1 Napakalungkot na sa Jerusalem na dati ay puno ng mga tao. Ang kilalang-kilala noon sa buong mundo, ngayoʼy naging tulad ng isang biyuda. Kung dati ay reyna siya ng lahat ng lungsod, ngayoʼy isang alipin ang kanyang katulad.
2 Buong pait siyang umiiyak sa magdamag. Ang mga luha niyaʼy dumadaloy sa kanyang mga pisngi. Walang dumamay sa kanya kahit isa man sa kanyang mga minamahal. Siyaʼy pinagtaksilan ng lahat ng kanyang kaibigan, na ngayoʼy kanyang naging mga kaaway.
3 Lubhang pinahirapan ang Juda at ang mga mamamayan niyaʼy binihag. Doon na sila nakatira sa ibang bansa kung saan silaʼy inalipin. Tinugis sila ng kanilang mga kaaway hanggang hindi na sila makatakas.
4 Ang mga daan patungo sa Zion ay puno na ng kalungkutan, dahil wala nang dumadalo sa mga itinakdang pista. Sa mga pintuang-bayan ay wala na ring mga tao. Ang mga pari ay dumadaing, at ang mga dalaga ay nagdadalamhati. Napakapait ng sinapit ng Jerusalem.
5 Pinamunuan sila ng kanilang mga kaaway, at yumaman ang mga ito. Sapagkat pinahirapan ng Panginoon ang Jerusalem dahil napakarami nitong kasalanan. Ang kanyang mga mamamayan ay binihag ng mga kaaway.
6 Ang kagandahan ng Zion ay naglaho na. Ang kanyang mga pinuno ay parang mga gutom na usa na naghahanap ng pastulan. Silaʼy nanghihina na habang tumatakas sa mga tumutugis sa kanila.
7 Ngayong ang Jerusalem ay nagdadalamhati at naguguluhan, naalala niya ang lahat ng dati niyang kayamanan. Nang mahulog siya sa kamay ng kanyang mga kaaway, walang sinumang tumulong sa kanya. At nang siyaʼy bumagsak, kinutyaʼt tinawanan pa siya ng kanyang mga kaaway.
8 Napakalaki ng kasalanan ng Jerusalem, kaya naging marumi siya. Ang lahat ng pumupuri noon sa kanya ngayoʼy hinahamak na siya, dahil nakita nila ang kanyang kahihiyan. Sa hiya ay napadaing siya at tumalikod.
9 Nabunyag sa lahat ang kanyang karumihan, at hindi niya inalala ang kanyang kasasapitan. Malagim ang kanyang naging pagbagsak, at walang sinumang tumutulong sa kanya. Kaya sinabi niya, “O Panginoon, tingnan po ninyo ang aking paghihirap, dahil akoʼy nilupig ng aking mga kaaway.”
10 Ang mga kaaway niyaʼy ninakaw ang lahat ng kanyang kayamanan. At nakita niyang pumasok sa banal na Templo ang mga bansang pagano, silang mga ipinagbawal mo na pumasok sa iyong santuwaryo.
11 Ang mga mamamayan niyaʼy dumadaing habang naghahanap ng pagkain. Ipinagpalit nila ang kanilang mga kayamanan para sa pagkain upang mabuhay. Sinabi ng Jerusalem, “O Panginoon, pagmasdan po ninyo sapagkat akoʼy nasa kahihiyan.”
12 Sinabi rin niya sa mga dumaraan, “Balewala lang ba ito sa inyo? May nakita ba kayong naghirap na kagaya ko? Ang paghihirap na ito ay ipinataw sa akin ng Panginoon nang magalit siya sa akin.
13 “Mula sa langit, nagpadala siya ng apoy na tila sumusunog sa aking mga buto. Naglagay siya ng bitag para sa aking mga paa kaya akoʼy napaatras. Iniwan niya akong wasak at nanghihina buong maghapon.
14 “Itinali ang aking mga kasalanan at ginawang pamatok; sariling kamay niya ang naghabi nito. Inilagay niya ito sa aking batok, at inubos ang aking lakas. Ako ay ibinigay sa kamay ng mga taong hindi ko kayang labanan.
15 “Itinakwil ng Panginoon ang lahat ng aking mga kawal. Tinipon niya ang aking mga kaaway upang lipulin ang aking mga kabataang sundalo. Ang mga mamamayan ng Juda ay naging tulad ng ubas na inilagay ng Panginoon sa pisaan at tinapak-tapakan.
16 “Iyan ang dahilan kung bakit akoʼy umiiyak, at dumadaloy ang luha sa aking mga mata. Walang nagpapalakas sa akin ni walang umaalo. Nakakaawa ang aking mga mamamayan dahil natalo sila ng kanilang mga kaaway.”
17 Humingi ng tulong ang Jerusalem pero walang tumulong sa kanya. Sapagkat niloob ng Panginoon na makaaway ng lahi ni Jacob ang mga bansa sa palibot niya. Itinuring nila ang Jerusalem na napakaruming basahan ang Jerusalem at dapat nang itapon.
18 “Matuwid ang Panginoon, ngunit hindi ko sinunod ang kanyang mga utos. Kaya lahat kayo, pakinggan ninyo ako at tingnan ang aking paghihirap. Ang mga kabataan kong babae at lalaki ay dinala sa malayong lupain at binihag.
19 “Humingi ako ng tulong sa aking mga kakampi ngunit pinagtaksilan nila ako. Namatay ang aking mga pari at ang mga tagapamahala ng lungsod habang naghahanap ng pagkain para mabuhay.
20 “Panginoon, masdan po ninyo ang aking kagipitan! Nagdurusa ang aking kalooban at parang pinipiga ang puso ko, sapagkat naghihimagsik ako sa inyo. Kabi-kabila ang patayan sa aking mga lansangan pati na sa loob ng aking tahanan.
21 “Narinig ng mga tao ang pagdaing ko ngunit wala kahit isang umaalo sa akin. Nalaman ng lahat ng kaaway ko ang aking mga paghihirap at natuwa sila sa ginawa nʼyong ito sa akin. Dumating na sana ang araw na ipinangako ninyong pagpaparusa sa kanila, upang maging katulad ko rin sila.
22 “Masdan ninyo ang lahat ng kasamaang ginagawa nila; parusahan nʼyo sila tulad ng pagpaparusa nʼyo sa akin dahil sa lahat ng aking kasalanan. Paulit-ulit akong dumadaing at parang mawawalan na ako ng malay.”