Jeremiah 50
Lutherbibel 1912 (de) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Ito ang sinabi ng Panginoon sa propetang si Jeremias tungkol sa Babilonia at sa mga mamamayan nito:
- 2
“Ipahayag sa mga bansa ang balita nang walang inililihim! At itaas ang watawat na tanda ng pagkawasak ng Babilonia! Madudurog at mapapahiya ang kanyang mga diyos-diyosan pati na ang diyos-diyosang si Bel at Merodac.
- 3
Sapagkat sasalakayin ang Babilonia ng isang bansa mula sa hilaga, at magiging tiwangwang ang lugar na ito. Wala nang maninirahan dito dahil tatakas ang kanyang mga mamamayan pati ang mga hayop.
- 4
“Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing sa panahong iyon, ang mga mamamayan ng Israel at Juda ay iiyak na lalapit sa akin, ang Panginoon na kanilang Diyos.
- 5
Magtatanong sila ng daan papuntang Jerusalem at pupunta sila roon. Gagawa sila ng walang hanggang kasunduan sa Panginoon at hindi na nila ito kakalimutan.
- 6
“Ang mga mamamayan ko ay parang mga tupang naliligaw. Pinabayaan sila ng kanilang mga pastol doon sa kabundukan at kaburulan at hindi na nila alam ang daan pauwi.
- 7
Sinasakmal sila ng mga nakakakita sa kanila. Sinasabi ng mga kaaway nila, ‘Nagkasala sila sa Panginoon na siyang tunay nilang kapahingahan at pag-asa ng mga ninuno nila kaya wala tayong kasalanan sa ating pagsalakay sa kanila.’
- 8
“Tumakas kayo mula sa Babilonia! Iwanan na ninyo ang bansang iyan! Mauna na kayong tumakas katulad ng mga kambing na nangunguna sa mga kawan!
- 9
Sapagkat ipapasalakay ko ang Babilonia sa alyansa ng mga makapangyarihang bansa mula sa hilaga. Sasalakayin nila ang Babilonia at masasakop nila ito. Bihasa ang mga tagapana nila at walang mintis ang kanilang pagpana.
- 10
Sasamsamin nila ang mga ari-arian ng Babilonia at talagang magsasawa sila,” sabi ng Panginoon.
- 11
“Mga taga-Babilonia, sinamsam ninyo ang pag-aari ng mga mamamayan ko. Tuwang-tuwa kayo at masaya na parang dumalagang baka sa pastulan o kabayong humahalinghing.
- 12
Ngunit ilalagay ko sa kahihiyan ang inyong bansa. Magiging pinakaaba ito sa lahat ng bansa, at magiging isa itong tuyot at nakatiwangwang na disyerto.
- 13
Dahil sa galit ng Panginoon, wala nang maninirahan sa Babilonia at itoʼy magiging tiwangwang. Masisindak at mangingilabot ang lahat ng dadaan dito dahil sa lahat ng nangyari sa bansang ito.
- 14
“Kayong mga tagapana, humanay na kayo sa inyong puwesto sa palibot ng Babilonia. Panain ninyo siya sapagkat nagkasala siya sa Panginoon.
- 15
Sumigaw kayo laban sa kanya sa lahat ng dako! Tingnan nʼyo! Sumuko na ang Babilonia! Nawawasak na ang mga tore niya at gumuho na ang mga pader niya. Ang Panginoon ang naghiganti sa kanya. Kaya paghigantihan ninyo siya at gawin ninyo sa kanya ang ginawa niya sa iba.
- 16
Paalisin ninyo sa Babilonia ang mga nagtatanim at nag-aani gamit ang karit. Iligtas ninyo ang mga bihag sa espada ng mga kaaway at patakasin ninyo sila at pauwiin sa sarili nilang lupain.
- 17
“Ang mga Israelita ay parang mga tupang nagkalat na hinahabol ng mga leon. Una, sinakmal sila ng hari ng Asiria, pagkatapos ang pinakahuling ngumatngat ng mga buto nila ay si Haring Nebucadnezar ng Babilonia.”
- 18
Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel: “Parurusahan ko si Haring Nebucadnezar at ang Babilonia katulad ng pagpaparusa ko sa hari ng Asiria.
- 19
Ngunit pababalikin ko ang mga Israelita sa kanilang bansa. Magiging parang mga tupa silang nanginginain sa kabundukan ng Carmel at sa kapatagan ng Bashan, at sa kaburulan ng Efraim at Gilead, at silaʼy mabubusog.
- 20
Sa mga araw na iyon,” sabi ng Panginoon “wala nang makikitang mga kasalanan at pagsuway sa mga natitirang mga mamamayan ng Israel at Juda sapagkat patatawarin ko na sila.
- 21
“Salakayin ninyo ang Merataim at ang mga nakatira sa Pekod. Patayin ninyo sila at lipulin nang lubusan bilang handog para sa akin,” sabi ng Panginoon. “Gawin ninyo ang lahat ng iniuutos ko sa inyo.
- 22
Iparinig nʼyo ang sigawan ng labanan at ingay ng puspusang pangwawasak.
- 23
Ang Babilonia ay parang martilyong dumurog ng mga bansa, subalit ngayon siya na ang nadurog. Nakita ng mga bansa kung paano nawasak ang Babilonia!
- 24
O Babilonia, nahuli ka sa bitag na inilagay ko para sa iyo. Nahuli ka dahil lumaban ka sa Panginoon.
