Hosea 11
Diodati Bibbia 1885 (it) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
“Minahal ko ang Israel noong kabataan niya. Itinuring ko siyang anak at tinawag ko siya mula sa Ehipto.
- 2
Ngunit ngayon, kahit na patuloy kong tinatawag ang mga mamamayan ng Israel, lalo pa silang lumayo sa akin. Naghahandog sila at nagsusunog ng mga insenso sa diyos-diyosang si Baal.
- 3
Ako ang nag-alaga sa kanila. Inakay ko sila at tinuruang lumakad, ngunit hindi nila kinilala na ako ang kumalinga sa kanila.
- 4
Pinatnubayan ko sila nang buong pagmamahal, tulad ng isang taong nag-aangat ng pamatok sa baka upang mapakain ito.
- 5
“Ngunit dahil ayaw nilang bumalik sa akin, babalik sila sa Ehipto, at paghaharian sila ng Asiria.
- 6
Lulusubin ng mga kalaban ang kanilang mga lungsod at sisirain ang mga tarangkahan ng pintuan nito. Wawakasan ng mga kaaway ang lahat nilang balak.
- 7
Nagpasyang lumayo sa akin ang aking mga mamamayan. Kaya kahit na sama-sama pa sila na dumulog sa akin na Kataas-taasang Diyos, hindi ko sila tutulungan.
- 8
“Mga taga-Israel, hindi ko magagawa na itakwil kayo o pabayaan na lang. Hindi ko magagawang lipulin kayo nang lubusan gaya ng ginawa ko sa mga lungsod ng Adma at Zeboim. Hindi matatanggap ng aking kalooban na gawin ko ito sa inyo. Awang-awa ako sa inyo.
- 9
Hindi ko na ipadarama ang matindi kong galit; hindi ko na gigibain ang Israel, dahil akoʼy Diyos at hindi tao. Ako ang Banal na Diyos na kasama ninyo. Hindi ako paparito sa inyo nang may galit.
- 10
Susunod kayo sa akin na inyong Panginoon kapag umatungal ako na parang leon. Kapag umatungal na ako, kayong mga anak ko ay uuwi na nanginginig mula sa kanluran.
- 11
Takot kayong darating, nanginginig na parang mga ibon mula sa Ehipto o parang mga kalapating mula sa Asiria. Ibabalik ko kayo sa inyong mga tahanan,” sabi ng Panginoon.
- 12
Sinabi pa ng Panginoon, “Palagi akong pinagsisinungalingan at niloloko ng mga taga-Israel. Ang mga taga-Juda ay patuloy na lumalayo sa akin, ang Diyos na banal at tapat.”