Habakkuk 2
Lutherbibel 1912 (de) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Sinabi ni Habakuk, “Aakyat ako sa tore, sa aking bantayan at hihintayin ko kung ano ang sasabihin sa akin ng Panginoon at kung ano ang kanyang sagot sa aking hinaing.”
- 2
Ito ang sagot ng Panginoon kay Habakuk: “Isulat mo nang malinaw sa malalapad na bato ang pahayag na ito upang madaling basahin ng magpapahayag nito.
- 3
Sapagkat hindi pa dumarating ang takdang panahon para mangyari ito. Ngunit hindi magtatagal at tiyak na mangyayari ito. Kahit magtagal nang kaunti, hintayin mo lang, dahil tiyak na mangyayari ito sa takdang panahon.
- 4
“Tingnan mo ang mga taong mapagmataas. Hindi matuwid ang kanilang pamumuhay. Ngunit ang taong matuwid ay mabubuhay dahil sa kanyang pananampalataya.
- 5
Ang totoo, hindi maaasahan ang kayamanan. At ang mga taong mapagmataas na sakim sa kayamanan ay laging balisa at walang kasiyahan. Tulad nilaʼy kamatayan na hindi makukuntento. Kaya binibihag nila ang maraming bansa.
- 6
“Ngunit kukutyain sila ng mga bansang iyon sa pamamagitan ng mga salitang ito, ‘Nakakaawa naman kayo, kayong nangunguha ng mga bagay na hindi sa inyo at nagpapayaman sa pamamagitan ng pandaraya. Hanggang kailan pa ninyo ito gagawin?’
- 7
Biglang dadating ang inyong mga inutangan. Sasalakayin nila kayo at sasamsamin ang lahat ng inyong ari-arian, habang nanginginig kayo sa takot at walang kalaban-laban.
- 8
Dahil maraming bansa ang sinamsaman ninyo ng mga ari-arian, kayo naman ang sasamsaman ng mga natitirang tao sa mga bansang iyon. Mangyayari ito sa inyo dahil sa inyong pagpatay ng mga tao at pamiminsala sa kanilang mga lupain at mga bayan.
- 9
“Nakakaawa kayo, kayong nagpapatayo ng mga bahay sa pamamagitan ng perang nakuha ninyo sa masamang paraan. Pinatitibay ninyo ang inyong mga bahay upang makaligtas kayo kapag dumating ang kapahamakan.
- 10
Dahil sa pagpatay ninyo ng maraming tao, kayo rin ay papatayin at wawasakin ang inyong mga bahay.
- 11
Ang mga bato sa pader ay sisigaw laban sa inyo, at sa mga biga ng bahay ay aalingawngaw ang mga hinaing.
- 12
“Nakakaawa kayo, kayong nagpapatayo ng lungsod sa pamamagitan ng pagdanak ng dugo. Handa kayong pumatay upang itoʼy maitayo.
- 13
Ngunit ang mga ipinatayo ninyo sa mga taong binihag ninyo ay susunugin lang, kaya mawawalan ng kabuluhan ang inyong pinagpaguran. Itinakda na iyan ng Panginoon ng mga Hukbo.
- 14
Sapagkat kung paanong ang karagatan ay puno ng tubig, ang lahat ng tao sa mundo ay mapupuno rin ng kaalaman tungkol sa kadakilaan ng Panginoon.
- 15
“Kahabag-habag kayong mga nagpapainom sa inyong kapwa, ibinubuhos ninyo ang alak hanggang silaʼy malasing upang makita ninyo silang huboʼt hubad.
- 16
Ngayon kayo naman ang ilalagay sa kahihiyan sa halip na parangalan, dahil parurusahan kayo ng Panginoon. Kayo naman ang paiinumin niya sa tasa ng kanyang galit, at kapag lasing na kayo, makikita ang inyong kahubaran at malalagay kayo sa kahihiyan.
- 17
Pinutol ninyo ang mga puno sa Lebanon, at dahil dito, namatay ang mga hayop doon. Kaya ngayon, kayo naman ang pipinsalain at manginginig sa takot. Mangyayari ito sa inyo dahil sa pagpatay ninyo ng mga tao at pagpinsala sa kanilang mga lupain at mga bayan.
- 18
“Ano ang kabuluhan ng mga diyos-diyosan? Ang mga itoʼy gawa ng mga tao lamang, mga imaheng nagtuturo ng kasinungalingan. At bakit nagtitiwala dito ang taong may gawa sa kanya? Ni hindi nga ito makapagsalita.
- 19
Nakakaawa kayong nagsasabi sa rebultong kahoy o bato, ‘Gumising ka at tulungan kami.’ Ni hindi nga iyan makapagtuturo sa inyo. At kahit pa balot iyan ng ginto at pilak, wala naman itong buhay.”
- 20
Ngunit ang Panginoon ay nasa kanyang banal na Templo. Kaya ang buong mundo ay mananahimik sa kanyang harapan.