Micah 7
新改訳新約聖書 (1965) (ja) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Sinabi ni Micas: Kahabag-habag ako! Para akong isang gutom na naghahanap ng natitirang bunga ng ubas o igos ngunit walang makita ni isang kumpol nito.
- 2
Wala na akong nakitang tao sa Israel na tapat sa Diyos. Wala nang natirang taong matuwid. Ang bawat isa ay naghahanap ng pagkakataon upang patayin ang kanyang kababayan, tulad ng taong naghahanda ng bitag para sa hayop na kanyang huhulihin.
- 3
Bihasa silang gumawa ng kasamaan. Ang mga pinuno at mga hukom ay tumatanggap ng suhol. Sumusunod lamang sila sa gusto ng mga taong tanyag at makapangyarihan. Nagkakaisa sila upang baluktutin ang katarungan.
- 4
Ang pinakamabuti sa kanila ay parang dawag na walang silbi. Dumating na ang panahon ng pagpaparusa ng Diyos sa mga taong ito, gaya ng kanyang babala sa kanila sa pamamagitan ng mga propeta na parang mga guwardiya sa tore. Dumating na ang panahon ng kanilang pagkalito.
- 5
Huwag na kayong magtiwala sa inyong kapwa o sa inyong mga kaibigan. At mag-ingat kayo sa inyong sinasabi kahit na sa inyong mahal na asawa.
- 6
Sapagkat ang anak na lalaki ay hindi na gumagalang sa kanyang ama, ang anak na babae ay nagrerebelde sa kanyang ina, at ang manugang na babae ay nagrerebelde rin sa kanyang biyenang babae. Ang kaaway ng isang tao ay ang kanya mismong kapamilya.
- 7
Subalit para sa akin, magtitiwala ako sa Panginoon na aking Diyos. Maghihintay ako sa kanya na magliligtas sa akin, at tiyak na ako ay kanyang diringgin.
- 8
Sinabi ng mga Israelita, “Hindi tayo dapat kutyain ng ating mga kaaway. Kahit na nadapa tayo, muli tayong babangon. At kahit na nasa kadiliman tayo, ang Panginoon ang ating ilaw.
- 9
Dahil sa nagkasala tayo sa Panginoon, dapat nating tiisin ang kanyang parusa sa atin hanggang sa ipagtanggol niya tayo at bigyan ng katarungan. Makikita natin ang pagliligtas niya sa atin sa pamamagitan ng pagdala niya sa atin sa kaliwanagan.
- 10
Makikita ito ng ating mga kaaway at mapapahiya sila. Sapagkat kinukutya nila tayo noon na nagsasabi, ‘Nasaan na ang Panginoon na inyong Diyos?’ Hindi magtatagal at makikita natin ang kapahamakan nila. Magiging tulad sila ng putik na tinatapak-tapakan sa lansangan.”
- 11
Darating ang araw na muli ninyong itatayo ang mga pader ninyo at sa panahong iyon lalong lalawak ang inyong teritoryo.
- 12
Sa panahon ding iyon, pupunta sa inyo ang mga tao mula sa Asiria at sa mga lungsod ng Ehipto, at mula sa Ehipto hanggang sa Ilog Eufrates, at mula sa malalayong lugar.
- 13
Magiging mapanglaw na lugar ang mga bansa sa mundo dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon.
- 14
Patnubayan nawa ninyo ang inyong mamamayan katulad ng pastol sa kanyang kawan. Ang mga lupain sa aming paligid ay may masaganang pastulan, ngunit kami ay namumuhay sa kaparangan na kami-kami lang. Palawakin nʼyong muli ang aming teritoryo hanggang sa Bashan at sa Gilead katulad noon.
- 15
Sinabi ng Panginoon, “Magpapakita ako sa kanila ng mga himala, katulad noong inilabas ko kayo sa Ehipto.”
- 16
Makikita ito ng mga bansa at mapapahiya sila sa kabila ng kanilang kapangyarihan. At hindi na sila makikinig o magsasabi ng mga panlalait sa amin.
- 17
Gagapang sila sa lupa na parang ahas dahil sa sobrang hiya. Lalabas sila sa kanilang lungga na nanginginig sa takot sa inyo, Panginoon naming Diyos.
- 18
Walang ibang Diyos na katulad ninyo! Pinapatawad ninyo ang kasamaan at kinakalimutan ang kasalanan ng nalalabing lahi ng inyong mamamayan. Hindi kayo nananatiling galit magpakailanman dahil ikinagagalak nʼyong mahalin kami.
- 19
Kamiʼy muli ninyong kahabagan, ang aming mga kasalanaʼy inyong yurakan, at ihagis ito sa ilalim ng karagatan.
- 20
Ipakita ninyo ang inyong pag-ibig at katapatan sa amin na mga lahi ni Abraham at ni Jacob, gaya ng iyong ipinangako sa kanila noong unang panahon.