Hosea 4
Open Nova Bíblia Viva (pt-BR) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Kayong mga Israelitang naninirahan sa lupain ng Israel, pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon sapagkat may paratang siya laban sa inyo: “Wala ni isa man sa inyong lupain ang tapat, nagmamahal, at kumikilala sa akin.
- 2
Sa halip, laganap ang paggawa ng masama sa kapwa, pagsisinungaling, pagpatay, pagnanakaw at pangangalunya. Laganap ito kahit saan, at sunod-sunod ang patayan.
- 3
Dahil dito, natutuyo ang inyong lupain at ang mga naninirahan doon ay namamatay, pati mga hayop: ang lumalakad, lumilipad, at ang lumalangoy.
- 4
“Ngunit walang sinuman ang dapat mang-usig o mang-akusa sa kanyang kapwa sapagkat kayong mga pari ang gusto kong isakdal.
- 5
Kayo at ang mga propeta ay mapapahamak sa araw man o sa gabi pati ang inyong mga ina.
- 6
Napapahamak ang aking mga mamamayan dahil kulang ang kaalaman nila tungkol sa akin. “Sapagkat kayo mismong mga pari ay tinanggihan ang kaalamang ito, kaya tinatanggihan ko rin kayo bilang mga pari ko. Kinalimutan ninyo ang aking kautusan kaya kalilimutan ko rin ang inyong mga anak.
- 7
Habang dumarami kayong mga pari, dumarami rin ang mga kasalanan ninyo sa akin. Ipinagpalit ninyo ang luwalhati ng Diyos sa nakakahiyang mga diyos-diyosan.
- 8
Gusto ninyong magkasala ang aking mga mamamayan upang makakain kayo mula sa kanilang mga handog sa paglilinis.
- 9
Kaya kung paano ko parurusahan ang mga mamamayan, ganoon ko rin parurusahan kayong mga pari dahil sa masasama ninyong ginawa.
- 10
“Kumakain nga kayo ngunit hindi kayo nabubusog. Sumasamba kayo sa mga diyos-diyosan upang kayoʼy magkaanak. Ngunit hindi kayo magkakaanak sapagkat itinakwil ninyo ang Panginoon
- 11
upang sumamba sa mga diyos-diyosan. Mga mamamayan ko, ang bago at lumang alak ay nakakasira ng inyong pang-unawa.
- 12
Sumasangguni kayo sa diyos-diyosang kahoy, at sa tungkod na sabi ninyoʼy sumasagot. Iniligaw kayo ng espiritu ng pagtataksil tulad ng babaeng bayaran at akoʼy inyong iniwan upang habulin ang ibang diyos-diyosan.
- 13
Naghahandog kayo sa tuktok ng mga bundok at mga burol, sa ilalim ng matataas at mayayabong na mga kahoy, dahil masarap lumilim doon. Kaya ang inyong mga anak na babae ay nakikipagsiping sa mga lalaki at ang inyong mga manugang na babae ay nangangalunya.
- 14
“Ngunit hindi ko sila parurusahan sa kanilang ginagawang masama, dahil kayong mga lalaki ay sumisiping din sa mga babaeng bayaran sa templo at kasama pa nilang naghahandog sa mga diyos-diyosan. Sapagkat kayoʼy mga mangmang sa katotohanan, mapapahamak kayo.
- 15
“Mga taga-Israel, kahit na akoʼy tinalikuran ninyo tulad ng babaeng nangalunya, huwag na ninyong idamay ang mga taga-Juda.” “At kayong mga taga-Juda, huwag kayong pumunta sa Gilgal at sa Bet-aven upang sumamba sa akin o gumawa ng mga pangako sa pangalan ng Panginoon.
- 16
Sapagkat matigas ang ulo ng mga taga-Israel katulad ng dumalagang baka na ayaw sumunod. Kaya paano sila mababantayan ng Panginoon tulad ng mga tupang nasa pastulan?
- 17
Sumamba ang Efraim sa mga diyos-diyosan kaya pabayaan na lang sila.
- 18
Ubos man ang inumin nilang nakakalasing, patuloy pa rin ang kanilang pangangalunya (na parang mga bayarang babae). Gustong-gusto ng kanilang mga pinuno na gumawa ng mga nakahihiyang bagay.
- 19
Kaya lilipulin sila na parang tinatangay ng malakas na hangin, at mapapahiya sila dahil sa kanilang paghahandog sa mga diyos-diyosan.”