Zechariah 9
Open Basic Turkish New Testament (tr) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Ito ang pahayag ng Panginoon: Sinabi ng Panginoon na parurusahan niya ang mga lungsod ng Hadrac at Damasco, dahil ang lahat ng tao ay dapat sa kanya, lalo na ang mga lahi ng Israel.
- 2
Parurusahan din ng Panginoon ang Hamat na malapit sa mga lungsod ng Hadrac at Damasco, pati na ang lungsod ng Tiro at Sidon, kahit pa napakahusay ng mga mamamayan nito.
- 3
Ang mga taga-Tiro ay nagpatayo ng matitibay na pader at nag-ipon ng maraming pilak at ginto na para bang nagtatambak lang ng lupa.
- 4
Ngunit kukunin ng Panginoon ang kanilang mga ari-arian at itatapon niya sa dagat ang kanilang mga kayamanan. At ang kanilang lungsod ay tutupukin ng apoy.
- 5
Makikita ito ng mga taga-Ashkelon at matatakot sila. Mamimilipit sa sakit ang mga taga-Gaza at ganoon din ang mga taga-Ekron dahil mawawala ang kanilang inaasahan. Mamamatay ang hari ng Gaza, at ang Ashkelon ay hindi na matitirhan.
- 6
Ang Asdod ay titirhan ng ibaʼt ibang lahi. Lilipulin ng Panginoon ang ipinagmamalaki ng mga Filisteo.
- 7
Hindi na sila kakain ng karneng may dugo o ng mga pagkaing ipinagbabawal na kainin. Ang matitira sa kanila ay ibibilang ng ating Diyos na kanyang mga mamamayan na parang isang angkan mula sa Juda. Ang mga taga-Ekron ay magiging kabilang sa mga mamamayan ng Panginoon katulad ng mga Jebuseo.
- 8
Iingatan ng Panginoon ang kanyang templo laban sa mga sumasalakay. Wala nang mang-aapi sa mga mamamayan niya dahil binabantayan na niya sila.
- 9
“Magalak kayo, kayong mga mamamayan ng Zion! Sumigaw kayo sa tuwa, kayong nasa Jerusalem! Sapagkat ang inyong hari ay darating na. Matuwid siya at matagumpay. Mapagpakumbaba siya, at darating na nakasakay sa bisirong asno.
- 10
Ipapaalis niya ang mga karwahe at mga kabayong pandigma sa Israel at sa Juda. Babaliin ang mga panang ginagamit sa digmaan. Ang haring darating ay magdadala ng kapayapaan sa mga bansa. Maghahari siya mula sa isang dagat hanggang sa isa pang dagat, at mula sa Ilog ng Eufrates hanggang sa dulo ng mundo.
- 11
At sa inyo naman, dahil sa aking kasunduang pinagtibay ng dugo, palalayain ko kayo sa pagkakakulong sa balong walang tubig.
- 12
Kayong mga binihag na umaasang mapalaya, bumalik na kayo sa inyong mga lugar kung saan ligtas kayo. Sinasabi ko ngayon sa inyo na ibabalik ko nang doble ang mga nawala sa inyo.
- 13
Gagamitin kong parang pana ang Juda at parang palaso ang Efraim. Gagawin kong parang espada ng kawal ang mga taga-Zion, at lilipulin nila ang mga taga-Gresya.”
- 14
Magpapakita ang Panginoon sa itaas ng kanyang mga mamamayan. Ang kanyang panaʼy kikislap tulad ng kidlat. Patutunugin ng Makapangyarihang Panginoon ang trumpeta; at darating siyang kasama ng bagyong mula sa timog.
- 15
Iingatan sila ng Panginoon ng mga Hukbo. Lulusubin nila ang kanilang mga kaaway gamit ang mga batong pantirador, at silaʼy magtatagumpay. Mag-iinuman sila at magsisigawan na parang mga lasing. Mabubusog sila katulad ng mangkok na punong-puno ng dugo, at ibinuhos sa mga sulok ng altar.
- 16
Ililigtas sila ng Panginoon na kanilang Diyos sa araw na iyon bilang kanyang kawan. Magniningning sila sa lupain katulad ng mga mamahaling batong kumikislap sa korona.
- 17
Silaʼy magiging kabigha-bighani at napakaganda! Ang mga binataʼy lalakas dahil sa saganang butil at ang mga dalagaʼy yayabong dahil sa matatamis na alak.