Amos 6
Open Nova Bíblia Viva (pt-BR) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Nakakaawa kayong mga pinuno ng Zion at Samaria na nagpapasarap sa buhay at walang pakialam. Itinuturing ninyo ang inyong mga sarili na mararangal na tao ng nangungunang bansa, at sa inyo nagtitiwala ang inyong mga mamamayang nangangailangan.
- 2
Tingnan ninyo kung ano ang nangyari sa lungsod ng Calne, ang malaking lungsod ng Hamat, at ang lungsod ng Gat sa Filistia. Mas makapangyarihan ba kayo kaysa sa mga kahariang iyon? Mas malawak ba ang inyong lupain kaysa sa kanila?
- 3
Kahabag-habag kayong nag-aakala na hindi darating sa inyo ang araw ng pagpaparusa. Dahil sa ginagawa ninyong kasamaan, lalo ninyong pinapadali ang araw na iyon na maghahari ang karahasan.
- 4
Kahabag-habag kayong mga pahiga-higa lang sa inyong mga mamahaling kama at nagpapakabusog sa masasarap na pagkaing karne ng batang tupa at ng pinatabang guya.
- 5
Kahabag-habag kayong mga kumakatha ng mga awit habang tumutugtog ng alpa at mahilig tumugtog ng mga tugtugin katulad ni David.
- 6
Kahabag-habag kayong malalakas uminom ng alak at gumagamit ng mamahaling pabango, ngunit hindi nagdadalamhati sa sasapiting pagbagsak ng inyong bansa.
- 7
Kaya kayong mga pinuno ang unang bibihagin at matitigil na ang inyong mga pagpipista at pagwawalang-bahala.
- 8
Sumumpa ang Makapangyarihang Panginoon, ang Panginoong Diyos ng mga Hukbo. Sinabi niya, “Kinamumuhian ko ang pagmamataas ng mga lahi ni Jacob, at kinasusuklaman ang matitibay na bahagi ng kanilang lungsod. Kaya ipapasakop ko sa kaaway ang kanilang lungsod at ang lahat ng naroroon.”
- 9
Kung may sampung tao na matitira sa isang bahay, lahat sila ay mamamatay.
- 10
Kukunin ang mga bangkay na ito ng kanyang kamag-anak at ilalabas sa bahay upang sunugin. Itatanong niya sa sinumang nagtatago sa kaloob-looban ng bahay, “May kasama ka pa riyan?” Kapag ang sagot ay wala, sasabihin ng kamag-anak, “Tumahimik ka! Huwag mong banggitin ang pangalan ng Panginoon.”
- 11
Ang totoo, kapag ang Panginoon na ang nag-uutos, mawawasak ang lahat ng bahay, malaki man o maliit.
- 12
Makakatakbo ba ang kabayo sa batuhan? Makakapag-araro ba ang baka roon? Siyempre hindi! Subalit ginawa ninyong lason ang katarungan, at ang katuwiran ay ginawa ninyong masama.
- 13
Tuwang-tuwa kayo nang nasakop ninyo ang mga bayan ng Lodebar at Karnaim, at sinasabi ninyo, “Natalo natin sila sa pamamagitan ng sarili nating kalakasan.”
- 14
Ngunit ito ang sagot ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo, “Kayong mga mamamayan ng Israel ay ipasasalakay ko sa isang bansa. Pahihirapan nila kayo at sasakupin ang inyong lugar mula Lebo-hamat hanggang sa lambak ng Araba.”