Psalms 37
World English Bible (en) → Tagalog Unlocked Literal Bible (tl)
- 1
Huwag kang mainis dahil sa masasamang tao; huwag kang mainggit sa mga umasal nang hindi makatuwiran.
- 2
Dahil sila ay malapit nang matuyo gaya ng damo at malanta gaya ng luntiang mga halaman.
- 3
Magtiwala ka kay Yahweh at gawin kung ano ang matuwid; tumira ka sa lupain at gawin mong tungkulin ang katapatan.
- 4
Pagkatapos hanapin mo ang kaligayahan kay Yahweh, at ibibigay niya sa iyo ang mga naisin ng iyong puso.
- 5
Ibigay mo ang iyong pamamaraan kay Yahweh; magtiwala ka sa kaniya, at siya ang kikilos para sa iyo.
- 6
Itatanghal niya ang iyong katarungan gaya ng liwanag ng araw at ang iyong kawalang-muwang gaya ng araw sa tanghali.
- 7
Tumigil ka sa harap ni Yahweh at matiyagang maghintay sa kaniya. Huwag kang mag-alala kung may taong mapagtatagumpayan ang kaniyang masamang balakin kung ang tao ay gumagawa ng masamang mga plano.
- 8
Huwag kang magalit at madismaya. Huwag kang mag-alala, ito ay gumagawa lamang ng problema.
- 9
Ang mga mapaggawa ng kasamaan ay aalisin, pero ang mga naghihintay kay Yahweh ay magmamana ng lupain.
- 10
Sa maikling panahon ang masama ay mawawala, mamamasdan mo ang kaniyang kinalulugaran, pero siya ay mawawala.
- 11
Pero ang mapagkumbaba ay mamanahin ang lupain at magagalak sa lubos na kasaganahan.
- 12
Ang makasalanan ay nagbabalak laban sa matuwid at nginangalit ang kaniyang ngipin laban sa kaniya.
- 13
Ang Panginoon ay tinatawanan siya, dahil nakikita niya na ang kaniyang araw ay parating na.
- 14
Binunot ng masama ang kanilang mga espada at binaluktot ang kanilang mga pana para ilugmok ang mga naaapi at nangangailangan, para patayin ang mga matuwid.
- 15
Ang kanilang mga espada ang sasaksak sa kanilang mga puso, at ang kanilang mga pana ay masisira.
- 16
Mas mabuti ang kaunti na mayroon ang matuwid kaysa sa kasaganahan ng masasama.
- 17
Dahil ang mga bisig ng masasama ay mababali, pero si Yahweh ang sumusuporta sa mga matutuwid.
- 18
Binabantayan ni Yahweh ang mga walang kasalanan araw-araw, at ang kanilang mana ay mananatili magpakailanman.
- 19
Hindi sila mahihiya sa panahon ng problema. Sa panahon na dumating ang taggutom, sila ay may sapat na kakainin.
- 20
Pero ang masasama ay mamamatay. Ang mga kaaway ni Yahweh ay magiging tulad ng kasaganahan ng mga pastulan; sila ay mawawala at maglalaho sa usok.
- 21
Ang masama ay nangungutang pero hindi nagbabayad, pero ang matuwid ay mapagbigay at nagbibigay.
- 22
Ang mga pinagpala ni Yahweh ay mamanahin ang lupain; ang mga isinumpa niya ay tatanggalin.
- 23
Sa pamamagitan ni Yahweh naitatag ang mga hakbang ng isang tao, ang tao na ang balakin ay kapuri-puri sa paningin ng Diyos.
- 24
Bagama't siya ay nadapa, siya ay hindi babagsak, dahil hinahawakan siya ni Yahweh sa kaniyang kamay.
- 25
Ako ay naging bata at ngayon ay matanda na; hindi pa ako nakakakita ng matuwid na pinabayaan o mga anak niyang nagmamakaawa para sa tinapay.
- 26
Sa kahabaan ng araw siya ay mapagbigay-loob at nagpapahiram, at ang kaniyang anak ay naging isang pagpapala.
- 27
Tumalikod ka mula sa kasamaan at gawin mo kung ano ang tama; pagkatapos, magiging ligtas ka magpakailanman.
- 28
Dahil iniibig ni Yahweh ang katarungan at hindi pinababayaan ang kaniyang tapat na mga tagasunod. Sila ay pag-iingatan magpakailanman, pero ang kaapu-apuhan ng masama ay tatanggalin.
- 29
Mamanahin ng matuwid ang lupain at mamumuhay sila roon magpakailanman.
- 30
Ang bibig ng matuwid ay nagsasalita ng karunungan at nagdaragdag ng katarungan.
- 31
Ang batas ng kaniyang Diyos ay nasa kaniyang puso; ang kaniyang paa ay hindi madudulas.
- 32
Binabantayan ng masamang tao ang matuwid at binabalak siyang patayin.
- 33
Hindi siya pababayaan ni Yahweh na mapunta sa kamay ng masama o hatulan kapag siya ay nahusgahan.
- 34
Maghintay ka kay Yahweh at panatalihin mo ang kaniyang kaparaanan, at ikaw ay kaniyang itataas para angkinin ang lupain. Makikita mo kapag ang masasama ay tatanggalin.
- 35
Nakita ko ang masama at nakakikilabot na tao na nagkalat gaya ng luntiang puno sa likas nitong lupa.
- 36
Pero nang ako ay dumaan muli, siya ay wala na roon. Hinanap ko siya, pero hindi na siya matagpuan.
- 37
Pagmasdan mo ang taong may dangal, at tandaan mo ang matuwid; mayroong mabuting kinabukasan para sa taong may kapayapaan.
- 38
Ang mga makasalanan ay tuluyang mawawasak; ang kinabukasan para sa masasamang tao ay mapuputol.
- 39
Ang kaligtasan ng matutuwid ay nagmumula kay Yahweh; sila ay kaniyang pinangangalagaan sa mga panahon ng kaguluhan.
- 40
Sila ay tinutulungan at sinasagip ni Yahweh. Sinasagip niya sila mula sa masasama at iniligtas sila dahil sila ay kumubli sa kaniya.