Psalms 9
World English Bible (en) → Tagalog Unlocked Literal Bible (tl)
- 1
Buong puso akong magpapasalamat kay Yahweh; ihahayag ko ang lahat ng kamangha-mangha mong mga gawain.
- 2
Magagalak ako at magsasaya sa iyo; aawit ako ng papuri sa iyong pangalan, Kataas-taasan!
- 3
Kapag bumalik ang mga kaaway ko, madadapa sila at mapupuksa sa harapan mo.
- 4
Dahil pinagtanggol mo ang aking makatuwirang layunin; nakaluklok ka sa iyong trono, makatuwirang hukom!
- 5
Sinindak mo ang mga bansa sa pamamagitan ng iyong panlabang sigaw; winasak mo ang masama; binura mo ang kanilang alaala magpakailanman.
- 6
Nagiba ang mga kaaway tulad ng mga lugar na gumuho nang gapiin mo ang kanilang mga lungsod. Lahat ng alaala tungkol sa kanila ay naglaho.
- 7
Pero nananatili si Yahweh magpakailanman; tinatatag niya ang kaniyang trono para sa katarungan.
- 8
Hinahatulan niya ang mundo ng pantay. Gumagawa siya ng makatarungang mga pasya para sa mga bansa.
- 9
Magiging matibay na tanggulan din si Yahweh para sa mga inaapi, isang matibay na tanggulan sa panahon ng kaguluhan.
- 10
Nagtitiwala ang nakakakilala ng pangalan mo, dahil ikaw, Yahweh, ay hindi nang-iiwan ng mga lumalalapit sa iyo.
- 11
Umawit ng mga papuri kay Yahweh, ang namumuno sa Sion; sabihin sa lahat ng bansa ang kaniyang ginawa.
- 12
Dahil ang Diyos na naghihiganti sa pagdanak ng dugo ay nakaaalala; hindi niya nakalilimutan ang daing ng mga inaapi.
- 13
Maawa ka sa akin, Yahweh; tingnan mo kung paano ako inaapi ng mga kinamumuhian ako, ikaw na kayang agawin ako mula sa mga tarangkahan ng kamatayan.
- 14
Para maihayag ko ang lahat ng kapurihan mo. Sa mga tarangkahan ng anak na babae ng Sion magsasaya ako sa iyong kaligtasan!
- 15
Lumubog ang mga bansa sa hukay na ginawa nila; nahuli ang mga paa nila sa lambat na tinago nila.
- 16
Hinayag ni Yahweh ang kaniyang sarili; nagsagawa siya ng paghatol; nahuli sa patibong ang masama dahil sa sarili niyang mga ginawa. Selah
- 17
Ang mga masasama ay binalik at pinadala sa sheol, ang patutunguhan ng mga bansa na lumimot sa Diyos.
- 18
Dahil ang mga nangangailangan ay hindi kailanman makalilimutan, o itataboy ang mga pag-asa ng mga inaapi.
- 19
Bumangon ka, Yahweh; huwag mo kaming hayaang lupigin ng tao; nawa mahatulan ang mga bansa sa iyong paningin.
- 20
Sindakin mo sila, Yahweh; nawa malaman ng mga bansa na sila ay tao lamang. Selah