Jeremiah 20
De Heilige Schrift 1917 (nl) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Ang paring si Pashur na anak ni Imer, ang pinakamataas na opisyal sa templo ng Panginoon nang panahong iyon. Nang marinig niya ang propesiya ni Jeremias,
- 2
pinabugbog niya ang propetang si Jeremias at ipinabilanggo sa may pintuan ng templo ng Panginoon na tinatawag na Pintuan ni Benjamin.
- 3
Kinaumagahan, pinalabas ni Pashur si Jeremias. Sinabi ni Jeremias sa kanya, “Pashur, pinalitan na ng Panginoon ang pangalan mo. Tatawagin ka na ngayong Magor Misabib.
- 4
Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoon: Katatakutan mo ang kalagayan mo at ang kalagayan ng lahat ng kaibigan mo. Makikita mo silang papatayin ng mga kaaway nila sa digmaan. Ibibigay ko ang buong Juda sa hari ng Babilonia. Ang ibang mamamayan ay papatayin, at ang iba namaʼy bibihagin.
- 5
Ipapasamsam ko sa mga kaaway ang lahat ng kayamanan ng lungsod ng Jerusalem – lahat ng pinaghirapan nila, lahat ng mamahaling bagay at ang lahat ng kayamanan ng hari ng Juda. Dadalhin nila ang lahat ng iyon sa Babilonia.
- 6
Pati ikaw Pashur at ang buong sambahayan mo ay bibihagin at dadalhin sa Babilonia. At doon ka mamamatay at ililibing, pati ang lahat ng kaibigan mo na hinulaan mo ng kasinungalingan.”
- 7
Panginoon, nilinlang ninyo ako at nanaig kayo sa akin. Naging katatawanan ako ng mga tao at patuloy nila akong kinukutya.
- 8
Kapag nagsasalita ako, isinisigaw ko po ang mensahe ninyo, Panginoon, na tungkol sa karahasan at pagkawasak! At dahil sa ipinasasabi ninyong ito, pinagtatawanan po nila ako at kinukutya.
- 9
Kung minsan, naiisip kong huwag na lang magsalita ng tungkol sa inyo o sabihin ang ipinasasabi ninyo. Ngunit hindi ko po mapigilan, dahil ang mga salita ninyo ay parang apoy na nagniningas sa aking puso at mga buto. Pagod na ako sa kapipigil dito.
- 10
Narinig ko ang pangungutya ng mga tao. Inuulit nila ang mga sinasabi kong, “Nakakatakot ang nakapalibot sa atin!” Sinasabi pa nila, “Ipamalita natin ang kanyang kasinungalingan!” Pati ang mga kaibigan koʼy naghihintay ng aking pagbagsak. Sinasabi nila, “Baka sakaling madaya natin siya. Kung mangyayari iyon, magtatagumpay tayo at mapaghihigantihan natin siya.”
- 11
Ngunit kasama ko po kayo, Panginoon. Kayo ay tulad ng matapang at makapangyarihang mandirigma, kaya hindi magtatagumpay ang mga umuusig sa akin. Mapapahamak sila at mapapahiya, at kahit kailan, hindi makakalimutan ang kanilang kahihiyan.
- 12
O Panginoon ng mga Hukbo, nalalaman po ninyo kung sino ang matuwid sapagkat alam ninyo ang nasa puso at isip ng tao. Ipakita po ninyo sa akin ang inyong paghihiganti sa kanila sapagkat ipinaubaya ko na po sa inyo ang usaping ito.
- 13
Panginoon, magpupuri at aawit po ako sa inyo ngayon sapagkat iniligtas ninyo ang mga nangangailangan mula sa kamay ng masasamang tao.
- 14
Ngunit isinusumpa ko ang araw na akoʼy isinilang! Hindi ko ikinagagalak ang araw na ipinanganak ako ng aking ina!
- 15
Isinusumpa ko ang nagbalita sa aking ama na, “Lalaki ang anak mo!” na siyang ikinagalak ng aking ama.
- 16
Nawa ang taong iyon ay maging katulad ng mga bayang winasak ng Panginoon at hindi kinahabagan. Nawaʼy maghapon niyang mapakinggan ang sigaw at daing ng mga tao sa digmaan.
- 17
Sapagkat hindi niya ako pinatay noong akoʼy nasa sinapupunan pa ng aking ina. Sanaʼy naging libingan ko na lang ang tiyan ng aking ina, o di kayaʼy ipinagbuntis na lamang niya ako magpakailanman.
- 18
Bakit pa ako isinilang? Para lang ba makita ang kaguluhan at kahirapan, at mamatay sa kahihiyan?