Isaiah 58
Hindustani (Urdu in Devanagari), IRV 2019 (ur-Deva) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
“Sumigaw kayo nang malakas na kasinlakas ng trumpeta! Huwag ninyong pigilan! Sabihin ninyo sa aking mga mamamayan na lahi ni Jacob ang kanilang mga kasalanan at mga pagsuway.
- 2
Dumudulog sila sa akin araw-araw, at tila gusto nilang malaman ang aking mga pamamaraan. Kung titingnan, para bang isa silang bansang matuwid at hindi sumusuway sa mga utos ng Diyos. Ipinapakita nila na parang gustong-gusto nilang lumapit sa akin at humingi ng matuwid na hatol.
- 3
Sinasabi pa nila sa akin, ‘Nag-ayuno kami, ngunit hindi nʼyo man lamang pinansin. Nagpapakahirap kami, ngunit binalewala ninyo.’ “Ang totoo, habang nag-aayuno kayo, ang sarili ninyong kapakanan ang inyong iniisip. Inaapi ninyo ang inyong mga manggagawa.
- 4
Nag-aayuno nga kayo, ngunit nag-aaway-away naman kayo, nagtatalo, at nagsusuntukan pa. Huwag ninyong iisipin na ang ginagawa ninyong pag-aayuno ngayon ay makakatulong para dinggin ko ang inyong dalangin.
- 5
Kapag nag-aayuno kayo, nagpepenitensya kayo. Yumuyuko kayo na parang mga damong kugon. Nagsusuot kayo ng damit na panluksa at humihiga sa abo. Iyan ba ang tinatawag ninyong ayuno? Akala ba ninyoʼy nakakalugod iyon sa Panginoon?
- 6
Ang ayunong makapagpapalugod sa akin ay ang ayunong may kasamang matuwid na pag-uugali. Tigilan ninyo ang paggawa ng kasamaan, pairalin nʼyo na ang katarungan, palayain ninyo ang mga inaalipin at ang inaapi ay inyong tulungan.
- 7
Bigyan ninyo ng pagkain ang mga nagugutom, patirahin ninyo sa inyong tahanan ang mga walang tahanan, bigyan ninyo ng damit ang mga walang damit, at tulungan ninyo ang inyong mga kaanak.
- 8
Kapag ginawa nʼyo ito, darating sa inyo ang kaligtasan na parang bukang-liwayway, at pagagalingin ko kayo agad. Ako na inyong Panginoong matuwid ang mangunguna sa inyo at ipagtatanggol ko kayo sa pamamagitan ng aking kapangyarihan.
- 9
At kung dumulog kayo sa Panginoon para humingi ng tulong, siya ay sasagot at sasabihing: Ako ay nandito. “Kung titigilan na ninyo ang pang-aapi, ang pambibintang ng kasinungalingan, ang pagsasalita ng masama,
- 10
at kung pinapakain ninyo ang mga nagugutom, at pinupunan ang pangangailangan ng mga dukha, ang inyong liwanag ay magniningning sa kadiliman, at ang inyong kadiliman ay magiging kasing liwanag ng tanghaling-tapat.
- 11
Palagi kayong papatnubayan ng Panginoon kayo ay bubusugin, kahit na mahirap ang kalagayan ninyo. Palalakasin niya kayo, at kayoʼy magiging parang halamanang sagana sa tubig at parang bukal na hindi nawawalan ng tubig.
- 12
Muling itatayo ng inyong mga lahi ang mga lungsod ninyong matagal nang wasak at aayusin nila ang dating mga pundasyon. Makikilala kayo na mga mason ng kanilang mga nagibang pader at mga bahay.
- 13
“Alalahanin ninyo ang Araw ng Pamamahinga. Huwag ninyong iisipin ang pansarili ninyong kapakanan sa natatanging araw na iyon. Ipagdiwang ninyo ang Araw ng Pamamahinga, at parangalan ninyo ang araw ng Panginoon sa pamamagitan ng pagpipigil sa mga sarili ninyong kagustuhan at kaligayahan, at pagtigil sa pagsasalita nang walang kabuluhan.
- 14
Kapag ginawa ninyo ito, magiging maligaya kayo sa inyong paglilingkod sa akin. Pararangalan ko kayo sa buong mundo. Pasasaganain ko ang ani ng lupaing inyong minana sa inyong ninunong si Jacob.” Mangyayari nga ito dahil sinabi ng Panginoon.