Jeremiah 15
Hindustani (Urdu in Devanagari), IRV 2019 (ur-Deva) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Sinabi sa akin ng Panginoon, “Kahit sina Moises at Samuel pa ang magmakaawa sa akin para sa mga taong ito, hindi ko sila kahahabagan. Kaya ilayo mo sila sa akin. Paalisin mo sila!
- 2
Kung magtatanong sila kung saan sila pupunta, sabihin mo na ito ang sinabi ng Panginoon: ‘Ang mga nakatakdang mamatay ay mamamatay. Ang ibaʼy itinakdang mamatay sa digmaan at ang ibaʼy sa taggutom. Ang iba namaʼy itinakdang bihagin.’
- 3
“Ipapadala ko sa kanila ang apat na uri ng parusa,” sabi ng Panginoon. “Mamamatay sila sa digmaan, kakaladkarin ng mga aso ang mga bangkay nila, tutukain sila ng mga ibon at ang natitira sa mga bangkay nilaʼy uubusin ng mababangis na hayop.
- 4
Kamumuhian sila ng lahat ng bansa sa mundo dahil sa ginawa ni Manases na anak ni Ezequias sa Jerusalem noong hari pa siya ng Juda.
- 5
O mga taga-Jerusalem, sino kaya ang mahahabag sa inyo? Sino kaya ang magluluksa para sa inyo? At sino kaya ang magtatanong tungkol sa inyong kalagayan?
- 6
Itinakwil ninyo ako; palagi ninyo akong tinatalikuran. Kaya ako, ang Panginoon, ay nagsasabing iuunat ko ang aking mga kamay upang kayo ay lipulin. Sawa na akong kahabagan kayo.
- 7
Parurusahan ko kayo tulad ng ipang tinatahip sa pintuan ng lungsod. Lilipulin ko kayo at ang mga anak ninyo, dahil hindi ninyo tinalikuran ang inyong masasamang ugali.
- 8
Pararamihin ko ang inyong mga biyuda na parang mas marami pa kaysa sa buhangin sa tabing-dagat. Sa katanghaliang tapat, ipapadala ko ang lilipol sa mga ina ng mga binata. Biglang darating sa inyo ang pagdadalamhati at takot.
- 9
May inang mawawalan ng pitong anak na lalaki. Hihimatayin siya at mahihirapang huminga. Ang kanyang mga anak ay parang araw na lumubog nang napakaaga pa. Mapapahiya siya dahil wala na siyang anak. At ang mga matitirang buhay ay ipapapatay ko rin sa mga kaaway,” wika ng Panginoon.
- 10
Kahabag-habag ako! Sanaʼy hindi na ako isinilang ng aking ina! Palagi akong kinakalaban sa buong Juda. Wala akong utang kaninuman, at hindi rin ako nagpapautang, pero isinusumpa ako ng lahat.
- 11
Sinabi ng Panginoon, “Tiyak na ikaw ay aking ililigtas para sa mabuting layunin; tinitiyak kong ang iyong mga kaaway ay magmamakaawa sa iyo sa panahon ng kalamidad at kahirapan.
- 12
“Kung papaanong walang makakabali ng piraso ng bakal o tanso, wala ring makakatalo sa mga kaaway na galing sa hilaga.
- 13
“Ipapasamsam ko sa mga kaaway ninyo ang inyong mga kayamanan at ari-arian dahil sa mga kasalanang inyong ginawa sa buong bansa.
- 14
Ipapaalipin ko kayo sa inyong mga kaaway sa lupaing hindi ninyo alam, at ipadarama ko sa inyo ang aking galit na parang nagliliyab na apoy.”
- 15
Sinabi ko, “Panginoon, alam po ninyo ang lahat! Alalahanin at tulungan po ninyo ako. Ipaghiganti ninyo ako sa mga umuusig sa akin. Alam kong hindi kayo madaling magalit, kaya huwag po ninyo akong hayaang mamatay. Alalahanin po ninyo ang mga paghihirap ko dahil sa inyo.
- 16
Noong nagsalita kayo sa akin, pinakinggan ko po kayo. Ang mga salita po ninyo ay kagalakan ko; at akoʼy sa inyo, O Panginoong Diyos ng mga Hukbo.
- 17
Hindi po ako sumáma sa mga kasayahan at kagalakan nila. Nag-iisa po ako dahil nakikipag-usap kayo sa akin at sinabi nʼyo sa akin ang tungkol sa inyong galit.
- 18
Bakit hindi po natatapos ang aking paghihirap? Bakit hindi na gumagaling ang aking mga sugat? Hindi na po ba magagamot ang mga ito? Bibiguin po ba ninyo ako na parang sapa na natutuyo kapag tag-araw?”
- 19
Kaya sinabi ng Panginoon, “Kung ikaʼy magsisisi, pababalikin kita sa aking piling upang patuloy kang makapaglingkod sa akin. Kung magsasalita ka ng mga makabuluhang bagay at iiwasan ang mga bagay na walang kabuluhan, muli kitang gagawing aking tagapagsalita. Kinakailangang sila ang lumapit sa iyo at hindi ikaw ang lalapit sa kanila.
- 20
Gagawin kitang parang matibay na tansong pader para sa mga taong ito. Kakalabanin ka nila ngunit hindi ka nila magagapi, sapagkat kasama mo ako. Iingatan kita at ililigtas,” wika ng Panginoon.
- 21
“Ililigtas kita sa kamay ng masasama at sasagipin kita mula sa mararahas na tao.”