Jeremiah 17
Hindustani (Urdu in Devanagari), IRV 2019 (ur-Deva) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Sinabi ng Panginoon, “Mga taga-Juda, nakaukit sa matigas ninyong mga puso ang mga kasalanan nʼyo na parang mga salitang nakaukit sa bato o sa sungay na nasa sulok ng inyong mga altar.
- 2
Kahit ang mga anak ninyoʼy sumasamba sa inyong mga altar at sa mga posteng simbolo ng diyosang si Ashera sa ilalim ng mayayabong na puno at sa itaas ng mga bundok.
- 3
Kaya ipapasamsam ko sa mga kaaway ninyo ang inyong mga kayamanan at ari-arian, pati ang mga sambahan ninyo sa matataas na lugar, dahil sa mga kasalanang ginawa ninyo sa buong bansa.
- 4
Mawawala sa inyo ang lupaing ibinigay ko. Ipapaalipin ko kayo sa mga kaaway nʼyo sa lupaing hindi nʼyo alam, dahil ginalit nʼyo ako na parang nagniningas na apoy na hindi mamamatay magpakailanman.”
- 5
Sinabi pa ng Panginoon: “Isusumpa ko ang taong lumalayo sa akin at nagtitiwala lamang sa tao.
- 6
Matutulad siya sa isang maliit na punongkahoy sa ilang na walang magandang kinabukasan. Maninirahan siya sa tigang at maalat na lupain na walang ibang naninirahan.
- 7
“Ngunit mapalad ang taong nagtitiwala at lubos na umaasa sa Panginoon.
- 8
Matutulad siya sa punongkahoy na itinanim sa tabi ng ilog na ang mga ugat ay umaabot sa tubig. Ang punongkahoy na itoʼy hindi natatakot, dumating man ang tag-init o mahabang tag-araw. Palaging sariwa ang mga dahon nito at walang tigil ang pamumunga.
- 9
“Ang puso ng tao ay mapanlinlang higit sa lahat, at hindi ito malulunasan. Sino ang nakakaunawa nito?
- 10
“Ngunit ako, ang Panginoon, ay sumisiyasat sa puso at isip ng tao. Gagantihan ko ang bawat isa ayon sa pag-uugali at mga gawa niya.”
- 11
Ang taong yumaman sa masamang paraan ay tulad ng ibong nililimliman ang hindi niya itlog. Sa bandang huli, sa kalagitnaan ng kanyang buhay, mawawala ang kanyang kayamanan at lalabas na siyaʼy hangal.
- 12
Panginoon, mula pa noong una, ang inyong trono ng kaluwalhatian sa kaitaasan, ito ang lugar ng aming kanlungan.
- 13
Kayo po Panginoon, ang pag-asa ng Israel. Mapapahiya ang lahat ng magtatakwil sa inyo. Malilibing po sila sa ilalim ng lupa, dahil itinakwil po nila kayo, kayo na bukal na nagbibigay ng buhay.
- 14
Panginoon, pagalingin nʼyo po ako at gagaling ako; iligtas nʼyo po ako at maliligtas ako. At kayo lang ang tangi kong pupurihin.
- 15
Sinabi po sa akin ng mga tao, “Nasaan na ang mga sinabi ng Panginoon? Bakit hindi pa rin ito nangyayari hanggang ngayon?”
- 16
O Panginoon, hindi po ako nagpabaya sa aking gawain bilang tagapagbantay ng inyong mga mamamayan. Hindi ko po hinangad na ipahamak ninyo sila. Alam po ninyo ang mga sinabi ko.
- 17
Huwag nʼyo po akong takutin, dahil kayo ang kanlungan ko sa panahon ng kapahamakan.
- 18
Takutin at hiyain po ninyo ang mga umuusig sa akin. Ngunit huwag ninyo itong gawin sa akin. Padalhan po ninyo sila ng kapahamakan upang malipol sila nang lubusan.
- 19
Sinabi sa akin ng Panginoon, “Pumunta ka sa mga pintuan ng Jerusalem. Tumayo ka muna sa pintuan na dinadaanan ng mga hari ng Juda at pagkatapos, sa iba pang mga pintuan.
- 20
At sabihin mo sa mga tao, ‘Pakinggan nʼyo ang mensahe ng Panginoon, kayong mga hari at mga taga-Juda, pati kayong mga nakatira sa Jerusalem na dumadaan sa mga pintuang ito.
- 21
Ito ang sinasabi ng Panginoon: Kung pinahahalagahan ninyo ang inyong sarili, huwag kayong magtatrabaho o magdadala ng anumang mga paninda sa mga pintuan ng Jerusalem sa Araw ng Pamamahinga.
- 22
Totoo yan, huwag kayong magtatrabaho o magdadala ng mga paninda mula sa mga bahay nʼyo sa araw na ito. Ituring nʼyo itong natatanging araw. Iniutos ko ito sa mga ninuno nʼyo,
- 23
pero hindi sila nakinig sa akin. Matitigas ang ulo nila! Ayaw nilang tanggapin ang mga pagtuturo ko sa kanila.
- 24
Ngunit kung susunod lang kayo sa akin, sabi ng Panginoon, at hindi kayo magtatrabaho o magdadala ng mga paninda sa pintuan ng lungsod sa Araw ng Pamamahinga, at ituturing nʼyo itong banal na araw
- 25
ay pagpapalain ko kayo. Palaging magkakaroon ng haring maghahari rito sa Jerusalem na mula sa angkan ni David. Sila at ang mga tagapamahala nila ay paparada na nakasakay sa mga karwahe at mga kabayo papasok sa pintuan ng lungsod kasama ng mga taga-Juda at taga-Jerusalem. At ang lungsod na ito ng Jerusalem ay mananatiling lungsod magpakailanman.
- 26
At darating ang mga tao na sasamba sa templo ng Panginoon mula sa mga lugar sa paligid ng Jerusalem, sa mga bayan ng Juda, at Benjamin, at mula sa mga kaburulan sa kanluran, sa mga kabundukan, at sa Negeb. Magdadala sila ng mga handog na sinusunog, at iba pang mga handog, gaya ng handog na pagpaparangal sa Panginoon, handog ng pasasalamat, at mga insenso.
- 27
Ngunit kung hindi kayo susunod sa akin, at hindi ninyo ituturing na banal ang Araw ng Pamamahinga at magdadala kayo ng mga paninda sa mga pintuan ng Jerusalem sa araw na iyon, susunugin ko ang mga pintuan ng Jerusalem pati ang matitibay na bahagi ng lungsod na ito, at walang makakapatay ng sunog na iyon!’ ”