Psalms 24
World English Bible (en) → Tagalog Unlocked Literal Bible (tl)
- 1
Ang buong lupain ay kay Yahweh, ang daigdig at ang lahat ng naninirahan dito.
- 2
Dahil itinatag niya ito sa mga karagatan at itinaguyod sa mga ilog.
- 3
Sino ang aakyat sa bundok ni Yahweh? Sino ang tatayo sa kaniyang banal na lugar?
- 4
Siya na may malinis na mga kamay at dalisay na puso; siyang hindi nagtatanghal ng mga kasinungalingan, at hindi nanunumpa para lang manlinlang.
- 5
Makatatanggap siya ng pagpapala mula kay Yahweh at katuwiran mula sa Diyos ng kaniyang kaligtasan.
- 6
Iyan ang salinlahi ng mga naghahanap sa kaniya, sila na humahanap sa mukha ng Diyos ni Jacob. Selah
- 7
Bumukas kayo, kayong mga tarangkahan, bumukas kayo, kayong walang-hanggang mga pintuan, para ang Hari ng kaluwalhatian ay makapasok!
- 8
Sino ang Hari ng kaluwalhatian? Si Yahweh, ang malakas at makapangyarihan; si Yahweh, ang makapangyarihan sa digmaan.
- 9
Bumukas kayo, kayong mga tarangkahan, bumukas kayo, kayong walang-hanggang mga pintuan, para ang Hari ng kaluwalhatian ay makapasok!
- 10
Sino ang Hari ng kaluwalhatian? Si Yahweh ng mga hukbo, siya ang Hari ng kaluwalhatian. Selah