1 Ito ang salita ng Panginoon na ipinahayag niya kay Micas na taga-Moreset patungkol sa Samaria at Jerusalem noong mga panahong naghahari sa Juda sina Jotam, Ahaz, at Hezekias. Sinabi ni Micas:
2 “Makinig kayong mabuti, lahat kayong mga mamamayan sa buong mundo. Sapagkat sasaksi ang Makapangyarihang Panginoon laban sa inyo mula sa kanyang banal na Templo.
3 “Makinig kayo! Lalabas ang Panginoon mula sa kanyang tahanan. Bababa siya at lalakad sa matataas na bahagi ng mundo.
4 Ang mga bundok na kanyang malalakaran ay matutunaw na parang mga kandila na nadikit sa apoy, at magiging lubak-lubak ang mga patag na parang dinaanan ng tubig na umagos mula sa matatarik na lugar.
5 Mangyayari ang lahat ng ito dahil sa mga kasalanan ng mga mamamayan ng Israel at Juda. Ang mga taga-Samaria ang nag-udyok sa ibang mga mamamayan ng Israel upang magkasala. At ang mga taga-Jerusalem naman ang nag-udyok sa ibang mga mamamayan ng Juda upang sumamba sa mga diyos-diyosan.
6 “Kaya gigibain ko ang Samaria at tataniman na lang ito ng mga ubas. Pagugulungin ko ang mga bato nito papunta sa kapatagan hanggang sa makita ang mga pundasyon nito.
7 Lahat ng diyos-diyosan nito ay madudurog, at ang upa ng mga babaeng bayaran sa templo nito ay masusunog. Wawasakin ko ang mga imahen nito. Sapagkat galing sa upa ng mga babaeng bayaran ang mga handog na naipon, at muling gagamitin bilang upa para sa ibang babaeng bayaran.”
8 Dahil sa pagkawasak ng Samaria, iiyak ako at hahagulgol. Maglalakad ako nang nakapaa at nakahubad. Aalulong ako tulad ng asong-gubat at tataghoy akong tulad ng kuwago.
9 Sapagkat ang pagkagiba ng Samaria ay parang sugat na hindi na gagaling, at mangyayari din ito sa Juda hanggang sa Jerusalem na siyang kabisera na lungsod ng aking mga kababayan.
10 Huwag ninyo itong ipamalita sa Gat. Huwag kayong tatangis kahit isang patak man lang. Sa Bet-leafra kayo maglupasay sa abo.
11 Mga mamamayan ng Shafir, bibihagin kayo at dadalhing nakahubad, kaya mapapahiya kayo. Ang mga mamamayan ng Zaanan ay matatakot lumabas sa kanilang bayan. Ang mga taga-Bet-ezel ay hindi rin makakatulong sa inyo dahil sila rin ay umiiyak.
12 Ang mga taga-Marot ay hindi mapakali, naghihintay sila ng saklolo, sapagkat dumating na ang kapahamakang mula sa Panginoon at umabot na hanggang sa bungad ng Jerusalem.
13 Mga mamamayan ng Laquis, isingkaw ninyo ang mga kabayo sa karwahe at tumakas kayo. Ginaya ninyo ang kasalanang ginawa ng mga taga-Israel, at dahil sa inyoʼy nagkasala rin ang mga taga-Zion.
14 Kaya, kayong mga mamamayan ng Juda, magpadala kayo ng mga regalong pamamaalam sa Moreset-gat. Lilinlangin ng bayan ng Aczib ang mga hari ng Israel.
15 Kayong mga mamamayan ng Maresa, padadalhan kayo ng Panginoon ng kalabang sasakop sa inyo. Mga taga-Juda, ang inyong mga pinuno ay magtatago sa Adulam.
16 Kukunin sa inyo ang pinakamamahal ninyong mga anak at dadalhin sa ibang bayan, kaya magluluksa kayo para sa kanila at ipapakita ninyo ang inyong kalungkutan sa pamamagitan ng pagpapakalbo na parang ulo ng agila.