Psalms 69
World English Bible (en) → Tagalog Unlocked Literal Bible (tl)
- 1
Iligtas mo ako, O Diyos, dahil nilagay ng katubigan ang buhay ko sa panganib.
- 2
Lumulubog ako sa malalim na putikan kung saan walang lugar na matatayuan; pumunta ako sa malalim na katubigan kung saan rumaragasa ang baha sa akin.
- 3
Napapagal ako sa aking pag-iyak; nanunuyo ang aking lalamunan; nanlalabo ang aking mga mata habang naghihintay ako sa Diyos.
- 4
Higit pa sa aking mga buhok sa ulo ang mga napopoot sa akin ng walang dahilan; ang mga pumapatay sa akin, ang naging mga kaaway ko dahil sa mga maling dahilan, ay makapangyarihan; ang mga hindi ko ninakaw ay kailangan kong ibalik.
- 5
O Diyos, alam mo ang aking kahangalan, at hindi nalilihim ang mga kasalanan ko sa iyo.
- 6
Huwag mong hayaang malagay sa kahihiyan ang mga naghihintay sa iyo dahil sa akin, Panginoong Diyos ng mga hukbo; huwag mong hayaang malagay sa kasiraang-puri ang mga naghahanap sa iyo dahil sa akin, O Diyos ng Israel.
- 7
Para sa iyong kapakanan, tinanggap ko ang panlalait; kahihiyan ang bumalot sa aking mukha.
- 8
Naging dayuhan ako sa aking mga kapatid, dayuhan sa mga anak ng aking ina.
- 9
Dahil nilamon ako ng kasigasigan sa iyong tahanan, at ang mga lait ng mga nanlalait sa iyo ay bumagsak sa akin.
- 10
Noong umiyak ako at hindi kumain, hinamak nila ako.
- 11
Noong ginawa kong kasuotan ang sako, naging paksa ako ng kawikaan sa kanila.
- 12
Pinag-uusapan ako ng mga nakaupo sa tarangkahan ng lungsod; ako ang awit ng mga manginginom.
- 13
Pero para sa akin, sa iyo ang aking panalangin, Yahweh, sa panahon na tatanggap ka; sagutin mo ako sa pagiging mapagkakatiwalaan ng iyong kaligtasan.
- 14
Hilahin mo ako mula sa putikan, at huwag mo akong hayaang lumubog; hayaan mo akong malayo mula sa napopoot sa akin at sagipin mo mula sa malalim na katubigan.
- 15
Huwag mong hayaang tabunan ako ng baha, ni hayaang lamunin ako ng kalaliman. Huwag mong hayaang isara ng hukay ang bibig nito sa akin.
- 16
Sagutin mo ako Yahweh, dahil mabuti ang iyong katapatan sa tipan; dahil labis ang iyong kahabagan sa akin, humarap ka sa akin.
- 17
Huwag mong itago ang iyong mukha sa iyong mga lingkod, dahil ako ay nasa kalungkutan; sagutin mo ako agad.
- 18
Lumapit ka sa akin at tubusin ako. Dahil sa aking mga kaaway, iligtas mo ako.
- 19
Alam mo ang aking paghihirap, kahihiyan at kasiraang-puri; nasa harap mo ang lahat ng aking mga kalaban.
- 20
Winasak ng pagtutuwid ang aking puso; punong-puno ako ng kabigatan; naghahanap ako ng sinumang maaawa sa akin, pero wala ni isa man. Naghahanap ako ng mga mag-aaliw, pero wala akong nakita.
- 21
Binigyan nila ako ng lason para kainin ko; sa aking pagka-uhaw binigyan nila ako ng suka para inumin.
- 22
Hayaan mong maging bitag ang mesa sa harap nila; kapag iniisip nila na ligtas sila, hayaan mong maging patibong ito.
- 23
Hayaan mong magdilim ang kanilang mga mata para hindi sila makakita; lagi mong yugyugin ang mga baywang nila.
- 24
Ibuhos mo ang iyong labis na galit sa kanila, hayaang mong abutan sila ng bagsik ng iyong galit.
- 25
Hayaan mong ang kanilang lugar ay maging kapanglawan; hayaang mong walang sinuman ang manirahan sa kanilang mga tolda.
- 26
Dahil inuusig nila ang siyang sinaktan mo; ibinalita nila sa iba ang hapdi ng mga sinugatan mo.
- 27
Isakdal mo sila dahil sa paggawa ng sunod-sunod na kasalanan; huwag mo silang hayaang pumasok sa matuwid mong katagumpayan.
- 28
Hayaan mo silang mabura sa aklat ng buhay at hindi maisulat kasama ng mga matutuwid.
- 29
Pero ako ay naghihirap at nagdadalamhati; hayaan mo, O Diyos, na parangalan ako ng iyong kaligtasan.
- 30
Pupurihin ko ang pangalan ng Diyos ng may awit at dadakilain siya ng may pasasalamat.
- 31
Higit na kalulugdan ito ng Diyos kaysa sa isang baka o toro na may mga sungay at paa.
- 32
Nakita ito ng mga mapagpakumbaba at natuwa; kayo na mga naghahanap sa Diyos, hayaan niyong mabuhay ang inyong mga puso.
- 33
Dahil naririnig ni Yahweh ang mga nangangailangan at hindi hinahamak ang mga bilanggo.
- 34
Purihin siya ng langit at lupa, ng mga dagat at lahat ng mga gumagalaw dito.
- 35
Dahil ililigtas ng Diyos ang Sion at itatayong muli ang mga lungsod sa Juda; maninirahan ang mga tao roon at aangkinin ito.
- 36
Mamanahin ito ng mga lingkod ng kaniyang mga kaapu-apuhan; maninirahan doon silang mga nagmamahal sa kaniyang pangalan.