Zephaniah 3
Schlachter 1951 (de) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Kahabag-habag ang lungsod ng mga mang-aapi, mga rebelde at marurumi.
- 2
Hindi sila nakikinig kahit kanino, at ayaw nilang magpaturo. Hindi sila nagtitiwala sa Panginoon na kanilang Diyos, ni lumalapit sa kanya.
- 3
Ang kanilang mga opisyal ay parang mga leon na umaatungal. Ang kanilang mga pinuno ay parang mga lobong naghahanap ng makakain kung gabi, at walang itinitira pagsapit ng umaga.
- 4
Ang kanilang mga propeta ay padalos-dalos sa kanilang mga ginagawa at hindi mapagkakatiwalaan. Nilalapastangan ng kanilang mga pari ang mga bagay na banal at sinusuway ang kautusan ng Diyos.
- 5
Subalit naroon pa rin ang presensya ng Panginoon sa kanilang lungsod. At hindi siya gumagawa ng mali. Araw-araw niyang ipinapakita ang kanyang katarungan, at nananatili siyang tapat. Subalit ang masasamâ ay hindi nahihiya sa ginagawa nila.
- 6
Sinabi ng Panginoon, “Nilipol ko ang mga bansa; giniba ko ang kanilang mga lungsod pati ang kanilang mga pader at mga tore. Wala nang natirang mga mamamayan, kaya wala nang makikitang taong naglalakad sa kanilang mga lansangan.
- 7
Dahil sa mga ginawa kong ito akala koʼy igagalang na ako ng aking mga mamamayan at tatanggapin na nila ang aking pagsaway sa kanila, para hindi na magiba ang kanilang lungsod ayon sa itinakda ko sa kanila. Ngunit lalo pa silang nagpakasama.
- 8
Kaya hintayin ninyo ako,” sabi ng Panginoon. “Darating ang araw na akoʼy tatayo at aking uusigin ang mga bansa. Sapagkat napagpasyahan kong tipunin ang mga bansa at mga kaharian para ibuhos sa kanila ang matindi kong poot. Ang nagliliyab kong galit ang tutupok sa buong mundo.
- 9
Pagkatapos, ang mga labi nilaʼy lilinisin ko upang silang lahat ay tatawag sa pangalan ng Panginoon at sama-samang maglilingkod sa kanya.
- 10
Ang mga nananalangin kong mamamayan na nakakalat sa kabilang ibayo ng mga ilog ng Etiopia ay magdadala ng mga handog sa akin.
- 11
Sa araw na iyon, kayong mga taga-Jerusalem ay hindi na mapapahiya sa lahat ng mga kasalanang ginawa ninyo sa akin, dahil aalisin ko sa inyo ang mga mapagmataas at mayayabang. Kaya wala nang magyayabang doon sa aking banal na bundok.
- 12
Ngunit mag-iiwan ako sa gitna ninyo ng mga taong inaapi at aba. Ang mga naiwang ito ay patuloy na magtitiwala sa Panginoon.
- 13
Ang mga Israelitang ito ay hindi gagawa ng masama; hindi sila magsisinungaling o mandadaya. Kakain at matutulog silang payapa at walang kinatatakutan.”
- 14
Sinabi ni Zefanias: “Kayong mga mamamayan ng Israel, sumigaw kayo sa tuwa! Kayong mga mamamayan ng Zion, ang lungsod ng Jerusalem, umawit kayo at magalak nang buong puso!
- 15
Sapagkat hindi na kayo parurusahan ng Panginoon. Palalayasin niya ang inyong mga kaaway. Kasama ninyo ang Panginoon, ang Hari ng Israel, kaya wala nang kasawiang dapat pang katakutan.
- 16
Sa araw na iyon, sasabihin ng mga tao sa mga taga-Jerusalem, Mga mamamayan ng Zion, huwag kayong matakot; magpakatatag kayo.
- 17
Sapagkat kasama ninyo ang Panginoon na inyong Diyos. Siya ay isang mandirigmang magliligtas sa inyo. Siyaʼy magagalak sa inyo, at sa kanyang pag-ibig kayoʼy kanyang panunumbalikin. Sa kanyang kagalakan ay kanyang aawitan.”
- 18
Sinabi ng Panginoon, “Titipunin ko kayong mga naghihinagpis dahil sa kapistahan. Ililigtas ko kayo sa kasawian para hindi na kayo malagay sa kahihiyan.
- 19
Sa araw na iyon, parurusahan ko ang lahat ng umaapi sa inyo. Kayoʼy parang mga tupang napilay at pinaghiwa-hiwalay, ngunit ililigtas ko kayo at titipuning muli. Inilagay kayo sa kahihiyan noon, ngunit kayoʼy pararangalan ko at gagawing tanyag sa buong mundo.
- 20
Oo, titipunin ko kayo sa araw na iyon at pauuwiin ko kayo sa inyong bansa. Pararangalan ko kayo at gagawing tanyag sa buong mundo sa araw na panumbalikin ko ang inyong mabuting kalagayan at masasaksihan ninyo itong mangyari sa inyong harapan,” sabi ng Panginoon.