Amos 2
Open Basic Turkish New Testament (tr) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Moab: “Dahil sa paulit-ulit na pagkakasala ng mga taga-Moab, parurusahan ko sila. Sapagkat sinunog nila ang mga buto ng hari ng Edom hanggang sa maging abo ito.
- 2
Kaya susunugin ko ang Moab pati na ang matitibay na bahagi ng Keriot. Mamamatay ang mga taga-Moab habang nagsisigawan at nagpapatunog ng mga trumpeta ang kanilang mga kaaway na sumasalakay sa kanila.
- 3
Mamamatay pati ang kanilang hari at ang lahat ng kanyang mga opisyal,” sabi ng Panginoon.
- 4
Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Juda: “Dahil sa paulit-ulit na pagkakasala ng mga taga-Juda, parurusahan ko sila. Sapagkat itinakwil nila ang aking mga kautusan at hindi nila sinunod ang aking mga tuntunin. Iniligaw sila ng paglilingkod nila sa mga diyos-diyosang pinaglingkuran din ng kanilang mga ninuno.
- 5
Kaya susunugin ko ang Juda pati na ang matitibay na bahagi ng Jerusalem.”
- 6
Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Israel: “Dahil sa paulit-ulit na pagkakasala ng mga taga-Israel, parurusahan ko sila. Sapagkat ipinagbibili nila bilang alipin ang mga taong walang kasalanan dahil lamang sa kanilang utang. Ginagawa rin nila ito sa mga mahihirap kahit na isang pares lang na sandalyas ang utang.
- 7
Ginigipit nila ang mga mahihirap at hindi binibigyan ng katarungan. Mayroon sa kanila na mag-amang nakikipagtalik sa iisang babae. Dahil dito nilalapastangan nila ang aking banal na pangalan.
- 8
Natutulog sila sa kanilang sambahan na suot ang damit na isinangla sa kanila ng mga mahihirap. At nag-iinuman sila sa aking templo ng alak na binili galing sa ibinayad ng mga mahihirap na may utang sa kanila.
- 9
“Ngunit ako, ang ginawa ko para sa kanila na mga taga-Israel, nilipol ko ang mga Amoreo, kahit na kasintaas sila ng punong sedro at kasintibay ng punong ensina. Nilipol ko silang lahat at walang itinirang buhay.
- 10
Inilabas ko rin sa Ehipto ang mga ninuno ng mga taga-Israel at pinatnubayan ko sila sa ilang sa loob ng apatnapung taon upang masakop nila ang lupain ng mga Amoreo.
- 11
“Pinili ko ang ilan sa mga anak nila na maging propeta at Nazareo. Mga taga-Israel, hindi baʼt totoo itong sinasabi ko?” sabi ng Panginoon.
- 12
“Ngunit ano ang ginawa ninyo? Pinainom ninyo ng alak ang mga hinirang kong Nazareo at pinagbawalan ninyo ang mga propeta na sabihin ang ipinasasabi ko.
- 13
“Kaya makinig kayo! Pahihirapan ko kayo katulad ng kariton na hindi na halos makausad dahil sa bigat ng karga.
- 14
Kaya kahit na ang pinakamabilis tumakbo sa inyo ay hindi makakatakas, ang malalakas ay manghihina, at ang mga sundalo ay hindi maililigtas ang kanilang sarili.
- 15
Kahit na ang mga sundalong namamana sa labanan ay uurong. Ang mga sundalong mabilis tumakbo ay hindi makakatakas, at silang mga nakasakay sa kabayo ay hindi rin makakaligtas.
- 16
Sa araw na iyon, kahit ang pinakamatapang na sundalo ay tatakas na nakahubad,” sabi ng Panginoon.