Jeremiah 22
Hindustani (Urdu in Devanagari), IRV 2019 (ur-Deva) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Sinabi sa akin ng Panginoon, “Pumunta ka sa palasyo ng hari ng Juda at sabihin mo ito:
- 2
‘Pakinggan ninyo ang sinasabi ng Panginoon sa inyo, O hari ng Juda, na angkan ni David, kayong mga namamahala at mga mamamayang dumadaan sa mga pintuan dito.
- 3
Ito ang sinasabi ng Panginoon: Pairalin ninyo ang katarungan at katuwiran. Tulungan ninyo ang mga ninakawan, iligtas ninyo sila sa kamay ng mga taong umaapi sa kanila. Huwag ninyong pagmamalupitan o sasaktan ang mga dayuhan, ulila at mga biyuda. Huwag din kayong papatay ng mga taong walang kasalanan.
- 4
Kung susundin nʼyo ang mga utos kong ito, mananatiling maghahari sa Jerusalem ang angkan ni David. Ang hari, kasama ng kanyang mga pinuno at mga mamamayan ay paparada na nakasakay sa mga karwahe at kabayo na papasok sa pintuan ng palasyo.
- 5
Ngunit kung hindi nʼyo susundin ang mga utos kong ito, sabi ng Panginoon, isinusumpa ko sa aking sarili na mawawasak ang palasyong ito.’ ”
- 6
Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa palasyo ng hari ng Juda: “Para sa akin, ikaʼy kasingganda ng Gilead o ng tuktok ng bundok ng Lebanon. Ngunit gagawin kitang parang disyerto, na tulad ng isang bayan na walang naninirahan.
- 7
Magpapadala ako ng mga taong wawasak sa iyo. Ang bawat isa sa kanilaʼy magdadala ng mga gamit na panggiba. Puputulin nila ang iyong mga haliging sedro at ihahagis sa apoy.
- 8
“Ang mga taong galing sa ibaʼt ibang bansa na dadaan sa lungsod na ito ay magtatanungan, ‘Bakit kaya ginawa ito ng Panginoon sa dakilang lungsod na ito?’
- 9
At ito ang isasagot sa kanila, ‘Dahil itinakwil nila ang kasunduan nila sa Panginoon na kanilang Diyos, at sumamba sila at naglingkod sa mga diyos-diyosan.’ ”
- 10
Huwag kayong umiyak sa pagpanaw ni Haring Josias. Sa halip, umiyak kayo nang lubos para sa anak niyang si Jehoahaz na pumalit sa kanya bilang hari ng Juda. Sapagkat binihag siya at hindi na siya makakabalik pa. Kaya hindi na niya makikita pang muli ang lupaing ito na kanyang sinilangan.
- 11
Sapagkat ang Panginoon ang nagsabi nito kay Salum na tagapagmana ng kanyang ama na si Josias na hari ng Juda at hinuli bilang bihag: “Hindi na siya makakabalik.
- 12
Mamamatay siya sa lupain kung saan siya dinalang bihag. Hindi na niya makikita pang muli ang lupaing ito.”
- 13
Sinasabi ng Panginoon, “Kahabag-habag ka Jehoiakim, nagtayo ka ng iyong palasyo sa masamang paraan, ang iyong mga silid sa paraang walang katarungan. Pinagtrabaho mo ang iyong kapwa nang walang suweldo, at hindi mo sila binayaran.
- 14
Sinabi mo, ‘Magtatayo ako ng palasyong may malalawak na silid sa itaas. Palalagyan ko ito ng malalaking bintana at dingding ng tablang sedro. At pagkatapos, papipinturahan ko ng pula.’
- 15
“Akala mo ba magiging dakila kang hari kung magtatayo ka ng palasyong gawa sa sedro? Bakit ayaw mong sundin ang iyong ama? Matuwid at makatarungan ang mga ginawa niya; kaya namuhay siya nang maunlad at payapa ang kalagayan.
- 16
Ipinagtanggol niya ang karapatan ng mga dukha at ng mga nangangailangan, kaya naging mabuti ang lahat para sa kanya. Ganyan ang tamang pagkilala sa akin,” sabi ng Panginoon.
- 17
Ngunit ikaw, wala kang ibang hinahangad kundi ang makapandaya, pagpatay ng mga taong walang kasalanan, pang-aapi, at karahasan.
- 18
Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol kay Haring Jehoiakim ng Juda, na anak ni Josias, “Walang magluluksa para sa kanya kapag namatay siya. Ang sambahayan niya, ang mga pinuno niya at ang ibang mga tao ay hindi magluluksa para sa kanya. Ang kanyang nasasakupan ay hindi magluluksa sa kanya at magsasabing: Ang Panginoon koʼy pumanaw na! Naglaho na ang kanyang kadakilaan!
- 19
Ililibing siya katulad ng paglilibing sa patay na asno; kakaladkarin ang kanyang bangkay at itatapon sa labas ng pintuan ng Jerusalem.”
- 20
“Mga taga-Juda, umiyak kayo dahil wala na kayong mga kakamping bansa. Hanapin ninyo sila sa Lebanon. Tawagin ninyo sila sa Bashan at Abarim.
- 21
Binigyan ko kayo ng babala noong panatag pa kayo, ngunit hindi kayo nakinig sa akin. Talagang ganyan na ang ugali ninyo mula noong bata pa kayo; hindi kayo sumusunod sa akin.
- 22
Kaya ikakalat ko ang mga pinuno ninyo na tulad ng ipang tinatangay ng hangin, at bibihagin din ang mga kakampi ninyong bansa. Talagang mapapahiya kayo dahil sa kasamaan ninyo.
- 23
Kayong mga nakatira sa palasyo ng Jerusalem na gawa sa kahoy na sedro mula sa Lebanon, kahabag-habag kayo kapag dumating na sa inyo ang paghihirap, na parang babaeng naghihirap sa panganganak.
- 24
“Habang akoʼy nabubuhay,” sabi ng Panginoon, “itatakwil kita haring Jehoyakin ng Juda na anak ni Jehoiakim. Kahit na ikaw ay singsing sa aking kanang kamay, tatanggalin kita sa aking daliri.
- 25
Ibibigay kita sa mga nais pumatay sa iyo na kinatatakutan mo. Ibibigay kita kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at sa mga kawal niya.
- 26
Ikaw at ang iyong ina ay ipapatapon ko sa ibang bansa at doon kayo mamamatay.
- 27
At hindi na kayo makakabalik sa lupaing ninanais nʼyong balikan.
- 28
Jehoyakin, para kang basag na palayok na hindi na mapapakinabangan. Kaya itatapon ko kayo ng mga anak mo sa bansang hindi ninyo alam.”
- 29
O lupain ng Juda, pakinggan mo ang salita ng Panginoon.
- 30
Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoon: “Isulat ninyo na ang taong ito na si Jehoyakin na parang walang anak, sapagkat wala ni isa man sa kanyang mga anak ang luluklok sa trono ni David bilang hari ng Juda. At hindi rin siya magtatagumpay sa kanyang pamumuno.”