Acts 8
Textus Receptus (Stephanus 1550) (grc) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
At sinang-ayunan ni Saulo ang pagpatay kay Esteban. Inusig at Nagkawatak-watak ang mga Mananampalataya Mula sa araw na iyon, nagsimula ang matinding pag-uusig sa iglesya sa Jerusalem. Kaya nagkawatak-watak sila sa buong lalawigan ng Judea at Samaria, maliban sa mga apostol na hindi umalis sa Jerusalem.
- 2
Inilibing si Esteban ng mga taong may takot sa Diyos, at labis nila siyang ipinagluksa.
- 3
Samantala, sinikap ni Saulo na wasakin ang iglesya. Pinasok niya ang mga bahay-bahay at kinakaladkad ang mga lalaki at mga babae, at ibinilanggo.
- 4
Ang mga mananampalatayang nagkawatak-watak ay nangangaral ng Magandang Balita saan man sila magpunta.
- 5
Isa sa kanila ay si Felipe. Pumunta siya sa isang lungsod ng Samaria at ipinahayag sa mga tao ang tungkol sa Mesias.
- 6
Nagkaisa ang mga taong bigyan ng pansin ang mga sinabi ni Felipe noong narinig nila siya at nakita ang mga tandang ginawa niya.
- 7
Sapagkat lumabas ang mga masasamáng espiritu na sumisigaw pa habang papaalis sa mga taong sinapian nila. Marami ring mga paralitiko at mga lumpo ang gumaling.
- 8
Kaya masayang-masaya ang mga tao sa lungsod na iyon.
- 9
May isang lalaki roon na nagngangalang Simon. Isa siyang salamangkero, at matagal na niyang pinapahanga ang mga taga-Samaria sa mga ginagawa niya. Ipinagyayabang niyang isa siyang dakilang tao.
- 10
Ang lahat ng tao sa lungsod, mahirap man o mayaman, ay nakikinig nang mabuti sa kanya. Sinasabi nila, “Ang taong ito ang tinatawag na Dakilang Kapangyarihan ng Diyos.”
- 11
Patuloy silang nakikinig nang mabuti sa kanya dahil matagal na niya silang pinapahanga ng kanyang salamangka.
- 12
Ngunit nang mangaral si Felipe sa kanila ng Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos at tungkol kay Hesu-Kristo, sumampalataya sila. Kaya maraming lalaki at babae ang nagpabautismo.
- 13
Pati si Simon ay sumampalataya rin at nagpabautismo. Mula noon, palagi na siyang sumasama kay Felipe kahit saan ito pumunta. Napapahanga siya sa mga tanda at kamangha-manghang bagay na ginagawa ni Felipe.
- 14
Nabalitaan ng mga apostol sa Jerusalem na tinanggap ng mga taga-Samaria ang salita ng Diyos, kaya ipinadala nila roon sina Pedro at Juan.
- 15
Pagdating nila sa Samaria, ipinanalangin nila ang mga mananampalataya roon upang matanggap din nila ang Banal na Espiritu.
- 16
Sapagkat hindi pa bumababa ang Banal na Espiritu sa kanila, kahit nabautismuhan na sila sa pangalan ng Panginoong Hesus.
- 17
Ipinatong nina Pedro at Juan ang kanilang mga kamay sa mga mananampalatayang Samaritano, at natanggap nila ang Banal na Espiritu.
- 18
Nang makita ni Simon na ipinagkakaloob ang Espiritu sa mga mananampalataya sa pamamagitan ng pagpatong ng kamay ng mga apostol, inalok niya ng pera sina Pedro at Juan,
- 19
at sinabi, “Bigyan nʼyo rin ako ng ganyang kapangyarihan, upang ang sinumang patungan ko ng kamay ay matanggap din ang Banal na Espiritu.”
- 20
Ngunit sumagot si Pedro, “Mapahamak ka sana kasama ng iyong pera! Sapagkat inaakala mong mabibili ng pera ang kaloob ng Diyos.
