Hosea 7
Schlachter 1951 (de) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Nais ko sanang pagalingin ang bansang Israel, subalit napakalaki ng kanilang pagkakasala at nabubunyag ang kanilang masasamang gawa. Silaʼy mga mandaraya; pinapasok ng magnanakaw ang mga tahanan, nagnanakaw sa daan ang mga kawatan.
- 2
Hindi nila napagtanto na naaalala ko ang lahat ng kasamaang ginawa nila. Nilulunod na sila ng kanilang kasalanan; at ang lahat ng itoʼy aking namamasdan.
- 3
“Napapasaya nila ang kanilang hari at mga pinuno sa kanilang kasamaan at kasinungalingan.
- 4
Lahat silaʼy mga taksil. Para silang maiinit na pugon na hindi na kailangang paningasin ng panadero mula sa oras ng pagmamasa hanggang sa umalsa ang harina.
- 5
Nang dumating ang kaarawan ng ng kanilang hari, nilasing nila ang mga opisyal nito. At pati ang hari ay nakipag-inuman sa kanyang mga mapanghusgang mga opisyal.
- 6
At habang papalapit sila sa hari at sa kanyang mga opisyal upang patayin, nagniningas ang kanilang galit na parang mainit na pugon. Bago pa man sila sumalakay, magdamag nilang tinitimpi ang kanilang galit, kaya kinaumagahan para na itong nagniningas na apoy.
- 7
Galit na galit silang lahat tulad ng nagniningas na pugon. Kaya pinatay nila ang kanilang mga pinuno. Bumagsak lahat ang kanilang mga hari, ngunit wala ni isa man sa kanila ang humingi ng tulong sa akin.
- 8
“Nakikisalamuha ang Israel sa ibang mga bansa. Nasira tuloy siya, tulad ng tinapay na hindi nabaliktad.
- 9
Inuubos ng mga taga-ibang bansa ang kanilang kakayahan, ngunit hindi nila ito namamalayan; katulad sila ng isang taong pumuputi na ang buhok ngunit hindi niya ito napapansin.
- 10
Ang pagmamataas ng Israel ay nagpapatunay na dapat silang parusahan. Subalit kahit nangyayari ang lahat ng ito sa kanila, hindi pa rin sila nagbalik-loob at lumapit sa akin na kanilang Panginoon.
- 11
“Tulad sila ng kalapating madaling lokohin at walang pang-unawa. Humingi sila ng tulong sa Ehipto at Asiria.
- 12
Subalit habang paparoon sila, pipigilan ko sila na parang ibon na nahuli sa lambat at hinila pababa. Parurusahan ko sila ayon sa aking sinabi sa kanilang pagtitipon.
- 13
Nakakaawa sila dahil lumayo sila sa akin. Lilipulin ko sila dahil naghimagsik sila sa akin. Gusto ko sana silang iligtas, ngunit nagsalita sila ng kasinungalingan tungkol sa akin.
- 14
Hindi bukal sa kanilang puso ang pagtawag nila sa akin, ngunit umiiyak sila sa kanilang higaan. Sinasaktan nila ang kanilang sarili habang sumasamo sa mga diyos-diyosan para sa pagkaing butil at inumin, at akoʼy kanilang tinalikuran.
- 15
Dinisiplina ko sila upang silaʼy maging matatag, ngunit nagbalak pa rin sila ng masama laban sa akin.
- 16
Lumapit sila sa mga bagay na walang kabuluhan. Para silang panang baluktot na walang pakinabang. Mamamatay sa digmaan ang kanilang mga pinuno dahil wala silang galang kapag nagsasalita. At dahil dito, kukutyain sila ng mga taga-Ehipto.