- 25
Binuksan ko ang taguan ng aking mga armas at inilabas ko ang aking mga sandata dahil sa aking galit. Sapagkat ako, ang Makapangyarihang Panginoon, ay may gagawin sa iyo, O Babilonia.
- 26
Mga kalaban ng Babilonia, na nasa malalayong lugar, salakayin na ninyo ang Babilonia! Buksan ninyo ang kanyang mga bodega. Ipunin ninyo ang inyong mga nasamsam katulad ng trigo. Lipulin ninyong lubos ang mga taga-Babilonia at huwag kayong magtitira kahit isa.
- 27
Patayin ninyo ang lahat ng kanilang batang toro. Lipulin ninyo silang lahat. Kahabag-habag sila sapagkat dumating na ang panahon na dapat silang parusahan.
- 28
Pakinggan ninyo ang mga taong nakatakas sa Babilonia habang isinasalaysay nila sa Jerusalem kung paano naghiganti ang Panginoon na ating Diyos dahil sa ginawa ng mga taga-Babilonia sa ating Templo.
- 29
“Ipatawag ninyo ang mga tagapana upang sumalakay sa Babilonia! Palibutan ninyo upang walang makatakas. Paghigantihan ninyo siya sa kanyang ginawa; gawin ninyo sa kanya kung ano ang ginawa niya sa iba sapagkat kinalaban niya ang Panginoon, ang Banal na Diyos ng Israel.
- 30
Sa mga araw na iyon, mamamatay sa mga lansangan ang mga kabataan niyang lalaki pati ang lahat ng kanyang kawal,” sabi ng Panginoon.
- 31
“Ako, ang Panginoong Diyos ng mga Hukbo, ay nagsasabing kalaban kita, Babiloniang mapagmataas! Dumating na ang araw na ikaw ay aking parurusahan.
- 32
Ikaw na palalo ay mawawasak at walang tutulong sa iyo para ibangon ka. Susunugin ko ang iyong mga bayan at ang lahat ng nasa paligid nito.”
- 33
Sinabi pa ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo: “Inaalipusta ang mga mamamayan ng Israel at ganoon din ang mga taga-Juda. Binihag sila at binantayang mabuti upang hindi sila makauwi sa bayan nila.
- 34
Ngunit ako ang kanilang Manunubos, Panginoong Diyos ng mga Hukbo, ang aking pangalan. Ipagtatanggol ko sila at bibigyan ng kapayapaan, ngunit guguluhin ko ang mga mamamayan ng Babilonia.
- 35
“Ang espada ng kapahamakan ay tatama sa mga taga-Babilonia,” sabi ng Panginoon “laban sa mga nakatira sa Babilonia, pati sa mga pinuno at matatalinong tao nito.
- 36
Tatama rin ito sa kanyang mga bulaang propeta at silaʼy magiging mga mangmang. Tatama rin ang espada sa kanyang mga sundalo at silaʼy maduduwag.
- 37
Tatama ang espada sa kanyang mga kabayo, karwahe, at sa lahat ng kumakampi sa kanya. At silaʼy manghihina gaya ng mga babae! Tatama rin ito sa kanyang mga kayamanan at itong lahat ay sasamsamin.
- 38
Matutuyo ang lahat ng pinagkukunan niya ng tubig! Sapagkat ang Babilonia ay lugar na punong-puno ng napakaraming diyos-diyosan, mga diyos-diyosang nagliligaw sa mga tao.
- 39
“At ang Babilonia ay titirhan na lang ng mga hayop sa gubat, mababangis na hayop, mga asong-gubat, at mga kuwago. At hindi na maninirahan ang tao sa Babilonia magpakailanman.
- 40
Kung paanong winasak ng Diyos ang Sodoma at Gomora, at ang mga bayan sa palibot nito, ganoon din ang mangyayari sa Babilonia. Wala nang taong maninirahan doon,” sabi ng Panginoon.
- 41
“Tingnan ninyo! May mga sundalong dumarating mula sa hilaga. Isang makapangyarihang bansa at ang mga hari mula sa malayong lupain na lalaban sa Babilonia.
- 42
Ang dala nilang mga sandata ay mga pana at mga sibat. Malulupit sila at walang habag. Ang ingay nilaʼy parang malalakas na alon habang nakasakay sila sa kanilang mga kabayo. Darating sila na handang-handa para salakayin kayong mga taga-Babilonia.
- 43
Nabalitaan ito ng hari ng Babilonia at siyaʼy nanlupaypay. Nakaramdam siya ng takot at sakit katulad ng babaeng manganganak na.
- 44
Bigla kong sasalakayin ang Babilonia katulad ng leon na galing sa kagubatan malapit sa Ilog Jordan, sasalakay patungo sa pastulan ng maraming tupa. Magsisitakas sila, at pipili ako ng taong mamamahala sa Babilonia. Sino ang maitutulad sa akin? Sino ang mangangahas na kalabanin ako? Sino ang pinunong makakalaban sa akin?
- 45
“Kaya pakinggan mo ang balak gawin ng Panginoon laban sa Babilonia. Kahit ang kanilang mga anak ay bibihagin at ang kanilang mga bahay ay gigibain.
- 46
Sa pagbagsak ng Babilonia, yayanig ang lupa at maririnig sa ibang bansa ang iyakan nila.”