Jeremiah 46
Open Nova Bíblia Viva (pt-BR) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Ito ang salita ng Panginoon na ipinahayag niya kay propeta Jeremias tungkol sa mga bansa:
- 2
Ito ang mensahe laban sa mga sundalo ni Faraon Neco na hari ng Ehipto: Tinalo sila ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia roon sa Carquemis malapit sa Ilog ng Eufrates, noong ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoiakim na anak ni Haring Josias ng Juda:
- 3
“Ihanda ninyo ang inyong mga kalasag at pumunta kayo sa digmaan!
- 4
Ihanda rin ninyo ang inyong mga kabayong pandigma. Isuot ang inyong mga helmet, hasain ang inyong mga sibat, at isukbit ang inyong mga sandata.
- 5
Ngunit ano itong nakita ko? Natatakot kayo at umuurong. Natalo kayo at mabilis na tumakas na hindi man lang lumilingon dahil sa takot,” sabi ng Panginoon.
- 6
Malakas kayo at mabilis tumakbo pero hindi pa rin kayo makakatakas. Mabubuwal kayo at mamamatay malapit sa Ilog ng Eufrates.
- 7
“Ano itong bansang naging makapangyarihan, na katulad ng Ilog ng Nilo na tumataas ang tubig at umaapaw hanggang sa pampang?
- 8
Ito ay ang bansang Ehipto, na naging makapangyarihan katulad ng Ilog ng Nilo na tumataas ang tubig at umaapaw hanggang sa pampang. Sinabi ng Ehipto, ‘Naging makapangyarihan ako gaya ng baha na umapaw sa buong mundo. Wawasakin ko ang mga lungsod at ang mga mamamayan nito.’
- 9
Lumusob kayo, mga kabayo! Tumakbo kayo, mga karwahe! Sumalakay na kayo, mga sundalong bayani, kayong mga kakampi mula sa Etiopia at Put na bihasa sa kalasag at kayong mga kakampi mula sa Lydia na bihasa sa pana.
- 10
Ngunit mananalo ang Makapangyarihang Panginoon na Makapangyarihan sa digmaang ito. Maghihiganti siya sa mga kaaway niya sa araw na ito. Ang espada niyaʼy parang gutom na hayop na lalamon sa kanila at iinom ng dugo nila hanggang sa mabusog. Ang mga bangkay nilaʼy parang mga handog sa Makapangyarihang Panginoon na Makapangyarihan doon sa lupain sa hilaga malapit sa Ilog ng Eufrates.
- 11
“O mga taga-Ehipto, kahit na pumunta pa kayo sa Gilead upang maghanap ng panlunas na gamot, ang lahat ng gamot ay wala nang bisa at hindi na makapagpapagaling sa inyo.
- 12
Mababalitaan ng mga bansa sa buong daigdig ang kahihiyan at pagtangis ninyo. Sama-samang mabubuwal ang inyong mga sundalo.”
- 13
Ito ang sinabi ng Panginoon kay Propeta Jeremias tungkol sa pagsalakay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia sa Ehipto:
- 14
“Jeremias ipahayag ito sa Ehipto, Migdol, Memfis at Tapanhes: ‘Humanda na kayo sapagkat nakahanda na ang espada upang lipulin kayo.’
- 15
Bakit nakadapa ang inyong mga kawal? Hindi sila makakatayo, sapagkat itutumba sila ng Panginoon.
- 16
Madadapa at mabubuwal sila nang paulit-ulit. Sasabihin nila, ‘Bumangon tayo at bumalik sa ating mga kababayan at sa lupaing sinilangan natin, upang makaiwas tayo sa espada ng ating mga kaaway.’
- 17
Doon ay sasabihin nila, ‘Ang Faraon na hari ng Ehipto ay magaling lang sa salita, at sinasayang lang niya ang mga pagkakataon.’
- 18
“Ako, ang buháy na Hari,” sabi ng Panginoon, ang Panginoong Diyos ng mga Hukbo. “Isinusumpa kong mayroong sasalakay sa Ehipto na nakahihigit sa kanya, katulad ng Bundok ng Tabor sa gitna ng mga kabundukan o ng Bundok ng Carmel sa tabi ng dagat.
- 19
Kayong mga mamamayan ng Ehipto, ihanda na ninyo ang inyong mga dala-dalahan sapagkat kayo ay bibihagin. Mawawasak ang Memfis, magiging tiwangwang ito at wala nang maninirahan dito.
- 20
“Ang Ehipto ay parang dumalagang baka, pero may bangaw mula sa hilaga na sasalakay sa kanya.
- 21
Pati ang mga upahang sundalo niya ay uurong at tatakas. Para silang mga guyang pinataba upang katayin. Mangyayari ito sapagkat panahon na upang parusahan at wasakin ang mga taga-Ehipto.
- 22
Tatakas ang mga taga-Ehipto na parang ahas na mabilis na tumatalilis habang sumasalakay ang mga kaaway. Sasalakay ang mga kaaway na may dalang mga palakol na katulad ng taong namumutol ng punongkahoy.
- 23
Papatayin nila ang mga taga-Ehipto na parang pumuputol lang ng mayayabong na mga punongkahoy,” sabi ng Panginoon. “Ang mga kaaway na itoʼy mas marami kaysa sa balang na hindi mabilang.
- 24
Mapapahiya ang mga taga-Ehipto. Ibibigay sila sa mga taga-hilaga.”
- 25
Patuloy pang sinabi ng Panginoon ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel, “Parurusahan ko na si Amon, ang diyos-diyosan ng Tebes, at ang iba pang mga diyos-diyosan ng Ehipto. Parurusahan ko rin ang Faraon pati ang mga tagapamahala niya, at ang mga nagtitiwala sa kanya.
- 26
Ibibigay ko sila sa kamay ng mga gustong pumatay sa kanila – kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at sa mga pinuno nito. Ngunit darating din ang araw na ang Ehipto ay tatahanan ng mga tao katulad noong una,” sabi ng Panginoon.
- 27
“Kaya huwag kayong matatakot, o manlulupaypay man, kayong mga lahi ni Jacob na aking lingkod. Sasagipin ko kayo mula diyan sa malayong lugar kung saan kayo binihag. Sa pagbabalik ninyo, mamumuhay na kayo nang payapa, tahimik, at walang kinatatakutan.
- 28
Kaya huwag kayong matakot, kayong mga lahi ng lingkod kong si Jacob, sapagkat akoʼy kasama ninyo,” sabi ng Panginoon. “Kasama ninyo ako at ililigtas ko kayo. Lubusan kong wawasakin ang mga bansa kung saan ko kayo ikinalat ngunit hindi ko ito gagawin sa inyo. Ngunit hindi rin ito nangangahulugang hindi ko kayo parurusahan. Didisiplinahin ko kayo nang nararapat.”