Psalms 17
World English Bible (en) → Tagalog Unlocked Literal Bible (tl)
- 1
Pakinggan mo ang pagsamo ko ng katarungan, O Yahweh; pansinin mo ang aking panawagan ng tulong! Paglaanan mo ng iyong tainga ang panalangin ko, mula sa mga labi na walang panlilinlang.
- 2
Hayaan mong ang pagpapawalang-sala sa akin ay magmula sa iyon piling; makita nawa ng iyong mga mata kung ano ang tama!
- 3
Kung susubukin mo ang puso ko, kung daratnan mo ako sa gabi, lilinisin mo ako at wala kang makikitang anumang masamang balakin; ang bibig ko ay hindi magkakasala.
- 4
Patungkol sa gawi ng sangkatauhan, sa salita ng mga labi mo kaya lumayo ako sa kasamaan.
- 5
Ang mga yapak ko ay nanatiling nakatuon sa iyong gabay; ang paanan ko ay hindi lumihis.
- 6
Nananawagan ako sa iyo, dahil tinutugon mo ako, O Diyos; ibaling mo ang pandinig mo sa akin at pakinggan mo ako sa aking sasabihin.
- 7
Ipakita mo ang katapatan mo sa tipan sa kaaya-ayang paraan, ikaw na nagliligtas, sa pamamagitan ng iyong kanang kamay, ng mga kumukibli sa iyo mula sa kanilang mga kaaway.
- 8
Ingatan mo ako tulad ng sinta mong irog; itago mo ako sa ilalim ng anino ng iyong mga pakpak
- 9
mula sa presensiya ng masasama na nananakit sa akin, mga kaaway kong pumapaligid sa akin.
- 10
Wala silang awa kaninuman; ang mga bibig nila ay nagsasalita nang may kayabangan.
- 11
Pinaligiran nila ang aking mga yapak. Binabalak nila na pabagsakin ako.
- 12
Tulad sila ng isang leon na sabik para sa isang biktima, tulad ng isang batang leon na nakaabang sa mga liblib na lugar.
- 13
Tumayo ka, O Yahweh! Lusubin mo sila! Pabagsakin mo sila! Iligtas mo ako mula sa masasama sa pamamagitan ng iyong tabak!
- 14
Sagipin mo ako mula sa mga tao sa pamamagitan ng iyong kamay, O Yahweh, mula sa mga tao ng mundong ito na ang yaman ay sa buhay na ito lamang! Pupunuin mo ng yaman ang mga tiyan ng iyong mga pinahahalagahan; magkakaroon sila ng maraming anak at iiwan ang kanilang yaman sa kanilang mga anak.
- 15
Ako, makikita ko ang iyong mukha sa katuwiran; masisiyahan ako sa paggising ko nang ikaw ang aking nakikita.