Ezekiel 7
De Heilige Schrift 1917 (nl) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Sinabi sa akin ng Panginoon:
- 2
“Anak ng tao, ako, ang Makapangyarihang Panginoon, ay nagsasabi sa bansang Israel: ‘Ito na ang katapusan ng buong lupain ng Israel.
- 3
Katapusan na ninyo, dahil ipaparamdam ko na ang galit ko. Hahatulan ko kayo ayon sa pamumuhay ninyo at pagbabayarin ko na kayo ayon sa lahat ng kasuklam-suklam na ginawa ninyo.
- 4
Hindi ko na kayo kahahabagan. Hindi ko kayo pagbibigyan. Hahatulan ko kayo sa inyong pamumuhay at sa inyong kasuklam-suklam na ginawa. Kaya malalaman ninyo na ako ang Panginoon.’
- 5
“Ako, ang Makapangyarihang Panginoon, ay nagsasabi: ‘Darating sa inyo ang sunod-sunod na kapahamakan.
- 6
Ito na ang wakas! Ito na ang katapusan ninyo!
- 7
Kayong mga nakatira sa lupain ng Israel, dumating na sa inyo ang kapahamakan. Malapit na ang oras na magkakagulo kayo. Tapos na ang maliligayang araw ninyo sa mga kabundukan.
- 8
Hindi magtatagal at ipaparamdam ko na sa inyo ang matindi kong galit. Hahatulan ko kayo ayon sa inyong pamumuhay, at pagbabayarin ko kayo sa inyong mga kasuklam-suklam na ginawa.
- 9
Hindi ko kayo kahahabagan; hindi ko kayo pagbibigyan. Pagbabayarin ko kayo ayon sa inyong pamumuhay at sa mga kasuklam-suklam na ginawa ninyo. At ditoʼy malalaman ninyong ako, ang Panginoon, ang nagparusa sa inyo.
- 10
“ ‘Malapit na ang araw ng pagpaparusa. Darating na ang kapahamakan. Sukdulan na ang kasamaan at kayabangan ng mga tao.
- 11
Ang kalupitan nilaʼy babalik sa kanila bilang parusa sa kanilang kasamaan nila. Walang matitira sa kanila, pati ang lahat ng kayamanan nila ay mawawala.
- 12
Oo, malapit na ang araw ng pagpaparusa. Hindi na ikatutuwa ng mga mamimili ang natipid nila at hindi na rin malulungkot ang mga naluging nagbebenta, dahil mararanasan ng lahat ang aking galit.
- 13
Kung may mga nagbebenta mang makakabawi, hindi na sila makakabalik sa pagtitinda sapagkat ang mga sinabi ko tungkol sa buong bansa ng Israel ay hindi na mababago. Hindi maililigtas ng bawat gumagawa ng kasamaan ang kanyang buhay.
- 14
“ ‘Kahit na hipan pa nila ang trumpeta upang ihanda ang lahat sa pakikipaglaban, wala ring pupunta sa digmaan, dahil mararanasan ng lahat ang galit ko.
- 15
Ang sinumang lalabas ng lungsod ay mamamatay sa digmaan. Ang mananatili naman sa loob ng lungsod ay mamamatay sa sakit at gutom.
- 16
Ang mga makakaligtas sa kamatayan at tatakas papunta sa mga bundok ay iiyak doon na parang huni ng kalapati, dahil sa kani-kanilang kasalanan.
- 17
Manghihina ang mga kamay nila at mangangatog ang kanilang mga tuhod.
- 18
Magsusuot sila ng damit na sako at aahitin ang kanilang buhok upang ipahayag ang kanilang pagdadalamhati. Takot at kahihiyan ang makikita sa mukha nila.
- 19
“ ‘Itatapon nila sa mga lansangan ang mga pilak at ginto nila na parang maruruming bagay. Hindi sila maililigtas ng mga ito sa araw ng paghatol ng Panginoon. Hindi rin nila ito makakain upang mabusog sila sapagkat ito ang dahilan kung bakit sila nagkasala.
- 20
Ipinagmamalaki nila ang kanilang mga naggagandahan hiyas na siyang ginamit nila upang gumawa ng mga kasuklam-suklam na diyos-diyosan. Kaya gagawin kong marumi ang mga bagay na ito para sa kanila.
- 21
Ipapasamsam ko ito sa masasamang dayuhan at itoʼy kanilang dudungisan.
- 22
Pababayaan kong lapastanganin nila at nakawan ang aking Templo. Papasukin at lalapastanganin ito ng mga magnanakaw.
- 23
“ ‘Bibihagin ang aking mga mamamayan dahil puro patayan at puno ng karahasan ang kanilang lungsod.
- 24
Dadalhin ko ang pinakamasasamang bansa upang sakupin ang kanilang mga tahanan. Tatapusin ko ang pagmamataas ng kanilang mga makapangyarihang tao, at ipalalapastangan ko ang mga sambahan nila.
- 25
Darating sa kanila ang takot at hahanapin nila kapayapaan ngunit hindi nila ito matatagpuan.
- 26
Darating sa kanila ang sunod-sunod na panganib at masasamang balita. Magtatanong sila sa mga propeta, pero wala silang matatanggap na kasagutan. Magpapaturo sila sa mga pari at hihingi ng payo sa mga tagapamahala, pero hindi sila tuturuan at papayuhan.
- 27
Magdadalamhati ang hari at mawawalan ng pag-asa ang kanyang mga tagapamahala. Ang mga taoʼy manginginig sa takot. Parurusahan ko sila ayon sa kanilang pamumuhay. Hahatulan ko sila kung paano nila hinatulan ang iba. At malalaman nila na ako ang Panginoon.’ ”