Psalms 99
World English Bible (en) → Tagalog Unlocked Literal Bible (tl)
- 1
Naghahari si Yahweh; hayaang manginig ang mga bansa. Siya ay nakaluklok sa itaas ng mga kerubin; ang daigdig ay yumayanig.
- 2
Si Yahweh ay dakila sa Sion; itinataas siya sa lahat ng mga bansa.
- 3
Hayaan mong purihin nila ang iyong dakila at kahanga-hangang pangalan; siya ay banal.
- 4
Ang hari ay malakas, at minamahal niya ang katarungan. Itinatag mo ang pagkakapantay-pantay; nilikha mo ang makatarungang pamamahala kay Jacob.
- 5
Purihin si Yahweh ang ating Diyos at sambahin siya sa kanyang tuntungan. Siya ay banal.
- 6
Sina Moises at Aaron ay kabilang sa kanyang mga pari, at si Samuel ay kabilang sa mga nanalangin sa kanya. Nanalangin sila kay Yahweh, at sinagot niya sila.
- 7
Kinausap niya sila mula sa haliging ulap. Iningatan nila ang kanyang tapat na mga kautusan at mga batas na ibinigay sa kanila.
- 8
Sinagot mo sila, Yahweh na aming Diyos. Ikaw ang Diyos na nagpatawad sa kanila, kahit na pinarusahan mo ang kanilang mga kasalanan.
- 9
Purihin si Yahweh ang ating Diyos, at sambahin siya sa kanyang banal na burol, dahil si Yahweh ang ating Diyos na banal.