Jeremiah 8
Hindustani (Urdu in Devanagari), IRV 2019 (ur-Deva) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
At sinabi pa ng Panginoon, “Sa mga panahong iyon, kukunin sa mga libingan ang mga buto ng mga hari, ng mga pinuno ng Juda, pati na ng mga pari, mga propeta, at mga mamamayan ng Jerusalem.
- 2
Pagkatapos, ikakalat ito sa lupain na nakabilad sa init ng araw, sa liwanag ng buwan, at mga bituin na kanilang minahal, pinaglingkuran, sinunod, sinangguni, at sinamba. Hindi na muling titipunin ang mga buto nila ni ililibing, kundi ikakalat sa lupa na parang dumi.
- 3
Ang natitirang buháy sa masamang bansang ito ay ikakalat ko sa ibang mga bansa, at doon ay gugustuhin pa nilang mamatay kaysa sa mabuhay, sabi ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo.”
- 4
Sinabi sa akin ng Panginoon na sabihin ko ito sa mga tao: “Kapag nadapa ang tao, hindi baʼt muli siyang bumabangon? Kapag naligaw siya, hindi baʼt muli siyang bumabalik?
- 5
Ngunit kayong mga taga-Jerusalem, bakit patuloy kayong lumalayo sa akin? Bakit kayo kumakapit sa kahibangang dala ng inyong mga diyos-diyosan at ayaw ninyong magbalik-loob sa akin?
- 6
Pinakinggan kong mabuti ang inyong mga sinabi pero hindi tama ang mga ito. Walang sinuman sa inyo ang nagsisi sa inyong kasamaan. Wala man lang nagsabing, ‘Ano ba itong ginawa ko?’ Sa halip, ang bawat isa sa inyo ay naging mabilis sa paggawa ng kasalanan na parang kabayong papunta sa digmaan.
- 7
Nalalaman ng tagak, ng kalapati at ng langay-langayan kung kailan sila lilipad patungo sa ibang lugar at kung kailan sila babalik, pero kayong mga hinirang ko ay hindi alam ang mga tuntunin Panginoon.
- 8
“Paano ninyo nasasabing marunong kayo, dahil ba alam ninyo ang mga kautusan ng Panginoon? Ang totoo, binago iyon ng kasulatan ng inyong mga guro.
- 9
Mapapahiya ang mga nagsasabing sila ay marurunong. Matatakot sila dahil bibihagin sila. Itinakwil nila ang salita ng Panginoon. Gagawin ba nila ito kung talagang silaʼy marunong?
- 10
Kaya ibibigay ko sa iba ang mga asawa at mga bukirin nila. Sapagkat maging mga dakila man o mga dukha ay pare-parehong naging sakim sa pera, pati na ang mga propeta at mga pari.
- 11
Hindi nila siniseryoso ang paggamot sa sugat ng mga mamamayan ko, kahit malubha na ito. Sinasabi nilang mabuti ang lahat kahit na hindi ito mabuti.
- 12
Ikinakahiya ba nila ang mga ugali nilang kasuklam-suklam? Hindi! Sapagkat wala na silang kahihiyan! Ni hindi nga namumula ang kanilang mukha sa kahihiyan. Kaya ako, ang Panginoon, ay nagsasabing mapapahamak sila katulad ng iba. Ibabagsak sila pagdating ng araw na parurusahan sila.
- 13
“Lubos ko silang lilipulin,” sabi ng Panginoon. “Sisirain ko ang mga bunga ng kanilang mga ubas at igos; pati ang mga dahon nitoʼy malalanta. Ang mga ibinigay ko sa kanila ay mawawala.”
- 14
Pagkatapos, sasabihin nila, Ano pa ang hinihintay natin? Halikayo, tumakas na tayo papunta sa mga napapaderang lungsod at doon na tayo mamatay. Sapagkat hinatulan na tayong mamatay ng Panginoon na ating Diyos. Parang binigyan niya tayo ng tubig na may lason para inumin, dahil nagkasala tayo sa kanya.
- 15
Naghintay tayo ng kapayapaan, pero walang dumating na kapayapaan. Naghintay tayo ng kabutihan, pero takot ang dumating.
- 16
Ang singhal ng kabayo ng mga kaaway ay naririnig mula sa Dan. Sa halinghing pa lang ng kanilang mga kabayo, nanginginig na ang buong lupain. Dumating sila upang wasakin ang lupaing ito at ang lahat ng naririto; ang mga lungsod at ang lahat ng mamamayan nito.
- 17
“Makinig kayo! Magpapadala ako ng mga kaaway na parang mga makamandag na ahas na hindi napapaamo ng kahit sino, at tutuklawin nila kayo at kayoʼy mamamatay,” sabi ng Panginoon.
- 18
Pagkatapos, sinabi ni Jeremias: Hindi mapapawi ang aking kalungkutan. Ang aking pusoʼy nagdaramdam.
- 19
Pakinggan nʼyo ang iyakan ng aking mga kababayan na naririnig sa buong lupain. Sinabi nila, “Wala na ba ang Panginoon sa Jerusalem? Wala na ba roon ang Diyos na Hari ng Jerusalem?” Sumagot ang Panginoon. “Bakit ninyo ako ginalit sa pamamagitan ng pagsamba sa mga diyos-diyosang walang kabuluhan?”
- 20
Sumagot ang mga tao, “Tapos na ang anihan, tapos na rin ang tag-araw, pero hindi pa kami naililigtas!”
- 21
Akoʼy nagdaramdam dahil sa hirap na nararanasan ng aking mga kababayan. Nagluluksa ako at natitigilan.
- 22
Wala na bang gamot sa Gilead? Wala na bang manggagamot doon? Bakit hindi gumagaling ang sugat ng aking mga kababayan?