Amos 8
Louis Segond 1910 (fr) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Ito ang ipinakita sa akin ng Makapangyarihang Panginoon: Nakita ko ang isang basket na may mga hinog na prutas.
- 2
Tinanong niya ako, “Amos, ano ang nakikita mo?” Sumagot ako, “Isang basket po ng mga hinog na prutas.” Sinabi sa akin ng Panginoon, “Dumating na ang katapusan ng mga mamamayan kong Israelita. Hindi ko na sila kaaawaan.
- 3
“Sa araw na iyon, ang masasayang awitan sa templo ay magiging iyakan dahil kakalat ang patay kahit saan. At wala nang maririnig na ingay. Ako, ang Makapangyarihang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
- 4
Makinig kayo, kayong mga nanggigipit sa mga mahihirap at nagtatangkang lipulin sila.
- 5
Sabi ninyo, “Kailan matatapos ang Pista ng Bagong Buwan o ang Araw ng Pamamahinga para makapagbenta na tayo ng mga inaning butil?” Inip na inip na kayong mandaya sa pamamagitan ng pagbabawas ng timbang, pagtataas sa presyo at maling takalan.
- 6
Nagmamadali kayong makapagbenta ng mga butil na hinaluan ng ipa, upang makabili kayo ng taong dukha na ipinagbibiling alipin dahil hindi siya makabayad ng kanyang utang, kahit ang utang niya ay kasinghalaga lamang ng isang pares ng sandalyas.
- 7
Kaya sumumpa ang Panginoon, ang Diyos na ipinagmamalaki ng mga lahi ni Jacob: “Hindi ko makakalimutan ang lahat ng kasamaan na ginawa ninyo.
- 8
Dahil ditoʼy mayayanig ang lupa, at ang lahat ng taoʼy magluluksa. Ang buong lupain ay aangat katulad ng Ilog Nilo; magugulo ito at pagkatapos ay muling lulubog katulad ng ilog ng Ehipto.
- 9
Sa araw na iyon,” sabi ng Makapangyarihang Panginoon “palulubugin ko ang araw sa katanghaliang tapat, kaya didilim ang buong lupain kahit araw pa.
- 10
Gagawin kong iyakan ang kasayahan sa inyong pista, at ang inyong pag-aawitan ay magiging panaghoy. Pagdadamitin ko kayo ng sako at uutusang magpakalbo upang ipakita ang inyong pagdadalamhati, katulad ng mga magulang na umiiyak sa pagkamatay ng kanilang kaisa-isang anak. Ngunit magiging mas masakit pa ang huling parusa.”
- 11
“Darating ang araw,” sabi ng Makapangyarihang Panginoon, “na padadalhan ko ng taggutom ang inyong lupain. Ngunit hindi ito pagkagutom sa pagkain o pagkauhaw sa tubig, kundi pagkagutom at pagkauhaw sa aking mga salita.
- 12
Pagod na pagod na kayo at naghahanap mula sa hilaga hanggang silangan sa paghahanap ng mga taong makakapagpahayag sa inyo ng salita ng Panginoon, ngunit hindi ninyo matagpuan kahit saan kayo pumunta.
- 13
“Sa araw na iyon na parurusahan ko kayo, kahit ang inyong magagandang dalaga at ang inyong malalakas na mga binata ay mawawalan ng malay dahil sa matinding uhaw.
- 14
Kayong mga nanunumpa sa ngalan ng mga diyos-diyosan ng Samaria, Dan at Beer-seba, lilipulin kayo at hindi na makakabangon.”