Habakkuk 3
新改訳新約聖書 (1965) (ja) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Ito ang panalangin ni Propeta Habakuk:
- 2
Panginoon, narinig ko po ang tungkol sa inyong mga ginawa, at ako ay lubos na humanga sa inyo. Gawin ninyong muli sa aming panahon ang ginawa ninyo noon. At sa araw na ipadama ninyo ang inyong galit, maawa kayo sa amin.
- 3
Ikaw ang Diyos na dumating mula sa Teman, ang Banal na Diyos mula sa Bundok ng Paran. Tinatakpan ang langit ng inyong kadakilaan at napupuno ang lupa ng mga papuri sa iyo.
- 4
Darating kayong kasinliwanag ng araw; may sinag na lumalabas sa inyong mga kamay kung saan nakatago ang inyong kapangyarihan.
- 5
Darating kayong may dalang mga salot.
- 6
Kapag tumayo kayo ay nayayanig ang mundo, at kapag tumingin kayo ay nanginginig sa takot ang mga bansa at gumuguho ang sinaunang kabundukan at kaburulan. Ang inyong mga pamamaraan ay mananatili magpakailanman.
- 7
Nakita ko ang mga tolda ng Cushan na nasa panganib, at ang mga tahanan sa Midian na naghihinagpis.
- 8
Panginoon, sino ba ang inyong kinapopootan? Ang mga ilog ba at ang mga dagat? Sinalakay ninyo sila gamit ang inyong mga kabayo at mga karwahe na nagbigay sa inyo nang tagumpay.
- 9
Kinuha ninyo ang inyong pana sa lalagyan niya, inihanda ninyo ang inyong mga palaso. Biniyak ninyo ang lupang may mga ilog.
- 10
Ang mga bundok ay nanginig nang kayoʼy kanilang magisnan. Patuloy na umagos ang matinding baha; umugong nang malakas ang dagat at nilakihan ang kanyang mga alon.
- 11
Tumigil ang araw at ang buwan sa kanilang kinaroroonan sa kislap ng nagliliparan ninyong pana at kumikinang ninyong sibat.
- 12
Sa inyong matinding galit ay tinapakan nʼyo ang mundo at niyurakan ang mga bansa.
- 13
Dumating kayo upang iligtas ang inyong mga tao, at makaiwas sa kapahamakan ang inyong hinirang. Pinuksa ninyo ang pinuno ng kahariang napakasama, at lubusang nilipol ang lahat ng kanyang tagasunod.
- 14
Tinuhog nʼyo ng sarili niyang sibat ang ulo ng pinuno ng kanyang mga kawal, nang salakayin kami ng kanyang mga mandirigma upang kami ay ikalat. Ikinagagalak nilang lipulin kaming mga kawawang nagtatago sa takot.
- 15
Para kayong sundalo na nakasakay sa kabayong nagtatatakbo sa karagatan hanggang sa lumaki ang mga alon.
- 16
Nang marinig ko ang lahat ng ito, nanginig ang aking buong katawan at nangatal ang aking mga labi dahil sa takot. Nanghina ako at nangatog ang aking mga tuhod. At dahil sa ipinahayag na ito ng Panginoon, matiyaga kong hihintayin ang takdang panahon ng pagpaparusa niya sa mga sumalakay sa amin.
- 17
Kahit hindi mamunga ang mga puno ng igos, ubas, o ang kahoy ng olibo, at kahit walang anihín sa mga bukirin, at kahit mamatay ang mga alagang hayop sa kanilang mga kulungan,
- 18
magagalak pa rin ako sapagkat ang Panginoong Diyos ang nagliligtas sa akin.
- 19
Ang Makapangyarihang Panginoon ang nagbibigay sa akin ng kalakasan. Pinalalakas niya ang aking mga paa na tulad ng mga paa ng usa, upang makaakyat ako sa matataas na lugar.