1 Ito ang salita ng Panginoon na ipinahayag niya kay Zefanias noong si Josias na anak ni Amon ang hari ng Juda. Si Zefanias ay anak ni Cusi na anak ni Gedalias. Si Gedalias naman ay anak ni Amaria na anak ni Ezequias.
2 Sinabi ng Panginoon, “Lilipulin ko ang lahat ng bagay na nasa mundo,
3 ang mga tao, hayop, ibon at isda. Mawawala ang lahat ng nag-uudyok sa tao para magkasala pati ang mga makasalanan. “Lilipulin ko nga ang lahat ng tao sa mundo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
4 Parurusahan ko ang mga mamamayan ng Juda, pati na ang lahat ng mamamayan ng Jerusalem. Lilipulin ko ang mga natitirang sumasamba sa diyos-diyosang si Baal pati na ang mga paring naglilingkod dito, upang tuluyan na silang makalimutan.
5 Lilipulin ko rin ang mga taong umaakyat sa bubong ng kanilang bahay para sumamba sa araw, sa buwan at mga bituin. Lilipulin ko ang mga sumasamba at sumusumpang maglilingkod sa Panginoon, pero sumusumpa ring maglilingkod sa diyos-diyosang si Molec.
6 Lilipulin ang mga tumatalikod at hindi dumudulog sa Panginoon.”
7 Tumahimik kayo sa harapan ng Makapangyarihang Panginoon, dahil malapit na ang araw ng aking paghatol. Inihanda ko na ang aking mga mamamayan para patayin tulad ng hayop na ihahandog. Pinili ko na ang mga kalaban na tinawag ko na sasalakay sa Juda.
8 Sa araw ng paghahandog para sa Panginoon, parurusahan ko ang mga pinuno at ang mga anak ng hari pati silang mga nakadamit banyaga.
9 Parurusahan ko rin sa araw na iyon ang lahat ng sumasali sa mga seremonya ng mga diyos-diyosan at silang mga nagpupuno sa templo ng kanilang diyos ng kalupitan at pandaraya.
10 “Sa araw na iyon,” sabi ng Panginoon, “maririnig ang iyakan sa pintuang tinatawag na Isda ng lungsod ng Jerusalem at sa bagong bahagi ng lungsod. Maririnig din ang malakas na ingay ng mga nagigibang bahay sa mga burol.
11 Mag-iyakan kayo, kayong mga naninirahan sa mababang bahagi ng lungsod ng Jerusalem dahil mamamatay ang lahat ng inyong mga mangangalakal.
12 Sa araw ding iyon, susuyurin kong mabuti ang Jerusalem at parurusahan ko ang mga taong nagpapasarap lang sa buhay at nagsasabi sa kanilang sarili, ‘Walang gagawin ang Panginoon sa amin mabuti man o masama.’
13 Aagawin sa mga taong ito ang kanilang mga pag-aari at wawasakin ang kanilang mga bahay. Hindi sila ang titira sa mga bahay na kanilang itinayo. At hindi sila ang iinom ng inuming mula sa ubas na kanilang itinanim.”
14 Malapit na ang nakakatakot na araw ng paghatol ng Panginoon. Itoʼy mabilis na dumarating. Mapait ang araw na iyon, dahil kahit na ang matatapang na sundalo ay sisigaw para humingi ng tulong.
15 Sa araw na iyon, ipapakita ng Diyos ang kanyang galit. Magiging araw iyon ng pighati at paghihirap, araw ng pagkasira at lubusang pagkawasak. Magiging maulap at madilim ang araw na iyon,
16 at maririnig ang tunog ng trumpeta at sigawan ng mga sundalong sumasalakay sa mga napapaderang lungsod at sa matataas na tore nito.
17 “Sinabi ng Panginoon, ‘Ipaparanas ko ang paghihirap sa mga tao, at lalakad sila na parang bulag dahil nagkasala sila sa akin. Dadaloy na parang tubig ang kanilang dugo, at mabubulok na parang dumi ang kanilang bangkay.
18 Hindi sila maililigtas ng kanilang mga pilak at ginto sa araw na ipapakita ko ang aking poot na parang apoy na tutupok sa buong mundo. Sapagkat tuluyan kong wawakasan ang lahat nang naninirahan sa lupa.’ ”