Jeremiah 18
De Heilige Schrift 1917 (nl) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Ito ang mensaheng sinabi ng Panginoon kay Jeremias,
- 2
“Pumunta ka sa bahay ng magpapalayok at doon ko sasabihin sa iyo ang nais kong sabihin.”
- 3
Kaya pumunta ako sa bahay ng magpapalayok at nakita ko na gumagawa siya ng palayok.
- 4
Kapag hindi maganda ang hugis ng palayok na ginagawa niya, inuulit niya ito hanggang sa magustuhan niya ang hugis.
- 5
Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon,
- 6
“O mga mamamayan ng Israel, hindi ko ba magagawa sa inyo ang ginawa ng magpapalayok sa luwad na ito?” sabi ng Panginoon. “Kung papaanong ang luwad ay nasa kamay ng magpapalayok, kayo rin ay nasa mga kamay ko.
- 7
Kapag sinabi ko na ang isang bansa o kaharian ay babagsak at mawawasak,
- 8
at ang bansa o kahariang iyon ay tumigil sa paggawa ng masama, hindi ko na itutuloy ang balak kong pagwasak sa kanila.
- 9
At kapag sinabi ko naman na muling babangon at itatayo ang isang bansa o kaharian,
- 10
at ang bansa o kahariang iyon ay gumawa ng masama at hindi sumunod sa akin, hindi ko na itutuloy ang balak kong paggawa ng mabuti sa kanila.
- 11
“Kaya sabihin mo sa mga taga-Juda at mga taga-Jerusalem na ito ang sinasabi ng Panginoon: ‘Makinig kayo! May binabalak akong kaparusahan para sa inyo. Kaya tumigil na kayo sa masasama ninyong pag-uugali. Ang bawat isa sa inyo ay magbago na ng ginagawa at pag-uugali.’
- 12
Ngunit sasagot ang mga tao, ‘Hindi maaari! Ipagpapatuloy pa rin namin ang aming gusto; susundin namin ang nais ng matitigas at masasama naming puso.’ ”
- 13
Kaya ito ang sinabi ng Panginoon, “Tanungin ninyo sa ibang mga bansa kung may narinig na silang ganitong pangyayari? Ang mga mamamayan ng Israel ay nanatili sanang isang birhen, ngunit kasuklam-suklam ang mga bagay na ginawa nila!
- 14
Natutunaw ba ang yelo sa mababatong bundok ng Lebanon? Natutuyo ba ang malalamig na batis doon? Hindi!
- 15
Ngunit ang aking mga mamamayan ay nakalimot na sa akin. Nagsusunog sila ng insenso sa mga walang kuwentang diyos-diyosan. Iniwan nila ang tama at dating daan, at doon sila dumaan sa daang hindi mabuti kung saan silaʼy nadapa.
- 16
Kaya magiging malungkot ang kanilang lupain at hahamakin magpakailanman. Ang lahat ng dumadaan ay mapapailing at mangingilabot.
- 17
Ikakalat ko sila sa harap ng kanilang mga kaaway na parang alikabok na tinatangay ng hangin mula sa silangan. Tatalikuran ko sila at hindi ko sila tutulungan sa araw na lilipulin na sila.”
- 18
Pagkatapos, sinabi ng mga tao, “Halikayo, gumawa tayo ng paraan upang mapatigil natin si Jeremias! May mga pari rin tayong magtuturo sa atin ng kautusan, at may mga pantas din tayong magpapayo sa atin, at mga propetang magpapahayag sa atin ng mensahe ng Diyos. Kaya gumawa tayo ng mga kuwento laban sa kanya at huwag na nating pakinggan ang mga sinasabi niya.”
- 19
Kaya nanalangin ako: “O Panginoon, tulungan po ninyo ako! Pakinggan po ninyo ang paratang ng aking mga kaaway.
- 20
Mabuti po ang aking ginagawa sa kanila pero masama ang iginaganti nila sa akin. Humukay po sila upang akoʼy mahulog sa hukay na iyon, kahit na dumulog ako sa inyo at nanalangin na huwag nʼyo silang parusahan dahil sa galit nʼyo sa kanila.
- 21
Ngunit ngayon, pabayaan po ninyong mamatay sa gutom at digmaan ang kanilang mga anak. Pabayaan ninyong mabiyuda ang mga babae at mawala ang kanilang mga anak. Pabayaan ninyo pong mamatay sa sakit ang mga lalaki sa kanila at ang mga kabataang lalaki sa digmaan.
- 22
Hayaan ninyo silang mapasigaw sa takot kapag ipinasalakay ninyo sa mga kaaway ang kanilang mga bahay. Sapagkat naghanda po sila ng hukay upang akoʼy mahulog doon, at naglagay sila ng bitag upang akoʼy mahuli.
- 23
Ngunit alam nʼyo po Panginoon ang lahat ng plano nilang pagpatay sa akin. Kaya huwag ninyo silang patawarin sa kanilang mga kasalanan at kasamaan. Hayaan ninyo silang matalo ng kanilang mga kaaway habang kayoʼy nakatingin. Iparanas ninyo sa kanila ang inyong galit.”