Hosea 14
新改訳新約聖書 (1965) (ja) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Sinabi ni Hoseas: “Mga taga-Israel, magbalik-loob na kayo sa Panginoon na inyong Diyos. Napahamak kayo dahil sa inyong kasalanan.
- 2
Magbalik-loob na kayo sa Panginoon at sabihin ninyo sa kanya, ‘Patawarin nʼyo po kami sa aming mga kasalanan. Tanggapin nʼyo po kami ayon sa inyong kabutihan upang makapaghandog kami sa inyo ng pagpupuri.
- 3
Hindi na kami hihingi ng tulong sa Asiria at hindi na rin kami aasa sa mga kabayong pandigma. Hindi na rin namin tatawagin na aming Diyos ang mga diyos-diyosang ginawa namin. Sapagkat kinaawaan nʼyo po kami na parang mga ulila.’ ”
- 4
Sinabi ng Panginoon, “Pagagalingin ko ang aking mga mamamayan mula sa kanilang pagkamasuwayin at taos-puso ko silang mamahalin. Sapagkat nawala na ang galit ko sa kanila.
- 5
Pagpapalain ko ang mga taga-Israel; akoʼy magiging parang hamog sa kanila na nagbibigay ng tubig sa mga halaman. Sila ay lalago tulad ng liryong namumulaklak. Sila ay magiging matatag tulad ng puno ng sedro sa Lebanon na malalim ang ugat.
- 6
Sila ay dadami na parang mga sangang nagkakadahon nang mayabong. Silaʼy magiging tanyag tulad ng magandang puno ng olibo at ng mabangong puno ng sedro ng Lebanon.
- 7
Muli silang maninirahan na kinakalinga ko. Sila ay uunlad na parang trigong yumayabong o ubas na namumulaklak. At magiging tanyag sila na gaya ng alak ng Lebanon.
- 8
“Mga taga-Israel, lumayo na kayo sa mga diyos-diyosan. Ako ang tutugon sa inyong mga dalangin at ako ang kakalinga sa inyo. Ipagtatanggol ko kayo; akoʼy magiging tulad ng mayabong na puno ng sipres, na magbibigay ng lilim. Ako ang nagpapaunlad sa inyo.”
- 9
Nawaʼy malaman at maintindihan ng may pang-unawa ang mga nakasulat dito. Tama ang mga pamamaraan ng Panginoon at sinusunod ito ng mga matuwid, ngunit nagiging katitisuran ito sa mga suwail.