hadlang sa pagtanggap ninyo ng mga pagpapalang ito.
- 26
“May masasamang tao na kabilang sa mga mamamayan ko at nag-aabang ng mabibiktima. Para silang mga taong bumibitag ng mga ibon. Naglalagay sila ng mga bitag para sa ibang mga tao.
- 27
Katulad ng hawlang puno ng mga ibon, ang bahay ng masasamang taong ito ay puno ng mga kayamanang nanggaling sa pandaraya. Kaya yumaman sila at naging makapangyarihan.
- 28
Tumaba sila at lumakas ang kanilang mga katawan. Sukdulan ang paggawa nila ng kasamaan. Hindi nila binibigyan ng katarungan ang mga ulila at hindi nila ipinaglalaban ang karapatan ng mga dukha.
- 29
Hindi baʼt nararapat ko silang parusahan dahil dito?” wika ng Panginoon. “Hindi baʼt nararapat na paghigantihan ko ang mga bansang katulad nito?
- 30
“Nakakasindak at nakakapangilabot ang mga bagay na nangyayari sa lupaing ito.
- 31
Ang mga propeta ay nagpapahayag ng kasinungalingan. Ang mga pari ay namamahala ayon sa sarili nilang kapangyarihan. At ito ang gusto ng mga mamamayan ko. Ngunit ano ang gagawin nila kapag dumating na ang katapusan?”