Ephesians 3
Thai KJV (th) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Sa kadahilanang ito, akong si Pablo ay nakabilanggo ngayon dahil sa paglilingkod ko kay Kristo Hesus, sa pamamagitan ng pagtuturo ko sa inyong mga Hentil.
- 2
Siguradong nabalitaan ninyo na ipinagkatiwala sa akin ng Diyos ang pagpapahayag ng biyaya niya para sa inyo.
- 3
Gaya ng nabanggit ko sa sulat na ito, ang Diyos mismo ang nagpahayag sa akin tungkol sa kanyang lihim na plano.
- 4
Habang binabasa ninyo ang sulat kong ito, malalaman ninyo ang pagkakaunawa ko sa planong ito patungkol kay Kristo.
- 5
Hindi inihayag ng Diyos ang planong ito sa mga tao noon, ngunit ipinahayag na niya ngayon sa mga banal na apostol at mga propeta sa pamamagitan ng Espiritu.
- 6
At ito nga ang plano ng Diyos: na sa pamamagitan ng Magandang Balita, ang mga Hentil ay tatanggap ng mga pangako ng Diyos kasama ng mga Hudyo, at magiging bahagi rin sila ng iisang katawan dahil sa pakikipag-isa nila kay Kristo Hesus.
- 7
Dahil sa biyaya ng Diyos, naging tagapangaral ako ng Magandang Balitang ito sa pamamagitan ng kapangyarihan niya.
- 8
Kahit ako ang pinakahamak sa lahat ng mga mananampalataya , ipinagkaloob pa rin sa akin ng Diyos ang pribilehiyong ipangaral sa mga Hentil ang hindi masukat na biyayang galing kay Kristo,
- 9
at ipaliwanag sa lahat kung paano maisasakatuparan ang plano ng Diyos. Noong unaʼy inilihim ito ng Diyos na lumikha ng lahat ng bagay,
- 10
upang sa pamamagitan ng iglesya ay maipahayag ngayon sa mga namumuno at may kapangyarihan sa kalangitan ang karunungan niyang nahahayag sa ibaʼt ibang paraan.
- 11
Ito na ang plano niya sa simula pa lang, at natupad niya ito sa pamamagitan ni Kristo Hesus na Panginoon natin.
- 12
Sa pananampalataya natin kay Kristo Hesus at pakikipag-isa sa kanya, tayo ngayon ay malaya nang makakalapit sa Diyos nang walang takot o pag-aalinlangan.
- 13
Kaya huwag sana kayong panghinaan ng loob dahil sa mga paghihirap na dinaranas ko, dahil ito sa ikabubuti ninyo.
- 14
Kapag naiisip ko ang mga ito, lumuluhod ako at nananalangin sa Ama,
- 15
ang manlilikha ng lahat ng nasa langit at nasa lupa.
- 16
Ipinapanalangin ko na sa kadakilaan ng kapangyarihan niya ay palakasin niya ang espirituwal ninyong pamumuhay sa pamamagitan ng kanyang Espiritu
- 17
upang manahan si Kristo sa mga puso ninyo dahil sa inyong pananampalataya. Ipinapanalangin ko rin na maging matibay kayo at matatag sa pag-ibig ng Diyos,
- 18
upang maunawaan ninyo at ng iba pang mga hinirang kung gaano kalawak, at kahaba, at kataas, at kalalim ang pag-ibig ni Kristo. Maranasan ninyo sana ito, kahit hindi ito lubusang maunawaan, upang maging ganap sa inyo ang katangian ng Diyos.
- 20
Sa makakagawa ng higit pa sa hiniling o inaasahan natin sa pamamagitan ng kapangyarihan niyang kumikilos sa atin,
- 21
purihin natin siya magpakailanman dahil sa mga ginawa niya para sa iglesya na nakay Kristo Hesus. Amen.