- 21
Wala kang bahagi o karapatan sa gawaing ito, dahil hindi tama ang puso mo sa paningin ng Diyos.
- 22
Kaya magsisi ka sa iyong kasamaan at manalangin ka sa Panginoon na patawarin ka sa masamang hangarin ng iyong puso.
- 23
Sapagkat nakikita kong puno ka ng pagka-inggit at alipin ka ng kasalanan.”
- 24
Sinabi ni Simon, “Ipanalangin ninyo ako sa Panginoon upang hindi mangyari sa akin ang sinabi ninyo.”
- 25
Pagkatapos makapagpatotoo at maipahayag ang salita ng Panginoon, bumalik sina Pedro at Juan sa Jerusalem. Habang dumadaan sila sa mga nayon ng Samaria, ipinapangaral nila ang Magandang Balita.
- 26
May isang anghel ng Panginoon na nagsabi kay Felipe, “Pumunta ka sa timog, at sundan mo ang ilang na daan mula sa Jerusalem papuntang Gaza.”
- 27
Kaya umalis agad si Felipe. Doon sa daan, nakasalubong niya ang isang eunuko na taga-Etiopia. Ito ang ingat-yaman ng Candace, ang reyna ng Etiopia. Nagpunta ito sa Jerusalem upang sumamba sa Diyos.
- 28
Pauwi na ito noon at nakaupo sa kanyang karwahe habang binabasa ang aklat ni Propeta Isaias.
- 29
Sinabi ng Espiritu kay Felipe, “Lumapit ka sa karwaheng ʼyon at sabayan mo.”
- 30
Kaya patakbong lumapit sa karwahe si Felipe, at narinig niyang binabasa ng lalaki ang aklat ni Propeta Isaias. Tinanong siya ni Felipe, “Nauunawaan ba ninyo ang inyong binabasa?”
- 31
Sumagot ang eunuko, “Paano ko mauunawaan kung wala namang magpapaliwanag sa akin?” Kaya inanyayahan niya si Felipe na sumakay sa kanyang karwahe at maupo sa tabi niya.
- 32
Ito ang bahagi ng Kasulatan na kanyang binabasa: “Siya ay tulad ng isang tupa na inaakay patungo sa katayan; Gaya ng isang munting tupa wala siyang imik habang ginugupitan ni bibig niyaʼy ayaw buksan.
- 33
Hinamak siya at hinatulan nang hindi makatarungan. Walang makapagsalita tungkol sa kanyang lahi, sapagkat ang kanyang buhay dito sa lupaʼy pinaikli.”
- 34
Sinabi ng eunuko kay Felipe, “Maaari mo bang sabihin sa akin kung sino ang tinutukoy ng propeta, ang kanyang sarili ba o ibang tao?”
- 35
Kaya simula sa bahaging iyon ng Kasulatan, ipinaliwanag sa kanya ni Felipe ang Magandang Balita tungkol kay Hesus.
- 36
Habang patuloy silang naglalakbay, nakarating sila sa lugar na may tubig. Sinabi ng eunuko kay Felipe, “Tingnan mo, may tubig dito! May dahilan pa ba upang hindi ako mabautismuhan?” [
- 37
Sumagot si Felipe, “Wala. Maaari kang bautismuhan kung sumasampalataya ka nang buong puso.” Sinabi ng eunuko, “Oo, sumasampalataya ako na si Hesu-Kristo ang Anak ng Diyos.”]
- 38
Pinahinto ng eunuko ang karwahe. Lumusong silang dalawa sa tubig at binautismuhan siya ni Felipe.
- 39
Nang umahon sila sa tubig, biglang kinuha si Felipe ng Espiritu ng Panginoon at hindi na siya nakita ng opisyal. Gayunman, masaya itong nagpatuloy sa kanyang paglalakbay.
- 40
Namalayan na lang ni Felipe na siyaʼy nasa lugar na ng Azoto. Nangaral siya ng Magandang Balita sa mga bayan na dinadaanan niya hanggang makarating siya sa Cesarea.