1 Ang pinakamagandang awit ni Solomon.
2 Paliguan mo ako ng iyong mga halik. Sapagkat mas matamis pa kaysa alak ang iyong pag-ibig.
3 Kay sarap amuyin ng iyong pabango, at ang ganda ng pangalan mo, kaya hindi kataka-takang ang mga dalagaʼy napapaibig sa iyo.
4 Sige na, O aking hari, dalhin mo ako sa iyong silid.Mga Babae ng Jerusalem Sa piling mo, kami ay maligaya. Mas gusto pa namin ang pag-ibig mo kaysa anumang inumin.Babae Tama lang na umibig sila sa iyo!
5 O mga babaeng taga-Jerusalem, maitim nga ako gaya ng mga tolda sa Kedar, ngunit maganda naman tulad ng kurtina sa palasyo ni Solomon.
6 Huwag ninyo akong hamakin dahil sa kulay ng aking balat. Maitim nga sapagkat nabibilad sa init ng araw. Nagalit sa akin ang mga kapatid kong lalaki, at doon sa ubasan akoʼy pinagtrabaho nila. Dahil ditoʼy napabayaan ko ang sarili ko.
7 Mahal, sabihin mo sa akin kung saan ka nagpapastol ng iyong kawan ng mga tupa. Saan mo sila pinagpapahinga tuwing tanghali? Sabihin mo sa akin upang hindi na kita hanapin sa mga kaibigan mong nagpapastol din. Dahil baka akoʼy mapagkamalan na isang babaeng bayaran.
8 Kung hindi mo alam, O babaeng ubod ng ganda, sundan ang bakas ng aking mga tupa. Papunta ito sa tolda ng mga pastol, at mga batang kambing mo ay doon mo na rin ipastol.
9 O irog ko, tulad moʼy isang babaeng kabayo ng karwahe ng hari ng Ehipto.
10 Napakaganda ng iyong mga pisngi, na lalong pinaganda ng mga alahas. O anong ganda rin ng iyong leeg na sinuotan ng kuwintas.
11 Ikaʼy igagawa namin ng alahas na yari sa mga ginto at pilak.
12 Habang ang hariʼy nasa kanyang mesa, pabango koʼy humahalimuyak.
13 Parang samyo ng mira ang bango ng aking iniibig, habang sa aking dibdib siya ay nakahilig.
14 Ang mahal koʼy tulad ng kumpol ng mga bulaklak na henna, na namumulaklak doon sa ubasan ng En-gedi.
15 Napakaganda mo, aking giliw. Mga mata moʼy kasimpungay ng mga mata ng kalapati.
16 Kay kisig mo, mahal ko. Napakaganda mong pagmasdan! Ang damuhang luntian ang ating higaan.
17 Ang mga haligi ng ating tahanan ay mga sedro, at mga sipres naman ang mga biga nito.