Jeremiah 12
Hindustani (Urdu in Devanagari), IRV 2019 (ur-Deva) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Panginoon, palaging makatarungan ang inyong tugon, sa tuwing akoʼy dumaraing. Ngunit ngayon, ako ay may tanong tungkol sa inyong katarungan: Bakit po umuunlad ang masasamang tao? Bakit po mapayapa ang buhay ng mga taong taksil sa inyo?
- 2
Pinagpapala ninyo sila tulad ng punongkahoy na nag-uugat, lumalago, at namumunga. Pinupuri nila kayo sa kanilang mga bibig ngunit hindi ito galing sa kanilang puso.
- 3
Ngunit kilala ninyo ako Panginoon. Nakikita ninyo ang aking mga ginagawa at alam ninyo kung ano ang nasa puso ko. Kaladkarin ninyo ang mga taong ito na tulad ng mga tupa patungo sa katayan. Ibukod po ninyo sila upang katayin.
- 4
Hanggang kailan po kaya ang pagkatuyo ng lupa at ang pagkalanta ng mga damo? Namamatay na po ang mga hayop at mga ibon dahil sa kasamaan ng mga tao sa lupaing ito. Sapagkat sinasabi pa nila, “Walang pakialam ang Diyos sa sasapitin natin.”
- 5
Sinabi ng Panginoon, “Jeremias, kung napapagod ka sa pakikipaghabulan sa mga tao, di lalo na sa mga kabayo? Kung nadadapa ka sa lugar na patag, di lalo na sa kagubatang malapit sa Ilog Jordan?
- 6
Kahit na ang iyong mga kapatid at kamag-anak ay nagtaksil sa iyo. Nagbalak sila ng masama laban sa iyo. Huwag kang magtiwala sa kanila kahit na mabuti ang sinasabi nila.
- 7
“Itatakwil ko ang mga mamamayan ko, ang bansang pag-aari ko. Ibibigay ko ang minamahal ko, ang aking mga mamamayan, sa kanilang mga kaaway.
- 8
Lumaban sila sa akin na parang leon na umaatungal sa kagubatan, kaya akoʼy nagalit sa kanila.
- 9
Naging kasuklam-suklam sila sa akin na parang ibong mandaragit. At sila mismoʼy napapalibutan ng mga ibong mandaragit. Titipunin ko ang mababangis na hayop upang kainin sila nito.
- 10
Wawasakin ng maraming pinuno ang Juda na itinuturing kong aking ubasan. Tatapak-tapakan nila itong magandang lupain at gagawing ilang.
- 11
Gagawin nila itong malungkot na lugar at magiging walang kabuluhan sa akin. Magiging ilang ang lupaing ito, dahil wala nang magmamalasakit dito.
- 12
Darating ang mga mangwawasak sa lugar na ilang. Gagamitin sila Panginoon bilang espada na wawasak sa buong lupain, at walang makakatakas.
- 13
Magtatanim ng trigo ang mga mamamayan ko, ngunit aani sila ng tinik. Magtatrabaho sila nang husto pero wala silang pakikinabangan. Mag-aani sila ng kahihiyan dahil sa matinding galit ng Panginoon.”
- 14
Sinabi pa ng Panginoon, “Ito ang gagawin ko sa lahat ng masasamang bansa sa palibot ng Israel na sumira ng lupaing ibinigay ko sa mga mamamayan ko: Palalayasin ko sila sa lupain nila katulad ng pagpapalayas ko sa mga taga-Juda sa lupain nito.
- 15
Ngunit sa bandang huli, kahahabagan ko ulit ang mga bansang ito at ibabalik ko sila sa sarili nilang lupain.
- 16
At kung tatanggapin nila nang buong puso ang pananampalataya ng mga mamamayan ko at kung susumpa sila sa pangalan ko, na nagsasabing, ‘Habang buháy ang Panginoon,’ gaya ng itinuro nila sa mga mamamayan ko na pagsumpa sa pangalan ni Baal, magiging kabilang din sila sa mga mamamayan ko.
- 17
Ngunit ang alinmang bansa na hindi susunod sa akin ay palalayasin ko sa kanilang lupain at lilipulin,” sabi ng Panginoon.