Jeremiah 23
Hindustani (Urdu in Devanagari), IRV 2019 (ur-Deva) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
“Nakakaawa kayong mga pinuno ng mga mamamayan ko na sana ay mag-aalaga sa aking mga mamamayan tulad ng pastol ngunit pinabayaan lang ninyong mamatay at magkahiwa-hiwalay ang aking kawan!” sabi ng Panginoon.
- 2
Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel sa mga pastol na namumuno sa kanyang mamamayan: “Dahil sa ikinalat ninyo ang mga mamamayan ko na aking kawan at hindi ninyo inalagaan, parurusahan ko kayo. Oo, parurusahan ko kayo dahil sa kasamaang ginawa ninyo,” sabi ng Panginoon.
- 3
“Ako mismo ang magtitipon sa mga natitira kong mamamayan, ang aking kawan, mula sa ibaʼt ibang lugar kung saan ko sila ikinalat, at dadalhin ko sila pabalik sa lupain nila at muli silang dadami roon.
- 4
Bibigyan ko sila ng pinunong magmamalasakit at mangangalaga sa kanila, at hindi na sila matatakot o mangangamba, at wala nang maliligaw sa kanila,” sabi ng Panginoon.
- 5
Sinabi pa ng Panginoon, “Darating ang araw na paghahariin ko ang isang matuwid na hari mula sa angkan ni David, isang haring mamumuno nang may karunungan, at paiiralin niya ang katuwiran at katarungan sa lupaing ito.
- 6
Ito ang pangalang itatawag sa kanya, ‘Ang Panginoon ang Ating Katuwiran.’ At sa panahong iyon, maliligtas ang Juda at magkakaroon ng kapayapaan sa Israel.
- 7
“Sa panahong iyon, hindi na susumpa ang mga tao ng ganito, ‘Sumusumpa ako sa pangalan ng buháy na Panginoon na nagpalaya sa mga Israelita mula sa Ehipto!’
- 8
Sa halip, sasabihin nilang, ‘Sumusumpa ako sa pangalan ng buháy na Panginoon na nagpalaya sa mga lahi ng Israel sa mga bansa sa hilaga at sa lahat ng bansa kung saan sila ikinalat.’ At maninirahan na sila sa kanilang sariling lupain.”
- 9
Nadudurog ang puso ko dahil sa mga bulaang propeta. Nanginginig pati ang aking mga buto at para akong lasing dahil sa banal na mensahe ng Panginoon laban sa kanila.
- 10
Puno na ang lupain ng mga taong sumasamba sa mga diyos-diyosan, dahil gumagawa ng kasamaan ang mga propeta at nagmamalabis sa kanilang kapangyarihan. At dahil ditoʼy isinumpa ng Panginoon ang lupain, kaya natuyo at nalanta ang mga tanim.
- 11
“Ang mga pari ay katulad din ng mga propeta. Pareho silang marumi at gumagawa ng kasamaan maging sa aking templo,” sabi ng Panginoon.
- 12
“Kaya magiging madilim at madulas ang kanilang daan. Matitisod at madadapa sila dahil padadalhan ko sa kanila ng kapahamakan sa panahon na silaʼy aking parurusahan,” sabi ng Panginoon.
- 13
“Nakita kong napakasama ng ginagawa ng mga propeta ng Samaria, dahil nagsisipanghula sila sa pangalan ni Baal at inililigaw nila ang aking mga mamamayang Israelita.
- 14
Ngunit nakita ko ring mas masama pa ang ginagawa ng mga propeta ng Jerusalem dahil nangangalunya sila at nagsisinungaling pa. Pinapalakas nila ang loob ng masasamang tao upang gumawa pa ng kasamaan, kaya hindi sila tumatalikod sa kanilang kasamaan. Ang mga taga-Jerusalem ay kasingsama ng mga taga-Sodoma at Gomora.
- 15
“Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon ng mga Hukbo tungkol sa mga propetang ito: Pakakainin ko sila ng mapait na pagkain at paiinumin ko sila ng inuming may lason sapagkat dahil sa mga propeta ng Jerusalem ay lumaganap ang kasamaan sa buong lupain.”
- 16
Ito ang sinabi ng Panginoon ng mga Hukbo: “Huwag kayong maniniwala sa sinasabi ng mga bulaang propetang ito. Pinapaasa lang nila kayo sa mga kasinungalingan. Hindi galing sa akin ang mga sinasabi nilang pangitain kundi sa sarili nilang isipan.
- 17
Palagi nilang sinasabi sa mga humahamak sa aking salita: ‘Sabi ng Panginoon, Magiging mabuti ang kalagayan ninyo.’ At sa mga sumusunod sa nagmamatigas nilang puso, sinasabi nila, ‘Walang masamang mangyayari sa inyo.’
