Hosea 10
Open Persian Contemporary Bible (fa) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Ang Israel ay parang tanim na lumalago na mayabong at hitik sa bunga. Ngunit habang umuunlad siya, dumarami rin ang mga altar na ipinapatayo niya. Habang ang lupain niyaʼy pinagpapala, lalo rin niyang pinapalamutian ng maganda ang mga sagradong bato na kanyang sinasamba.
- 2
Mapanlinlang sila, at ngayon dapat na nilang pagdusahan ang kanilang mga kasalanan. Gigibain ng Panginoon ang mga altar nila at mga sagradong bato.
- 3
Siguradong sasabihin nila sa bandang huli, “Wala kaming hari dahil wala kaming takot sa Panginoon. Subalit kahit na may hari kami, wala rin itong magagawang mabuti para sa amin.”
- 4
Puro salita lang sila ngunit hindi naman nila tinutupad. Nanunumpa sila ng kasinungalingan at gumagawa ng kasunduan na hindi naman nila tinutupad. Kaya ang katarungan ay parang nakakalasong damo na tumutubo sa binungkal na lupain.
- 5
Matatakot ang mga mamamayan ng Samaria dahil sa diyos-diyosang guya sa Bet-aven. Sila at ang kanilang mga pari na nagagalak sa kagandahan ng mga diyos-diyosan nila ay iiyak dahil kukunin iyon sa kanila
- 6
at dadalhin sa Asiria at ihahandog sa dakilang hari doon. Mapapahiya ang Israel sa kanyang pagtitiwala sa mga diyos-diyosan.
- 7
Mawawala ang kanyang hari na parang kahoy na tinangay ng agos.
- 8
Gigibain ang mga sambahan sa mga matataas na lugar ng Aven, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Matatakpan ang kanilang mga altar ng matataas na damo at mga halamang may tinik. Sasabihin nila sa mga bundok at mga burol, “Tabunan ninyo kami!”
- 9
“Sinabi ng Panginoon, ‘Kayong mga mamamayan ng Israel ay patuloy sa pagkakasala mula pa noong magkasala ang inyong mga ninuno doon sa Gibea. Hindi kayo nagbago. Kaya kayong mga lahi ng masasama ay lulusubin sa Gibea.
- 10
Gusto ko na kayong parusahan. Kaya magsasanib ang mga bansa upang lusubin kayo dahil sa patuloy ninyong pagkakasala.
- 11
Noon, para kayong dumalagang baka na sinanay na gumiik at gustong-gusto ang gawaing ito. Subalit ngayon, pahihirapan ko kayong mga taga-Israel at pati ang mga taga-Juda. Magiging tulad kayo ng dumalagang baka na sisingkawan ang makinis na leeg at pahihirapan sa paghila ng pang-araro.’
- 12
Sinabi ko sa inyo, ‘Palambutin ninyo ang inyong mga puso tulad ng binungkal na lupa. Magtanim kayo ng katuwiran at mag-aani kayo ng pagmamahal. Sapagkat panahon na upang magbalik-loob kayo sa Panginoon hanggang sa aking pagdating, at pauulanan ko kayo ng tagumpay. ’
- 13
“Subalit nagtanim kayo ng kasamaan, kaya umani rin kayo ng kasamaan. Nagsinungaling kayo, at iyan ang bunga ng inyong kasamaan. At dahil sa nagtitiwala kayo sa sarili ninyong kakayahan at sa marami ninyong mga kawal,
- 14
darating ang digmaan sa inyong mga mamamayan at magigiba ang inyong mga tanggulan. Gagawin ng mga kalaban ninyo ang ginawa ni Shalman sa lungsod ng Bet-arbel nang pagluray-lurayin niya ang mga ina at ang kanilang mga anak.
- 15
Ganyan din ang mangyayari sa iyo, Betel, dahil sukdulan na ang kasamaan ninyo. Sa pagbubukang-liwayway ng araw na iyon, tiyak na mamamatay ang hari ng Israel.