Jeremiah 10
De Heilige Schrift 1917 (nl) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Mamamayan ng Israel, pakinggan nʼyo ang sinasabi ng Panginoon.
- 2
Ito ang sinasabi Panginoon: “Huwag ninyong tutularan ang pag-uugali ng mga tao sa ibang mga bansa na naghahanap ng mga tanda sa kalawakan. Huwag kayong matakot sa mga ganyang tanda kahit na ang mga tao sa ibang bansa ay takot sa mga tandang iyan.
- 3
Walang kabuluhan ang kaugalian ng mga taong iyon. Pumuputol sila ng puno sa gubat at pinapaukitan nila sa mahuhusay na mang-uukit.
- 4
Pagkatapos, pinapalamutian nila ng pilak at ginto, at pinapakuan ng mabuti upang hindi matumba.
- 5
Ang mga diyos-diyosang itoʼy parang taong panakot ng ibon sa bukid na hindi nakakapagsalita. Kailangan pa itong buhatin dahil hindi ito nakakalakad. Huwag kayong matakot sa mga diyos-diyosang ito dahil hindi sila makakagawa ng masama at hindi rin makakagawa ng mabuti.”
- 6
O Panginoon, kayoʼy walang katulad. Kayo ay makapangyarihan at dakila ang pangalan.
- 7
Sino po ang hindi matatakot sa inyo, O Hari ng mga bansa? Karapat-dapat lang na kayo ay igalang. Sa lahat ng matatalinong hari ng mga bansa, at sa kanilang mga kaharian, walang sinuman ang katulad ninyo.
- 8
Silang lahat ay mga mangmang at mga hangal. Ang katuruang mula sa mga diyos-diyosang gawa sa kahoy ay walang kabuluhan.
- 9
Ang pinanday na pilak na galing sa Tarsis at ang gintong galing sa Upaz ay ginawang diyos-diyosan ng mga panday at mga platero, pagkatapos ay binihisan ng damit na asul at kulay ube; lahat ay gawa ng mga dalubhasang manggagawa.
- 10
Ngunit ang Panginoon ang tunay na Diyos. Siya ang Diyos na buháy at walang hanggang Hari. Kapag siyaʼy nagagalit, nayayanig ang daigdig, at walang bansa na makatatagal sa tindi ng kanyang galit.
- 11
Sabihin ninyo sa mga sumasamba sa ibang mga diyos, “Ang inyong mga diyos na hindi lumikha ng langit at lupa ay mawawala sa mundo.”
- 12
Ngunit ang Diyos ang lumikha ng lupa sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, itoʼy kanyang itinatag sa kanyang karunungan, at kanyang inilatag ang kalangitan sa kanyang kaalaman.
- 13
Sa kanyang utos ay lumalabas ang mga ulap at mga kidlat sa kalawakan, at bumubuhos ang malakas na ulan. Pinapalabas niya ang hangin mula sa pinanggagalingan nito.
- 14
Lahat ng tao ay mga mangmang at walang pang-unawa. Mapapahiya ang bawat platerong gumawa ng mga diyos-diyosan niya. Kalokohan lamang ang mga ito dahil wala naman silang hininga.
- 15
Wala silang kabuluhan at dapat kamuhian. Ang araw ay darating na silang lahat ay wawasakin.
- 16
Ngunit ang Diyos ni Jacob ay hindi katulad ng mga iyon. Siya ang lumikha ng lahat ng bagay pati na ang Israel, ang lahi ng mga taong kanyang hinirang, Panginoon ng mga Hukbo ang kanyang pangalan.
- 17
Mga taga-Jerusalem, tipunin na ninyo ang mga kagamitan at lumisan, dahil malapit nang sakupin ang inyong lungsod.
- 18
Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoon, “Makinig kayo! Paaalisin ko kayo sa lupaing ito. Pahihirapan ko kayo hanggang sa madama ninyo ang aking galit.”
- 19
Sinabi ng mga taga-Jerusalem, “Kahabag-habag tayo dahil sa ating kapahamakan. Malubha ang kalagayan natin, pero kailangan natin itong tiisin.
- 20
Wasak na ang mga tolda natin; nalagot na ang mga tali nito. Iniwan na tayo ng mga anak natin. Wala nang natira na muling magtatayo ng mga toldang tinitirhan natin.”
- 21
Nangyari ito sa atin dahil mangmang ang ating mga pinuno. Hindi sila lumapit sa Panginoon upang sumangguni. Kaya hindi sila nagtagumpay, at kumalat ang kanilang kawan.
- 22
Pakinggan ninyo ang malakas na ingay ng mga sundalo na dumarating mula sa hilaga! Wawasakin nila ang mga bayan ng Juda at magiging tirahan na lang ito ng mga asong-gubat.
- 23
Panginoon, alam ko pong ang buhay ng tao ay hindi kanya. Hindi siya ang may hawak ng kanyang kinabukasan.
- 24
Ituwid po ninyo kami Panginoon, nang nararapat sa amin. Huwag po ninyo itong gawin nang dahil sa inyong galit, baka wala nang matira sa amin.
- 25
Ipadama po ninyo ang inyong galit sa mga bansang hindi kumikilala sa inyo at sa mga taong hindi dumudulog sa inyo. Sapagkat inubos po nila ang lahi ni Jacob at winasak ang kanilang mga tahanan.