Psalms 83
World English Bible (en) → Tagalog Unlocked Literal Bible (tl)
- 1
O Diyos, huwag kang manahimik! Huwag mo kaming isawalang bahala at manatiling hindi kumikilos, O Diyos.
- 2
Tingnan mo, ang iyong mga kaaway ay nanggugulo, at ang mga napopoot sa iyo ay nagmamataas.
- 3
Sila ay nagsasabwatan laban sa iyong bayan at magkakasamang nagbabalak laban sa iyong mga pinangangalagaan.
- 4
Sinabi nila, “Halina, at wasakin natin sila bilang isang bansa. Sa gayon ang pangalan ng Israel ay hindi na maaalala pa.”
- 5
Sama-sama silang nagbalak ng isang mahusay na paraan; gumawa sila ng alyansa laban sa iyo.
- 6
Kabilang dito ang mga tolda ng Edom at ang mga Ismaelita, at ang mga mamamayan ng Moab at ang Agarenos, na nagbalak ng masama kasama nina
- 7
Gebal, Ammon, Amalek; kabilang din dito ang Filistia at ang mga nakatira sa Tiro.
- 8
Ang Asiria ay kaanib din nila; sila ay tumutulong sa kaapu-apuhan ni Lot. Selah
- 9
Gawin mo sa kanila ang tulad ng ginawa mo sa Midian, sa Sisera at sa Jabi sa Ilog ng Kison.
- 10
Namatay sila sa Endor at naging tulad ng pataba sa lupa.
- 11
Gawin mong tulad nina Oreb at Zeeb ang kanilang mga maharlika, at lahat ng kanilang mga prinsipe tulad nina Zeba at Zalmuna.
- 12
Sinabi nila, “Kunin natin ang mga pastulan ng Diyos.”
- 13
Aking Diyos, gawin mo silang tulad ng ipo-ipong alikabok, tulad ng ipa sa hangin,
- 14
tulad ng apoy na sumusunog sa gubat, at tulad ng apoy na sumusunog sa kabundukan.
- 15
Habulin mo sila ng iyong malakas na hangin, at sindakin sila ng iyong bagyo.
- 16
Balutan mo ang kanilang mga mukha ng kahihiyan para hanapin nila ang iyong mukha, Yahweh.
- 17
Nawa mailagay sila sa kahihiyan at masindak magpakailanman; nawa ay mamatay sila sa kahihiyan.
- 18
At malalaman nila na ikaw lamang, Yahweh, ang Kataas-taasan sa buong mundo.