Zechariah 10
Korean Bible (1910) (ko-Kore) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Humiling kayo sa Panginoon ng ulan sa panahon ng tagsibol, sapagkat siya ang gumagawa ng mga ulap. Binibigyan niya ng ulan ang mga tao at ang bawat tanim sa parang.
- 2
Ang mga diyos-diyosan ay nagsasalita nang mapanlinlang; ang mga manghuhulaʼy bulaan ang pangitain, ang mga panaginip na kanilang sinasabiʼy pawang kasinungalingan, ang aliw na ibinibigay ay walang kahulugan. Kaya ang mga taoʼy lumalaboy tulad ng tupa, dahil walang pastol silaʼy nagdurusa.
- 3
Sinabi ng Panginoon, “Galit na galit ako sa mga namumuno sa aking mga mamamayan. Talagang parurusahan ko sila. Sapagkat aalalahanin ng Panginoon ng mga Hukbo ang kanyang kawan, ang mga mamamayan ng Juda. Gagawin ko silang tulad ng mga kabayong matagumpay sa digmaan.
- 4
Sa kanila magmumula ang mga pinuno na ang katulad ay batong-panulukan, tulos ng tolda, at panang ginagamit sa digmaan.
- 5
Magkakaisa ang mga taga-Juda at magiging katulad sila ng mga sundalong malalakas na tatalo sa mga kanilang mga kalaban na parang putik na tinatapak-tapakan sa lansangan. Makikipaglaban sila dahil kasama nila ang Panginoon, at tatalunin nila ang mga mangangabayo.
- 6
“Palalakasin ko ang mga mamamayan ng Juda at ililigtas ko ang mga mamamayan ng Israel. Pababalikin ko sila sa kanilang lupain dahil naaawa ako sa kanila. At dahil ako ang Panginoon na kanilang Diyos, diringgin ko ang kanilang mga dalangin, na parang hindi ko sila itinakwil tulad ng dati.
- 7
Ang mga mamamayan ng Efraim ay magiging katulad ng mga malalakas na kawal. Magiging masaya sila na parang nakainom ng alak. Ang tagumpay na itoʼy maaalala ng kanilang mga kaapo-apohan at matutuwa sila dahil sa ginawa Panginoon.
- 8
Tatawagin ko ang aking mga mamamayan at titipunin ko sila. Palalayain ko sila, at dadami sila tulad nang dati.
- 9
Kahit na ikinalat ko sila sa ibang bansa, maaalala pa rin nila ako roon. Mananatili silang buhay pati ang kanilang mga anak, at babalik sila sa kanilang lupain.
- 10
Pauuwiin ko sila mula sa Ehipto at Asiria, at patitirahin ko sila sa Gilead at Lebanon. Magiging masikip sila sa kanilang lupain.
- 11
Tatawid sila sa dagat na maalon ngunit magiging payapa ang mga alon. At kahit ang Ilog ng Nilo ay matutuyo. Ang ipinagmamalaki ng Asiria ay babagsak at ang kapangyarihan ng Ehipto ay mawawala.
- 12
Palalakasin ko ang aking mga mamamayan dahil nasa akin sila, at susundin nila ako saan man sila magpunta,” sabi ng Panginoon.