- 18
Ngunit sino sa mga propetang iyon ang nakakaalam ng iniisip ng Panginoon? Ni hindi nga sila nakinig sa mga salita ko o pinahalagahan man lang ang mga sinabi ko.
- 19
Makinig kayo! Ang galit koʼy parang bagyo, sabi ng Panginoon o buhawing hahampas sa ulo ng masasamang taong ito.
- 20
Hindi mawawala ang galit ng Panginoon hanggaʼt hindi niya nagagawa ang balak niyang gawin. At sa huling araw, lubos ninyong mauunawaan ito.
- 21
Hindi ko sinugo ang mga propetang iyan, pero lumakad pa rin sila. Wala akong sinabi sa kanila, pero nagsalita pa rin sila.
- 22
Ngunit kung alam lang nila kung ano ang nasa isip ko, sinabi sana nila ang mga salita ko sa aking mga mamamayan, upang talikuran ang masasama nilang pag-uugali at baluktot na gawain.
- 23
“Ako ay Diyos na nasa lahat ng dako, at hindi sa iisang lugar lamang,” sabi ng Panginoon.
- 24
“Sino ang makapagtatago sa akin sa lihim na lugar? Hindi baʼt akoʼy nasa lahat ng sulok ng langit at lupa?” sabi ng Panginoon.
- 25
“Narinig ko ang mga sinabi ng mga propetang nagsasalita ng kasinungalingan sa pangalan ko. Sinasabi nilang binigyan ko raw sila ng mensahe sa pamamagitan ng panaginip.
- 26
Hanggang kailan pa kaya magsasalita ng kasinungalingan ang mga propetang ito na may mapanlinlang na propesiyang gawa-gawa lamang ng kanilang isip?
- 27
Sa pamamagitan ng mga panaginip nilang iyon na sinasabi nila sa mga tao, itinutulak nila ang mga mamamayan ko upang kalimutan nila ako, gaya ng paglimot sa akin ng mga ninuno nila sa pamamagitan ng pagsamba nila kay Baal.
- 28
Hayaan ninyong magsalita ang mga propetang ito ng tungkol sa mga panaginip nila, ngunit ang mga propetang nakarinig ng aking mga salita ay dapat magpahayag nito nang buong katapatan. Sapagkat magkaiba ang mga panaginip nila kaysa sa mga salita ko, gaya ng pagkakaiba ng dayami sa trigo,” sabi ng Panginoon.
- 29
“Hindi baʼt makapangyarihan ang aking mga salita?” sabi ng Panginoon. “Itoʼy katulad ng apoy na nakakasunog o ng martilyong nakakadurog ng bato.
- 30
“Kaya laban ako sa mga propetang ginagaya lang ang mensahe ng kapwa nila propeta at sinasabi nila na galing daw ito sa akin.
- 31
Laban din ako sa mga propetang gumagawa ng sariling mensahe,” sabi ng Panginoon, “at saka sasabihing ako raw ang nagsabi niyon.
- 32
Nagpapahayag sila ng mga panaginip na hindi totoo, kaya inililigaw nila ang mga mamamayan ko sa mga kasinungalingan nila. Hindi ko sila isinugo o sinabihang magsalita, kaya wala silang kabutihang maibibigay sa mga tao,” sabi ng Panginoon.
- 33
“Jeremias, kung may magtatanong sa iyo na isang mamamayan, o propeta, o pari sa iyo kung ano ang ipinasasabi ng Panginoon, sabihin mong ipinasasabi kong itatakwil sila ng Panginoon.
- 34
Kapag may propeta, o pari, o sinumang magsasabi na siya raw ay may mensahe na galing daw sa Panginoon, parurusahan ko ang taong iyon pati ang sambahayan niya.
- 35
Mas mabuti pang magtanong na lang siya sa mga kaibigan o mga kamag-anak niya kung ano ang ipinasasabi ng Panginoon,
- 36
kaysa sabihin niya, ‘May mensahe ako mula sa Panginoon.’ Dahil ginagamit ito ng iba upang mapaniwala nila ang kanilang kapwa, kaya binaluktot nila ang ipinasasabi ng buháy na Diyos, ang Panginoong Diyos ng mga Hukbo.
- 37
“Jeremias, kapag nagtanong ka sa isang propeta kung may mensahe siya mula sa Panginoon
- 38
at sasabihin niya, ‘Oo, may mensahe ako mula sa Panginoon.’ Kinakailangang sabihin mo sa kanya na ito ang sinasabi ng Panginoon: ‘Sapagkat sinabi mong may mensahe ka mula sa akin, kahit pinagbawalan kitang magsabi ng ganoon,
- 39
kakalimutan at palalayasin kita sa harapan ko. At pababayaan ko ang lungsod na ito na ibinigay ko sa mga ninuno mo.
- 40
Ilalagay ko kayo sa walang hanggang kahihiyan na hindi nʼyo makakalimutan magpakailanman.’ ”