1 Ito ang mga pangitain ni Obadias. Ganito ang sinabi ng Panginoong Diyos tungkol sa bansang Edom: Narinig namin mula sa Panginoon na nagsugo siya ng mensahero sa mga bansa, “Tumindig kayoʼt salakayin natin ito!”
2 “Makinig kayo! Gagawin ko kayong pinakamahina sa lahat ng bansa at kayoʼy labis na hahamakin.
3 Sinasabi ninyong walang makakapagpabagsak sa inyo dahil nakatira kayo sa lugar na mataas at mabato. Sa pagyayabang ninyong ito, dinadaya lamang ninyo ang inyong mga sarili.
4 Sapagkat kahit lumipad pa kayong tulad ng agila at magpugad sa mga bituin, ibabagsak ko pa rin kayo sa lupa,” sabi ng Panginoon.
5 “Hindi baʼt kapag pinasok ng mga magnanakaw ang iyong bahay, ang kinukuha lamang nila ay ang kanilang magustuhan? At hindi baʼt ang mga namimitas ng ubas ay nag-iiwan ng ilang bunga? Ngunit kayong lahat ay lilipulin ng inyong mga kaaway.
6 Hahanapin nila at kukunin ang lahat ng nakatagong kayamanan ng mga lahi ni Esau.
7 Lilinlangin kayo ng mga kakampi ninyong bansa. Ang mga bansang nakipagkaibigan sa inyo ay siya ring sasalakay sa inyo, at palalayasin nila kayo sa inyong bayan. Silang mga nakisalo sa inyo ang siya pang palihim na maglalagay ng bitag laban sa inyo.
8 “Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi na sa araw ng paghatol ko sa inyo, lilipulin ko ang marurunong sa inyo. Mawawala ang karunungan sa Edom na tinatawag na Bundok ni Esau.
9 Manginginig sa takot ang inyong mga sundalo sa lungsod ng Teman, kaya mamamatay kayong lahat na nakatira sa Bundok ni Esau.”
10 Dahil sa inyong pagmamalupit sa lahi ni Jacob na inyong kapatid, malalagay kayo sa kahihiyan at lilipulin magpakailanman.
11 Pinabayaan lamang ninyo ang Jerusalem nang salakayin ito ng ibang bansa. Pinabayaan ninyong kunin ang kanilang mga ari-arian at paghati-hatian sa pamamagitan ng palabunutan. Kayoʼy tulad nila na mga kaaway ng Israel.
12 Hindi sana ninyo ikinatuwa ang panahon ng kapahamakan ng mga taga-Juda na inyong kalahi. Hindi sana kayo nagalak sa panahon ng kanilang pagkawasak. At hindi sana kayo nagmayabang sa panahon ng kanilang kahirapan.
13 Hindi dapat sana kayo pumasok sa lungsod ng aking mga mamamayan sa panahon ng kanilang kasawian at kumuha ng kanilang mga ari-arian. At hindi sana kayo natuwa sa panahon ng kanilang paghihirap.
14 Hindi sana kayo nag-abang sa mga sangang-daan upang patayin ang mga tumatakas mula sa Jerusalem. At hindi sana ninyo sila ibinigay sa mga kaaway sa panahon ng kanilang kasawian.
15 “Malapit na ang araw ng paghatol ng Panginoon sa lahat ng bansa. At kung ano ang inyong ginawa sa iba, ganoon din ang gagawin sa inyo. Kung paano ang pagtrato nʼyo sa iba, ganoon din ang magiging pagtrato nila sa inyo.
16 Kung paanong pinarusahan ang aking mga mamamayan sa aking banal na bundok, parurusahan din ang lahat ng bansa. Matinding parusa ang ibibigay ko sa kanila hanggang malipol silang lahat.
17 “Ngunit may matitirang mga Israelita sa bundok ng Zion, at magiging banal muli ang lugar na ito. Maibabalik sa mga lahi ni Jacob ang mga lupaing dati nilang pag-aari.
18 Ang mga lahi nina Jacob at Jose ay magiging tulad ng apoy na lilipol sa lahi ni Esau, tulad ng pagsunog sa dayami. At walang matitira sa lahi ni Esau.” Ito ang sinabi ng Panginoon.
19 “Sasakupin ng mga taga-Negeb ang bundok ni Esau, at sasakupin ng mga nakatira sa kaburulan sa kanluran ang lupain ng mga Filisteo. Sasakupin din ng mga Israelita ang lupain ng Efraim at Samaria, at sasakupin naman ng lahi ni Benjamin ang Gilead.
20 Sasakupin ng nga Israelitang galing sa pagkabihag ang lupain ng Canaan hanggang sa Zarefat. Ang mga taga-Jerusalem na binihag sa Sefarad ay sasakupin naman ang mga bayan ng Negeb.
21 Aakyat sa Bundok ng Zion ang mga tagapagpalaya ng Israel upang pamahalaan ang mga taong naninirahan sa Bundok ni Esau. At ako, ang Panginoon, ang siyang maghahari.”