Jonah 3
Hausa Open Bible (Biblica) (ha) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Muling nagsalita ang Panginoon kay Jonas.
- 2
Sinabi niya, “Pumunta ka agad sa Nineve, ang malaking lungsod, at sabihin mo sa mga tagaroon ang ipinasasabi ko sa iyo.”
- 3
Pumunta agad si Jonas sa Nineve ayon sa sinabi ng Panginoon. Malaking lungsod ang Nineve; aabutin ng tatlong araw kung ito ay lalakarin.
- 4
Pumasok si Jonas sa lungsod. Pagkatapos ng maghapong paglalakad, sinabi niya sa mga tagaroon, “May apatnapung araw na lamang ang natitira at wawasakin na ang Nineve.”
- 5
Naniwala ang mga taga-Nineve sa pahayag na ito mula sa Diyos. Kaya lahat sila, mula sa pinakadakila hanggang sa pinakaaba ay nagsuot ng damit na panluksa at nag-ayuno upang ipakita ang kanilang pagsisisi.
- 6
Sapagkat nang mapakinggan ng hari ng Nineve ang mensahe ni Jonas, tumayo siya mula sa kanyang trono, inalis ang kanyang balabal, nagsuot ng damit na panluksa at naupo sa lupa.
- 7
At ito ang ipinahayag niya sa buong Nineve: “Ayon sa utos ng hari at ng kanyang mga nakatataas na opisyal, “Walang sinumang kakain at iinom, kahit ang inyong mga baka, tupa o kambing.
- 8
Magsuot ang mga tao ng damit na panluksa pati na ang mga hayop, at taimtim na manalangin sa Diyos. Talikuran ninyo ang masamang pamumuhay at karahasang ginagawa ninyo.
- 9
Baka sakaling magbago ang isip ng Diyos at mawala ang kanyang galit sa atin at hindi na niya tayo lipulin.”
- 10
Nakita ng Diyos ang kanilang ginawa, kung paano nila tinalikuran ang kanilang masamang pamumuhay. Naawa siya sa kanila, at hindi na niya nilipol ang mga taga-Nineve gaya ng kanyang sinabi noon.