Micah 3
Diodati Bibbia 1885 (it) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Sinabi ni Micas: “Makinig kayo, mga pinuno ng Israel at Juda! Hindi baʼt kayo ang dapat magpatupad ng katarungan?
- 2
Subalit napopoot kayo sa kabutihan at minamahal ang kasamaan. Binabalatan ninyo ang aking mamamayan, tinatanggalan ninyo ng laman ang kanilang mga buto.
- 3
Kinakain ninyo ang kanilang laman, inaalisan sila ng balat, Binabali ang kanilang buto hanggang magkapira-piraso. Tinatadtad ninyo sila tulad ng mga karneng iluluto, mga laman na pakukuluan sa kaldero.
- 4
“Sa araw ng pagpaparusa sa inyo, hihingi kayo ng tulong sa Panginoon, ngunit hindi niya kayo tutulungan; itatakwil niya kayo dahil sa inyong kasamaang ginagawa.
- 5
“Ito naman ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa mga propetang nanlinlang sa kanyang mga mamamayan, na nangangako ng mabuting kalagayan sa mga nagpapakain sa kanila, ngunit binabantaan nila ng kapahamakan ang ayaw magpakain sa kanila:
- 6
‘Dahil iniligaw ninyo ang aking mga mamamayan, hindi na kayo magkakaroon ng mga pangitain at hindi na kayo makapanghuhula. Para kayong nasa dilim na wala kayong makikita.
- 7
Mapapahiya kayong mga propeta at manghuhula. Magtatakip kayo ng mukha sa sobrang hiya, dahil wala na kayong natatanggap na mensahe mula sa Diyos.’
- 8
Ngunit ako ay puspos ng Espiritu ng Panginoon na siyang nagbibigay sa akin ng kapangyarihan upang maipatupad ko ang katarungan, at nagpapalakas ng loob ko para masabi sa mga mamamayan ng Israel at Juda na nagkasala sila.
- 9
Makinig kayo, mga pinuno ng Israel at Juda! Ayaw ninyong pairalin ang katarungan at binabaluktot ninyo ang katuwiran.
- 10
“Itinatayo ninyo ang Zion sa masamang paraan. Handa kayong pumatay maitayo lamang ito.
- 11
Humahatol kayong panig sa mga nagbibigay ng suhol sa inyo. At kayong mga pari ay nagpapabayad sa pagtuturo. Ganoon din kayong mga propeta, nanghuhula kayo dahil sa pera. Umaasa rin kayong tutulungan kayo ng Panginoon, dahil ayon sa inyo, ‘Kasama namin ang Panginoon. Kaya walang anumang masamang mangyayari sa amin.’
- 12
Kaya dahil sa inyo, wawasakin ang Zion, ang lungsod ng Jerusalem. Magiging katulad ito ng inararong bukid, at magiging bunton ng mga gumuhong gusali. At magiging gubat ang bundok na kinatatayuan ng templo.”