Titus 1
Versión Biblia Libre (es) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Mula kay Pablo na lingkod ng Diyos at apostol ni Hesu-Kristo na sinugo upang patibayin ang pananampalataya ng mga pinili ng Diyos, at ipaunawa sa kanila ang katotohanan tungkol sa pamumuhay na maka-Diyos.
- 2
Ang katotohanang ito ang siyang nagbibigay sa kanila ng pag-asa na makakamtan nila ang buhay na walang hanggan. Ang buhay na itoʼy ipinangako ng Diyos bago pa man niya likhain ang mundo, at hindi siya nagsisinungaling.
- 3
At ngayon na ang panahong itinakda niya upang maihayag ang kanyang salita tungkol sa buhay na ito. At sa akin ipinagkatiwala ng Diyos na ating Tagapagligtas ang pangangaral ng salitang ito.
- 4
Mahal kong Tito, ang aking tunay na anak sa iisang pananampalataya: Sumaiyo nawa ang biyaya at kapayapaang nagmumula sa Diyos Ama at sa ating Tagapagligtas na si Kristo Hesus.
- 5
Iniwan kita sa Creta upang tapusin ang mga gawaing hindi ko natapos, at pumili ng mga pinuno ng iglesya sa bawat bayan, gaya ng bilin ko saʼyo.
- 6
Piliin mo ang taong walang kapintasan, tapat sa kanyang asawa, mananampalataya ang kanyang mga anak at hindi sila napaparatangang nanggugulo o matigas ang ulo.
- 7
Sapagkat ang isang tagapangasiwa ng iglesya ng Diyos ay kailangang walang kapintasan; hindi siya mayabang, hindi madaling magalit, hindi lasenggo, hindi basagulero, at hindi gahaman sa pera.
- 8
Sa halip, bukás dapat ang kanyang tahanan sa kapwa, maibigin sa kabutihan, mahinahon, matuwid, banal at marunong magpigil sa sarili.
- 9
Dapat ay pinanghahawakan niyang mabuti ang mapagkakatiwalaang mensahe na itinuro sa kanya, upang maituro din niya sa iba ang tamang katuruan at maituwid ang mga sumasalungat dito.
- 10
Sapagkat marami ang kumokontra sa aral na ito, lalo na ang grupong ipinipilit ang pagtutuli. Walang kabuluhan ang kanilang mga sinasabi at mga mandaraya sila.
- 11
Kailangang patahimikin sila, dahil nanggugulo sila ng mga sambahayan sa pangangaral ng mga bagay na hindi naman dapat ituro, para lang kumita ng salapi.
- 12
Isang taga-Creta mismo na itinuturing nilang propeta ang nagsabi, “Ang mga taga-Creta ay sinungaling, asal-hayop, at mga batugang matatakaw.”
- 13
Totoo ang kanyang sinabi. Kaya mahigpit mo silang pagsabihan upang maging tama ang kanilang pananampalataya
- 14
at hindi na sila maniwala sa mga kathang-isip ng mga Hudyo o sa mga kautusang gawa-gawa lamang ng mga taong tumalikod sa katotohanan.
- 15
Sa mga malinis ang isipan, malinis rin ang lahat ng bagay. Ngunit sa mga marumi ang isipan at hindi sumasampalataya, walang anumang malinis. Ang totoo, narumihan ang kanilang isipan at budhi.
- 16
Sinasabi nilang kilala nila ang Diyos, ngunit hindi naman nakikita sa kanilang mga gawa. Silaʼy kasuklam-suklam, masuwayin at walang kakayahang gumawa ng mabuti.